Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Rica Peralejo ay inamin niya na totoong nanligaw sa kanya si Piolo Pascual. Pero nilinaw rin ng sexy actress na tumigil na ang young actor sa panliligaw nito.
Nang tanungin kung ano ang dahilan ng paghinto ni Piolo sa panunuyo sa kanya, sinabi ni Rica na, "I want to concentrate on my walk with God. We really both felt na parang God is telling us to stop, and look at me first."
Nagsimulang magkalapit sina Rica at Piolo habang ginagawa nila noon ang ABS-CBN drama series na Sa Piling Mo. Si Piolo rin ang humikayat kay Rica na sumapi sa Victory Christian Fellowship (VCF) na nagpalapit lalo sa kanila sa Panginoon.
Magkaibigan na lang daw muna sila ni Piolo ngayon. When the time comes na tawagin na raw si Rica ni Lord at may magustuhan siyang lalaki o mag-aasawa na, handang-handa na raw siya. Pero kung narararamdaman niya na gusto pa siyang gamitin ng Panginoon in the form of service, yun muna raw ang priority niya.
Nilinaw rin ni Rica na hindi niya binasted si Piolo kaya tumigil ang aktor sa panliligaw sa kanya.
"Ay, hindi! Sino ba naman ang hindi magkaka-type kay Piolo, di ba? Pero kasi ‘yung faith namin does not go for type-type or gusto-gusto. We go for what God wants for you, ganun," paliwanag ni Rica.
Samantala, ngayong kumpirmado nang buntis si Meryll Soriano, na misis ng ex-boyfriend niyang si Bernard Palanca, papayag ba si Rica na maging ninang ng baby nila kung sakaling kunin siya ng mga ito?
"I'm happy for them because I think that's the second thing naman talaga na you look forward to after you get married. And it's a blessing, always. Kasi hindi lahat ng babae ay nabubuntis o nagiging isang ina. So parang I'm very happy for them," pauna munang sabi ni Rica.
"Hindi ko naman sinabi na ayokong maging ninang ng anak nila. Parang ang layo lang sa reyalidad," aniya pa.
Magkasama sina Rica at Piolo sa Sunday musical variety show ng ABS-CBN na ASAP.
