Debut ni Yasmien Kurdi sa January 25. Two months ago, sa taping ng Bakekang sa Mowelfund, ikinuwento ng young actress na wala siyang planong mag-debut at magpa-party nang bongga. Bukod sa nanghihinayang sa malaking pera na magagasta ‘pag nagpa-party siya, ayaw rin niyang mag-gown, mag-cottilion, at lalong ayaw ng may escort.
Isang mini-concert ang hiningi ni Yasmien sa GMA Artist Center—at wish granted—dahil may concert siya sa Ibarra Plaza Restaurant sa may Timog Avenue, Quezon City, mamayang gabi, January 23. Guests niya sina Marky Cielo, Iwa Moto, at ang Pinoy Pop Superstar finalists.
Tuwang-tuwa rin si Yasmien sa regalo sa kanya ni Dra. Vicky Belo na trip to Korea. Matagal na raw kasing gustong bumisita ng young star sa bansa ng favorite Korean actor niyang si Kwon Sang-woo, bida sa Koreanovela na Stairway To Heaven.
Sana lang ay suwertihin ang dalaga na makita ang Korean actor habang nasa Korea siya. Nang bumisita kasi si Sang-woo sa Pilipinas last year ay hindi nagkaroon ng chance si Yasmien na makita ang Korean superstar.
Sa ngayon ay hindi pa alam ni Yasmien kung kailan siya pupunta ng Korea dahil aayusin pa ang schedule niya sa taping ng nagri-rate na GMA-7 soap-opera na Bakekang.