Tinawanan lang ni presidential candidate at Vice President Jejomar Binay ang mapanirang meme ng kanyang larawan na kuha nitong nakaraang Ash Wednesday.
Dito ay makikitang puno ng abo ang buong mukha ni Binay bilang patama sa kulay ng kanyang balat.
Kasabay nito ay mayroong Ash Wednesday meme si Binay na nakaturo sa mapa ng Pilipinas at may kalakip na caption na nagsasabing: “Tapos na ako sa Makati sa 'yo naman ako sunod na aani.”

Hiningan ng reaksiyon si Binay tungkol dito nang siya ay sumalang sa "Hiritan 2016" segment ng Unang Hirit noong Lunes ng umaga, February 15.
Noong una ay hindi gaanong makita ni VP Binay ang meme na flinash sa screen kaya sabi niya, “Hindi ko maanuhan. Ano bang sabi dun?
“Hindi naman punung-puno. Dun lang sa may gitna ng noo.”
Tinanong ulit si VP Binay kung ipinapakita ng kanyang staff ang mga meme tungkol sa kanya, na kung minsan ay nagiging trending topic pa sa social media.
Sagot ng bise presidente, “Unang-una, 'yang biro, pagbibintang, paninira, naranasan ko na 'yan sa simula't simula pa nang ako ay malagay sa paglilingkod sa bayan.
“Sa akin, walang masama. Part of the job, e.”
Sa katunayan, ginamit ng kampo ni Binay ang salitang "nognog" upang ilarawan siya sa kanyang political ads para sa 2016 elections.
ALLEGED BANK ACCOUNTS, SALN DISCREPANCY. Sa kabilang banda, mariing pinabulaanan ni Binay ang alegasyong kasabwat niya ang dating financial adviser na si Gerry Limlingan at personal secretary na si Ebeng Baloloy sa diumano't pagkamal ng pera ng bayan.
“Hindi ko alam kung nasaan sila,” sabi ni Binay patungkol sa hindi pa rin matagpuang sina Limlingan at Baloloy sa kabila ng warrant of arrest na inisyu ng Senado laban sa mga ito.
Kaugnay ito ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) report na nagsasabing hindi umano tugma ang labas-pasok na halaga ng pera sa bank accounts ni Binay sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) nito, mula 2008 hanggang 2014.
Sinasabing lumobo ang halaga sa bank account ni Binay mula P509,884.63 hanggang P35 million.
Mayroon ding joint bank account sina Binay at Limlingan na diumano'y lumobo mula P4,059,500 hanggang P14 million.
Paliwanag ni Binay, “Hindi ho yata ganun ang pagkakasabi na hindi tugma sa SALN.
“Pero binuksan ho lahat ng aming bank accounts lalo na yung sa akin.
“Yun namang bank accounts na yun, lalo na kay Mr. Limlingan, e, nagnenegosyo yun.
“Financial adviser yun, so ang pera nun come and go, so tataas tapos bababa.
“Pero kung gusto ka talaga sirain, pati yung pagbaba hindi ano...
“Kapag bumaba, binabalik din naman ang pera, tumataas yun.
“Ganun ang nangyari kay Justice Corona.
“Ang presentation dun, masyadong mataas, kasi yung mga withdrawals kapag binabalik, dinadagdag ulit.
“Hindi naman binababa kapag bumababa.”
Kung saka-sakali ay handa rin umano ang bise presidente na ipakita ang kanyang bank statement.
“Opo naman. Pero alam mo, indirectly, sa SALN nakalagay naman dun bank accounts.
“Yung ginawa nilang AMLC, nabuksan na. So, alam niyo nakabukas na ang AMLC, nakalagay naman sa SALN bank accounts.
“Pangatlo, ako ho, sa first 100 days ko [pag nanalong Presidente], magpapalabas ako ng executive order para yung Freedom of Information Bill, e, magkatotoo na, para maging batas na, para maging transparent yun.”
WHY HE WAS A NO-SHOW ON SENATE PROBE. Sa huli, nilinaw ni Binay kung bakit hindi niya sinipot ang Senate Blue Ribbon committee hearing kaugnay ng diumano'y overpriced construction ng Makati City Hall Building II.
Saad niya, “Yung imbitasyon ho ay para magpaliwanag.
“Nagpaliwanag naman ho ako, a.
“Yun lang, hindi nila pinakinggan, binasura nila.
“Yung pagharap, kayo na mismo nanonood sa TV
“The demeanor is far from being respected.”