Napaiyak si Gladys Guevarra sa press conference ng Magic Kamison na ginanap sa executive lounge ng GMA Network Center kagabi, January 29.
Ayon sa manager ni Gladys na si Jun Nardo, bago pa man humarap sa press con ang singer-comedienne ay kinakabahan na ito dahil first time niyang haharap sa maraming press pagkatapos niyang mag-resign sa Eat Bulaga! Matatandaang early this month ay ginulat ni Gladys ang lahat sa biglaan niyang pagre-resign sa noontime show ng GMA-7 and TAPE Inc.
Ang ibinigay na dahilan ni Gladys sa kanyang resignation letter ay "for health reasons." Sa kabila nito ay marami ang naghihinala na hindi nagsasabi ng totoo si Gladys. Isa nga sa pinakamatunog na bulung-bulungan ay ang relasyon diumano nila ng kasama niya sa Eat Bulaga! na si Janno Gibbs. Pero mariin na itong itinanggi ni Gladys sa TV interviews niya after niyang mag-resign.
Nang muling usisain ng entertainment press tungkol sa kanyang pagre-resign sa Eat Bulaga!, iginiit ni Gladys na ang kalusugan niya talaga ang dahilan at wala nang iba pa.
"Malala na po ang scoliosis ko at kung hindi pa maaagapan, pwedeng maging slip disc. Ayoko po namang mabalda ako, ang bata-bata ko pa," sabi ni Gladys.
Itinanggi rin ni Gladys na ipinagpalit niya ang Eat Bulaga!, kung saan naging co-host siya sa loob ng anim na taon, sa Magic Kamison.
"Bago po ako nag-resign sa Eat Bulaga!, natanggap ko na itong Magic Kamison. Pero wala po itong kinalaman sa pagre-resign ko," paglilinaw niya.
Pero ayaw tanggapin ng ilang entertainment press ang dahilan ni Gladys kaya hindi na siya nakasagot at napaiyak na lamang. Sandaling umalis si Gladys sa presidential table, kasama ang manager niyang si Jun Nardo, at umiyak muna sa labas.
After she regained her composure at sa pakiusap na rin ni Ms. Wilma Galvante, Senior Vice President for Entertainment ng GMA-7, muling bumalik si Gladys sa presidential table.
Si Ms. Galvante na ang nagsalita for Gladys: "Mahirap talaga ang kalagayan ni Gladys. Alam ko ‘yan dahil ako, since I was 17 years old, nagyo-yoga na ako para hindi lumala ang scoliosis ko."
Dagdag pa ni Ma'm Wilma, "In-offer namin kay Gladys ang Magic Kamison for one season. If it will do good, we will extend it. Pero wala kaming promise sa kanyang this will be forever. Ang promise lang namin sa kanya, wala itong harness na makaka-aggravate sa kanyang condition. At iyong nabasa ko rin na ayaw daw payagan ng Eat Bulaga! na gamitin namin ang pangalang Chuchay, walang katotohanan ‘yon dahil si Gladys ang gumawa nun, pangalan ‘yon ng kanyang pamangkin."
Nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Gladys pagkatapos ng open forum, inamin nitong natakot siya talaga sa mga tanong sa kanya. Hindi raw niya agad na-explain na kailangan niya talagang ingatan ang kanyang scoliosis dahil two years ago pa pala ‘yon nagsimulang sumakit. Ngayon daw ay hindi na siya talaga pwedeng magtrabaho ng gaya noon na halos walang araw siyang naipapahinga.
"Once a week lang po ang taping namin ng Magic Kamison kaya ko po ito tinanggap. Kahit po ‘yong mga shows ko, nilimitahan ko na rin. Minsan, once a week na rin lang ako nagso-show, plus ‘yong mga natanggap ko na noon pa," paliwanag ni Gladys.
"This Valentine, ‘yong Love Affair concert with Vernie Varga and Rico J. Puno lang po ang show ko dahil matagal ko na ‘yong natanggap kay Tita Annabelle Rama. Sana lang po, tulungan ninyo ako dito sa first starring role ko sa TV [Magic Kamison]," pakiusap pa niya.
Tumanggi na rin si Gladys na sagutin ang tanong tungkol sa kanila ni Janno Gibbs. Aniya, naipaliwanag na niya ito ng ilang beses at wala raw talaga itong katotohanan.
From Jun Nardo, nalaman din namin na magkakaroon ng weekly lifestyle show si Gladys sa QTV 11. May gagawin din daw na comedy movie si Gladys sa Regal Entertainment na ididirek ni Joel Lamangan, kung saan makakasama niya sina Cherry Pie Picache at Eugene Domingo.
Ayon pa kay Jun, sisiguraduhin daw nila ni Gladys na hindi magiging daily ang trabaho ng comedienne.