Robin Padilla already wants his 14-year-old daughter to get married


"Kung ako ang tatanungin, gusto ko na siyang mag-asawa, kasi mas sigurado na ‘yon na sa kapwa-Muslim siya magpakasal," says Robin Padilla about his daughter Queenie.



Kahit narito pa sa Pilipinas ang action superstar na si Robin Padilla bukas, Valentine's day, wala raw silang plano ng asawa niyang si Liezl Sicangco na mag-date. Parang alangan na raw kasi dahil malalaki na ang mga anak nila— Queenie, 14 (na matangkad na raw ngayon kay Liezl); Kyle, 13; Zherilyn, 12; and Ali, 5.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Robin sa send-off lunch sa kanya ng GMA-7 kahapon, February 12. Lilipad patungong Thailand si Binoe sa Thursday, February 15.

Nilinaw ni Robin na hindi pa siya magti-taping ng Asian Treasures sa Thailand. Mauuna lang daw siya dahil ihahatid niya ang kanyang mga anak na sina Queenie at Kyle, na ipagpapatuloy ang pag-aaral ng muay thai sa Muay Thai Institute sa Ranjit, Thailand.

"Si Mama [Eva Cariño] ang makakasama ng mga anak ko roon," sabi ni Robin. "Ayaw ni Liezl na siya ang kasama ng mga bata dahil hindi raw niya kayang makitang nakikipagbasagan ng mukha ang mga anak niya. Saka next week, babalik na sila sa Australia dahil simula na ulit ng classes nina Zherilyn at Ali.

"Six months na mag-aaral doon sina Queenie at Kyle. After ng ten sessions, may bakasyon, pero ako na ang dadalaw sa kanila kesa naman sila pa ang umuwi rito. Pero three days lang ako sa Thailand. Babalik ako agad dahil sa taping ng Asian Treasures sa Surigao, bago kami umalis sa March 11 para sa location namin sa mga Asian countries. "

Ayon kay Robin ay hindi siya nakikialam sa mga desisyon ng mga anak niya.

"Desisyon nila na mag-concentrate sa martial arts," sabi ni Robin. "Pareho kasi silang black belter, si Queenie sa arnis at si Kyle sa kendo. Ina-idolize nila si Angel Locsin. Gusto raw nilang maging mahusay sa martial arts na tulad ni Angel.

"Natatawa nga ako sa mga anak ko dahil tuwing manonood ng Asian Treasures, basta may stunts na ginawa si Angel, pumapalakpak sila. Ako hindi nila pinapalakpakan. Kapag tinanong ko, sagot lang nila sa akin, ‘She's so good!'" natatawang kuwento ni Binoe tungkol sa paghanga ng kanyang mga anak sa leading lady niya sa Asian Treasures.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

QUEENIE. Tuloy pa rin ba ang dream ni Queenie na mag-artista?

"Hindi ko siya pipigilan pero hindi pa ngayon. Marami pa siyang dapat pag-aralan. Unang-una, kailangan nilang mag-aral magsalita ng Tagalog. Hindi pwdeng ganito ang tatay nila, tapos sila pa-Ingles-Ingles sa TV! Kailangan din nilang mag-aral umarte, nakakahiya yung marinig mo na ‘Okay, take 15!'" tawa ulit ni Robin.

May nanliligaw na ba kay Queenie?

"Walang nanliligaw sa kanya," nangingiting sabi ni Binoe. "Saka kaawa-awa ang manliligaw sa kanya kung tulad dito na minamanduhan ng lalaki ang babae. Laking-Australia sila, hindi mo sila pwedeng sigaw-sigawan. Ako nga, hindi ko sila nasisigawan, tapos kung sino lang ang sisigaw sa kanila? Hindi pwede ‘yon."

Patuloy niya, "Hindi ako mahigpit sa mga anak kong babae, saka bawal sa Islam ang makipag-boyfriend. Pwedeng mag-asawa sila, basta nagkaroon na sila ng monthly period, allowed na ‘yon ng Islam na magpakasal sila.

"Noong nagbakasyon nga kami sa Baguio, tinanong ko si Queenie kung gusto na niyang mag-asawa dahil may gusto nang mag-propose sa kanya—dalawa pa, isang Maranaw at isang nagbalik-Islam—pero ayaw pa raw niya. Kung ako ang tatanungin, gusto ko na siyang mag-asawa kasi mas sigurado na ‘yon na sa kapwa-Muslim siya magpakasal."

ASIAN TREASURES. Nakatakdang mag-taping ang cast and crew ng Asian Treasures sa ilang bansa sa Asya for one month.

"Okay lang po sa akin ‘yon dahil paid naman," sabi ni Robin. "Yun nga ang madalas kong sinasabi sa mga kasama ko kapag halos wala kaming tulog sa loob ng ilang araw na taping: Mas mabuting napupuyat na bayad, kaysa napupuyat na hindi bayad at hindi alam kung saan kukunin ang kakainin."

Naitanong din namin kay Robin ang tungkol sa issue na tumawag daw siya sa ABS-CBN directors na sina Jerry Sineneng at Trina Dayrit upang magpatulong sa pagdidirek ng Asian Treasures. Ayon pa sa lumabas na balita, hindi raw kasi masaya si Binoe sa pagdidirek ni Eric Quizon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko po naman kayang gawin ‘yon," ani Robin. Sa totoo lang po, bilib na bilib ako kay Direk Eric Quizon. Bukod sa marami siyang fresh ideas, napaka-cool niya, hindi siya marunong manigaw. Kung ano po ang 'itsura niya nang dumating sa set, ganoon pa rin ang 'itsura niya pag-uwi niya."

Dagdag pa niya, "Hindi po ako nakikialam sa direktor ko. Ni hindi rin ako pumipili ng direktor ko. Kung sino ang ibigay sa akin, walang problema."

FUTURE PROJECTS. By June, 2007, pagkatapos ng taping niya ng Asian Treasures, gagawa ng isang digital film si Robin para kay Direk Celso Ad Castillo, ang Salipudin. Nagustuhan daw ng aktor ang istorya nito na tungkol sa mga marines na nakapatay ng isang high-ranking official ng Abu Sayaff at 20 percent daw nito ay isu-shoot nila sa Basilan.

May isa rin siyang gagawing movie sa Viva Films kung saan makakasama niya ang ilang young actors. Based daw ito sa Hollywood film na The Guardians, na pinagbidahan nina Kevin Costner at Ashton Kutcher.

That afternoon, pumirma rin ng bagong contract si Robin as endorser ng Revicon vitamins at tuloy pa rin siya as endorser ng Islander slippers at Pop Cola.

Itutuloy pa rin daw nila ni Regine Velasquez ang concert na binalak nila noon. Pero sa ipinatayo niyang eskuwelahan na ito gagawin, ang Liwanag ng Kapayapaan, para maka-raise sila ng funds. Sa ngayon daw kasi ay pre-school at Grades I and II pa lang ang kaya nilang i-offer sa darating na school year.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN