Patricia Javier recounts near-death experience


Patricia Javier is now a mother! But not after a near-death experience while giving birth to her first son with husband Dr. Robert Walcher.



Hanggang ngayon ay kinikilabutan pa rin daw ang dating sexy actress na si Patricia Javier kapag naaalala niya kung paanong nabingit ang buhay niya at ang sanggol na kanyang isinilang noong January 31 sa isang medical center sa San Diego, California.

Halos anim na oras daw nag-labor si Patricia, mula alas-diyes ng gabi ng January 30 hanggang sa makapanganak siya ng 4:30 a.m. nang sumunod na araw.

Kitang-kita nga raw ni Patricia nang lumabas ang kanyang anak mula sa kanyang sinapupunan na tila naghahabol ng hininga dahil pumulupot ang pusod nito sa leeg. Hindi raw maipaliwanag ni Patricia ang naramdaman niya nang makita niyang pinagkakaguluhan ng mga midwives at nurses ang kanyang anak na tila hindi na humihinga.

"Nakita ko ang anak ko nangingitim na at parang hindi na humihinga! Nilagay siya nung mga nurse sa isang table at binigyan ng CPR. Takot na takot ako at hindi malaman ang gagawin. Pakiramdam ko nang mga sandaling 'yon ay nanginginig ang buong katawan ko," kuwento ni Patricia.

"Maya-maya, sinabihan ako nung nurse at midwife na pilitin kong ilabas ang placenta. E ayaw lumabas. The next thing I knew, dinudugo na ako. Nakita ko yung kamang hinihigaan ko na punumpuno na ng dugo," lahad ni Patricia.

Mabuti na lang daw at agad dumating ang 911 ambulance na tinawag ng mga nurses at midwives na nagpaanak kay Patricia kaya naitakbo siya sa kalapit na hospital (Mercy Scripps Hospital), kung saan dinala agad ang mag-ina sa Intensive Care Unit (ICU). Sinalinan ng dugo si Patricia at maging ang anak niya ay nailigtas sa tiyak na kamatayan.

Kuwento pa ni Patricia, iyak daw nang iyak ang asawa niyang si Dr. Robert Walcher, a chiropractor, dahil sa nangyari. Mabuti na nga lang daw at nasa tabi niya rin ang ina na nagpalakas ng loob niya.

"Yung mommy ko, panay ang sabi niya ng ‘Kaya mo ‘yan anak, lakasan mo ang loob mo.' Silang dalawa ng husband ko ang nagpalakas ng loob ko na labanan ang kamatayan. Dumating din yung biyenan kong babae para magbigay ng suporta," sabi pa ni Patricia.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Idinagdag din ni Patricia na dahil sa nangyari ay lalo siyang napamahal sa kanyang asawa.

"Panay ang sabi niya na mas mahal niya ako. Pinagdarasal na lang namin na sana hindi magkaroon ng side effects sa anak ko yung nangyari," sabi ni Patricia.

Nangako si Patricia na magiging mabuting role model sa anak nila ni Robert na pinangalanan nilang Robert Walcher IV.

Aniya, "Ngayon ko mas lalong na-appreciate ang mother ko at yung mga pagsasakripisyo niya sa amin. Sabi ko kay God na magiging mabuting role model ako sa anak ko and I will instill in him Filipino values.

"I also told God I will treasure everything I have. Mas na-appreciate ko rin ngayon ang kagandahan ng buhay 'pag alam mo na maraming tao ang nagmamahal sa 'yo. 'Pag tinitingnan ko nga ang anak ko, parang hindi pa rin ako makapaniwala at nasasabi ko sa sarili ko na 'Wow, mother na ako!' Pakiramdam ko ngayon lang nakumpleto ang pagkababae ko," pahayag pa ni Patricia.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN