Lani Misalucha is back!


Lani Misalucha will be here in the country for over a month to promote her new album and her major concert on March 17 at the Araneta Coliseum.


Nasa bansa ngayon ang tinaguriang Asia's Nightingale na si Lani Misalucha at mananatili siya rito for more than one month para i-promote ang kanyang self-titled album from Universal Records and, more importantly, para sa kanyang first major concert dito sa Pilipinas pagkatapos mag-migrate sa Las Vegas, Nevada ang kanyang pamilya noong 2004.

Gaganapin ang much-awaited concert ni Lani, entitled Missing You..., on March 17 sa Araneta Coliseum at pagkatapos nito ay babalik na siya sa Las Vegas upang ipagpatuloy ang kanyang stint sa Flamingo Hotel kasama ang SOS (Society of Seven). Habang nandito sa Pilipinas si Lani ay ang American Idol finalist na si Jasmine Trias muna ang pansamantalang pumalit sa kanya.

Kahapon, February 19, ay nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Lani at ang asawa nitong si Noli Misalucha sa Linden Suites, Ortigas Center, kung saan pansamantala silang naninirahan.

Ikinuwento muna ni Lani sa PEP ang kanyang pagsisismula bilang singer.



"I never planned to be singer," sabi ni Lani. "Fate just turned around. So, go for it! I already know that I have the talent for singing when I was still a child, being raised in a different environment. Kasi my father was a pianist and ang Mom ko naman was a coloratura soprano. Kaya all in the family are musically inclined."

Naging member ng isang choir si Lani, ang Ellinwood, na kumakanta sa Malate Church. Dito niya nakilala ang kanyang asawang si Noli, whom she married 17 years ago. Ngayon ay may dalawa na silang anak na babae, sina Louven, 16, at Lian, 13.

All her life ay isang simpleng buhay lang ang nais ni Lani. Sa katunayan, kuntento na siyang maging homemaker nang magpakasal sila ni Noli. But for someone who has a voice like Lani's, fate has better plans for her.

BIRTH OF A DIVA. Bagama't nagsimula siya as a back-up singer at pagkanta-kanta sa music lounges, Lani started breaking the mainstream Philippine music industry when she joined the revived Metropop Song Festival in 1996. Hindi man siya nanalo—Jaya's "Sometimes You Just Know" won the grand prize—ay nagsimula namang makilala ng music industriya si Lani. Then three years after, in 1996, naging interpreter ulit si Lani ng isa mga kalahok na kanta, ang "Can't Stop Loving You" na nilikha ni Bodjie Simon. This time, nakuha na ni Lani ang grand prize at dito na rin nagsimula ang kanyang kasikatan bilang singer. Nagkaroon siya ng albums, shows, concerts, at hit songs.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang ilan sa mga pinasikat niyang kanta ay "Somebody Warm Like Me," "Tunay Na Mahal," "You Don't Have To Say You Love Me," "Tila," at "Bukas Na Lang Kita Mamahalin."

Naging isa rin siya sa main hosts ng GMA-7 Sunday musical variety show na SOP, kasama sina Regine Velasquez, Janno Gibbs, Ogie Alcasid, at Jaya. Binigyan din siya ng Kapuso Network ng sarili niyang show na Celebrity Turns kasama si Junie Lee (Michael V).

Bukod pa rito ang soldout concerts niya here and abroad.

LIFE IN THE UNITED STATES. Pero lahat ng ito ay iniwan ni Lani noong 2004 nang magdesisyon sila ni Noli na mag-migrate ang kanilang pamilya sa ibang bansa. Kasabay rin nito ang problemang pinansiyal na kinaharap nilang mag-asawa nang mabiktima si Noli sa much-publicized networking scam noon involving Rose Baladjay.

Nang finally nga ay nagdesisyon sina Lani at Noli na mag-migrate, inakala ng iba na ang dahilan ay ang networking scam. Ang sabi pa nga ay marami silang taong tinatakbuhan kaya tatakas sila.

Nilinaw naman ni Noli ang nasabing isyu. Ayon sa kanya ay hindi naman ito ang unang pagkakataon na umuwi ng Pilipinas si Lani after nilang mag-migrate sa Las Vegas—tatlong beses umuwi ng bansa si Lani last year—at hindi naman nila bread and butter noon ang networking business.

Ayon kina Noli at Lani, hindi naging madali para sa kanila ang unang taon nila sa Amerika.



"Our first year in the US was so hard," sabi Noli. "We had to sleep sa carpet kasi wala pa naman kaming mga gamit. Through the help of some friends, unti-unti nakapundar kami. We stayed in L.A. first. And then, came that call nga from a producer kaya Lani was able to penetrate Las Vegas."



Dagdag pa ni Lani, "I had to be hands-on in everything. Kasi wala namang maid sa Amerika. Kaya tulong-tulong kami sa lahat ng gagawin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Minsan, makikita mo si Lani, siya ang may hawak ng lawnmower. Gusto niya kasi mag-gardening kaya siya na rin nagbubunot ng weeds sa garden. Maglalaba pa ‘yan, magluluto, maglilinis. And attend to our daughters' needs," kuwento naman ni Noli.

Ayon pa sa mag-asawa, hindi naman daw talaga dapat sa Amerika sila magma-migrate kundi sa Canada. Sa katunayan pa nga raw ay nakahanda na lahat ng dokumento nila papuntang Canada. Pero may dumating daw na offer mula sa concert producers sa Amerika for Lani to have a US concert tour. Dito na nagdesisyon sina Lani ay Noli na piliin ang Amerika over Canada.

Sa ngayon ay may sarili nang bahay sina Lani at Noli, kasama ang kanilang mga anak, sa Las Vegas. Located ang kanilang five-bedroom home sa Mountain Edge, a 10-minute drive to The Strip, ang section sa Las Vegas Boulevard kung saan matatagpuan ang pinakamalalaking hotels at casinos sa naturang lugar, kasama na ang Flamingo Hotel.

FLAMINGO HOTEL. After her stint sa Bally's Hotel, Lani is now performing at the Flamingo with the SOS, kung saan isa sa pinakabagong miyembro ay ang dating drummer ng Rivermaya na si Mark Escueta (ex-boyfriend ni Danica Sotto).



"I don't have an exclusive contract at the Flamingo Hotel," sabi ni Lani. "In fact, I was about to stop performing na there and tapos na sana ang contract ko last January of this year. Wala na sana akong plans to renew it. But I think they have other plans for me. Kaya now na wala ako, they got muna Jasmine."

Ang set ni Lani sa Flamingo ay nagsisimula at 3 p.m., except Mondays and Tuesdays, bago ang 7 p.m. set ng international singer na si Toni Braxton (nagpasikat sa kantang "Unbreak My Heart").



"Nagkikita sila ni Toni. Nagtsitsika-tsika rin sila. Actually, they talked about Lani's makeup. Kasi Lani brought her makeup artist, Nemi, in the US. In fact, Toni asked Nemi if he could do her make-up pero ninerbiyos si Nemi kaya he declined the offer. Nemi now has a good life there," very proud na kuwento ni Noli.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Sa mga celebrities na nanood na sa kanya [Lani] and even went out of their way to congratulate her and talk to her, she wouldn't forget Ms. Gladys Knight and one of the Pips sisters. Talagang pumunta [sila] sa backstage to personally congratulate Lani. Nag-bow sa kanya, saying ‘We've never seen a singer like you.' And for Lani, that was really something. Nagkausap na rin sila ni Sheena Easton and the father of Michael Jackson, even Pat Morita," sabi pa ng mister ni Noli.

THE 'TRANSFER.' Samantala, nilinaw ni Lani ang paglabas niya sa ASAP '07 ng ABS-CBN imbes na sa SOP ng GMA-7, kung saan naging co-host siya bago siya pumunta ng Amerika.

Sinabi ni Lani na hindi naman daw talaga siya lumipat sa ASAP '07 o sa ABS-CBN. Isang buwan lang daw siyang mapapanood sa nasabing musical variety show at sa iba pang programa ng Dos dahil kailangan niyang i-promote ang kanyang album at ang kanyang concert. Nagkataon daw kasi na ang ABS-CBN ang isa sa major sponsors ng kanyang concert sa Araneta Coliseum.

Sa katunayan nga raw ay nami-miss na niya ang kanyang mga kasamahan sa SOP at gusto na niya ulit silang makatrabaho.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN