Rivalry between SexBomb and EB Babes heats up


"Sa tingin kasi namin, baka hindi pa kumportable yung ibang EB Babes sa SexBomb. Kaya para maiwasan na rin yung sakitan, ayaw na rin kasi namin yung mapagbintangan kami na nananakit, na nangangalmot... So, para maiwasan ‘yon, wala munang showdown," says Rochelle Pangilinan.


Pinabulaanan ni Rochelle Pangilinan na sila lang dalawa ni Jopay Paguia sa SexBomb ang tumangging makipag-showdown sa EB Babes sa Eat Bulaga!. Desisyon daw ito ng buong grupo na pinag-meeting-an pa nila para maiwasan ang anumang gulo at negative publicity.

"Desisyon ito ng buong grupo. Hindi pupuwedeng ako lang ang mag-decide o si Jopay lang, hindi pupuwedeng kaming dalawa lang, buo dapat. Kasi lahat kami, kailangang mapanindigan namin kung ano ang kinalabasan ng naging meeting namin," pahayag ni Rochelle nang nakapanayam siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) last March 6.

Matatandaang inabangan nang marami ang showdown ng SexBomb at EB Babes last February 3 sa Eat Bulaga!. Pero after that, lumabas ang balitang nagkapikunan pala ang dalawang grupo sa naturang showdown. Habang sumasayaw ng "Itaktak Mo" hit song ni Joey de Leon, nakalmot diumano ni SexBomb Mica si EB Babe Kim. Nang natapos nga ang sayawan, nakita ang gurlis ng kalmot sa tagiliran ni Kim.

Nauna rito, lumabas din ang intrigang kesyo sinulot ng SexBomb ang guesting ng EB Babes sa SIS, ang morning show nina Janice de Belen, Gelli de Belen, at Carmina Villarroel sa GMA-7. Isa rin ito sa mga dahilan kaya wala munang showdown sa dalawang grupo ng magagaling na dancers.

"Siguro isa lang ang kaya kong i-explain," ani Rochelle. "Siguro baka magpahinga muna kami pagdating sa showdown. Malungkot man, pero ‘yon talaga ang napagdesisyunan ng grupo.

"Sa tingin kasi namin, baka hindi pa kumportable yung ibang EB Babes sa SexBomb. Kaya para maiwasan na rin yung sakitan, ayaw na rin kasi namin yung mapagbintangan kami na nananakit, na nangangalmot... So, para maiwasan ‘yon, wala munang showdown," saad pa ni Rochelle.

Nilinaw rin ng lider ng SexBomb na hindi ito senyales na umaatras sila sa challenge ng EB Babes.

"Hindi naman umaatras, siyempre hindi," diin ni Rochelle. "Kasi kami naman, kahit na noon pa, wala naman kaming inatrasan na kahit na anong laban—kahit sa personal na buhay. Pero sa part kasi namin, medyo mainit ang sitwasyon, e."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagkapikunan ba talaga sila ng EB Babes noong showdown nila?

"Sa amin, wala namang lumabas na ganyan. Narinig lang namin yung mga issue from them kaya mas minabuti namin na pahinga na lang muna. Ang sakit sa amin no'n, ang tagal naming inalagaan yung name ng grupo namin, e," paliwanag pa niya.

Para mas malinaw, nagpauna na rin si Rochelle na ang kanilang pag-iwas sa showdown sa EB Babes ay hindi nangangahulugang nagmamalaki sila sa Eat Bulaga! dahil wala raw silang karapatang gawin 'yon kahit kailan.

"Ay, hindi puwede ‘yon! Wala po kaming karapatang magmalaki sa Eat Bulaga! at hinding-hindi namin 'yan gagawin. Kahit itaktak man nila ako, napaka-imposibleng magmalaki kami sa Eat Bulaga!. Anytime puwede kami para sa Eat Bulaga!, yung showdown lang muna ang pahinga."

Starting March 12, mapapanood na ulit ang Sexbomb sa Eat Bulaga! every Monday and Wednesday. Kinumpirama rin sa PEP ni Ms. Malou Choa-Fagar, top lady executive ng Eat Bulaga! na pahinga muna ang EB Babes tuwing Lunes at Miyerkuyles, samantalang mapapanood naman ang SexBomb sa loob ng one-month-and-a-half sa mga araw na ito.

Ang EB babes ang pumalit sa puwestong iniwanan ng SexBomb sa Eat Bulaga! nang magpasya ang manager ng SexBomb na si Joy Cancio na iwanan ang show pagkatapos ng alitan sa pagitan nila ni Malou. Ito ay nag-ugat sa diumano'y pagiging paborito ng bagong member noon ng Sexbomb na si Sugar Mercado.

Pagkalipas ng mahabang panahon ay nagkaayos din ang dalawang kampo at muli ngang nasilayan ang SexBomb sa Eat Bulaga!, una bilang guest performers at ngayon ay bilang semi-regulars na.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN