Ralph on his wife's candidacy: "Walang tatalo kay Vilma!"


"Naniniwala ako na si Vilma na ang susunod na governor ng Batangas. She has all the support she needs, saludo ako," says Senator Ralph Recto about the candidacy of his wife, Lipa City Mayor Vilma Santos.


Sa wakas ay kinumpirma na rin ni Lipa City Mayor Vilma Santos ang pagtakbo niya bilang governor ng Batangas. Ito ay sa kabila ng posibleng pagkakabanggaan nila ng bayaw niyang si Vice Governor Ricky Recto para sa naturang posisyon. Wala na raw makapipigil sa pasya ni Ate Vi na tumakbo sa pagka-governor sa darating na May 14 elections!

"Tinatanggap ko ang hamon... Ngayon ay nakahanda na akong tumakbo bilang gobernador ng Batangas," pahayag ng Star For All Seasons sa harapan ng may limang libong supporters during her proclamation rally na ginanap kahapon, March 12, sa Lipa Cultural Center.

Kaugnay nito, nilinaw ni Mayor Vi na sarili niyang desisyon ang gagawing pagtakbo at walang sinuman ang nagdikta sa kanya kontra sa ipinalalabas diumano ng kanyang mga detractors.

Present sa ginawang pag-announce ni Ate Vi sa kanyang kandidatura ang asawang si Senator Ralph Recto, si Senator Joker Arroyo, si Vice President Noli de Castro, at iba pang kaalyado nila sa administrasyon.

Matatandaan na ilang linggo na ang nakararaan ay nagpahayag si Mayor Vi na ipapaubaya na niya ang pagtakbo bilang gobernador sa kanyang bayaw, pero nagbago nga ang isip nito.

"Hiniling ko sa Diyos na tulungan Niya akong makagawa ng tamang desisyon. Hindi agad ako nakapagpasya dahil maraming bagay ang dapat isaalang-alang. Pero napag-isip-isip ko, hindi ko maaaring tikisin ang sigaw ng aking mga kababayan sa Batangas na muling makapaglingkod sa kanila," sabi pa ni Ate Vi.

Kasabay nito, ipinahayag ni Ate Vi ang kanyang pagkalungkot sa mga alegasyon na "power hungry" o gutom sa kapangyarihan ang pamilya ng mga Recto.

"Marami akong gustong sabihin bilang sagot sa mga akusasyon, pero pinili kong manahimik. But this time, not anymore. I said it before and I will say it again: I am a gracious lady but don't push me too hard," mariin niyang sabi.

Inamin din niya sa nakaraang interbyu ng 24 Oras, ang primetime newscast ng GMA-7, na totoong nilapitan siya ng bayaw para hilingin na mag-back out na siya sa planong pagtakbo sa gubernatorial post. Pero wala raw siyang natatandaan na naipangako rito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At the time na ako'y nilapitan ng aking brother-in-law to ask [me] to back out, I did not commit. Dahil ako po'y nahilingan ng mga tao, I cannot commit," sabi ni Mayor Vi.

Samantala, naniniwala naman si Sen. Ralph Recto na sigurado na ang panalo ng asawa.

"Walang tatalo kay Vilma... Darna na 'yon, e. Siya ang Wonder Woman of the Philippines," very proud na sabi pa ni Ralph sa kanyang maybahay.

Samantala, mariin ding itinanggi ni Ralph ang paratang na siya ang kumumbinsi kay Vilma para ituloy ang pagtakbo nito for governor. Ayon kay Ralph, never niyang pinakialaman ang desisyon ng kanyang asawa dahil mas marami itong alam kesa sa kanya.

"She's my adviser, my mentor," aniya pa nang interbyuhin matapos ang nasabing proclamation rally.

Sa huli, nagpahayag si Ralph ng pagkabilib sa Star For All Seasons, na nanungkulan ng siyam na taon bilang mayor ng Lipa City.

"Naniniwala ako na si Vilma na ang susunod na governor ng Batangas. She has all the support she needs, saludo ako. Unlike other candidates na ngayon pa lang naghahanap ng suporta mula sa iba't ibang organisasyon dito sa Batangas," sabi pa ng asawa ng Star for All Seasons.

Maliban kay Vice Governor Ricky Recto (sakaling tumuloy man ito sa kanyang pagtakbo para sa pagka-gobernador) ay makakatunggali rin ni Mayor Vi ang incumbent governor ng Batangas na si Armando Sanchez. Pabirong sinabi ng huli kagabi, March 12, 2007, sa panayam ng isang news program na nakahanda siyang itapat sa Star For All Seasons ang Superstar na si Nora Aunor sa pangangampanya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN