Ara Mina still can't decide whether to run or not for councilor


"Hindi ko alam kung bakit may mga taong parang nag-e-enjoy na alipustahin ako, na laitin ako, na kesyo bobo raw ako," says Ara Mina about her detractors.



Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa telepono ang sexy actress na si Ara Mina. Sinabi nito na hindi pa rin siya sigurado hanggang ngayon kung tatakbo ba siya or hindi bilang konsehala sa Quezon City. Sa March 29 na ang deadline ng pagpa-file ng candidacy para sa local elections.

"Hindi pa ako sigurado, although marami talagang kumukumbinsi sa akin na tumakbo. Pinag-iisipan ko pang mabuti. Alam ko naman na hindi biro na pumasok sa mundo ng pulitika," pahayag ni Ara.

Sa pagpunta raw niya kung saan-saang lugar, karamihan sa mga taong nakakausap niya ay pinipilit siya at ine-encourage to run for public office.

"Nakaka-touch kapag sinasabihan nila ako na ‘Ara, tumakbo ka, susuportahan ka namin!' Nakakataba ng puso," sabi pa niya.

Ayon pa sa aktres, hindi siya nagsasalita nang tapos sa ngayon. May nalalabi pa namang ilang araw para magdesisyon siya kung papasukin na nga niya ang mundo ng pulitika o hindi.

Dagdag pa ni Ara, ayaw raw niyang magpadalus-dalos, lalo pa't isang malaking desisyon ang dapat niyang gawin.

Paano na ang bagong project ni Ara sa GMA-7 na Lupin, just in case maisipan nga niyang tumakbo?

Ayon sa aktres, kung ang pagbabasehan ay ang taping days niya at ang pag-eere ng bagong series na ito na pagbibidahan ni Richard Gutierrez, sisiguraduhin niya na walang magiging conflict or magiging problema kung anuman ang maging desisyon niya with regards sa pagpasok niya sa pulitika.

Sabi pa niya, tumakbo man siya o hindi, tuluy-tuloy ang pagtulong niya sa mga taong nangangailangan through her various projects na noon pa man daw ay ginagawa na niya talaga.

Aminado si Ara na, in a way, naaapektuhan siya kapag may mga pang-iintriga sa kanya—na kesyo wala siyang alam at walang karapatang maging isang pulitiko.

"Hindi ko nga maintindihan. Hindi ko alam kung bakit may mga taong parang nag-e-enjoy na alipustahin ako, na laitin ako, na kesyo bobo raw ako," may hinanakit na sabi ni Ara.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Never ko namang sinabing napakatalino kong tao, na napakarami ko nang nalalaman. Pero lahat naman ng tao, may karapatan na matuto kung gugustuhin nila, di ba? Alam ko naman na marami pa akong dapat matutunan, tanggap ko yun sa sarili ko. Pero hindi naman siguro rason yun para laitin ako ng ibang tao," paliwanag niya.

Dagdag pa niya, "Nakakataba nga ng puso na kung may mga nanlalait sa akin, mas marami ang nagsasabi ng magagandang bagay tungkol sa akin. Sobrang thankful ako sa mga taong yun."

RHIAN RAMOS. Samantala, nang tanungin namin si Ara kung galit pa siya sa young actress na si Rhian Ramos, ang simple sagot ni Ara ay "hindi na."

Matatandaang sa YES! anniversary party at PEP grand launch noong February 28 ay balitang inisnab diumano ni Rhian si Ara, na noon ay katabi ang ex-boyfriend na si Polo Ravales. Pakiramdam daw ni Ara ay binastos siya ni Rhian, na kasama pa man daw niya sa Lupin.

Naging very open si Ara sa pagsisiwalat ng kanyang sama ng loob kay Rhian. Kaya lang, naging negative ang dating nito sa mga fans ni Rhian at binatikos si Ara nang husto. Nang tila lumalala na ang isyu ay nag-apologize si Rhian kay Ara on national television.

Nang hingan naman si Ara ng reaksiyon tungkol sa pagso-sorry ni Rhian sa kanya sa telebisyon, sinabi ng aktres na ayaw na niyang mag-comment about it. Baka raw kasi kapag nagsalita pa siya, kahit maganda ang sabihin niya, baka palalain at palakihin lang ng ibang tao at baka siya pa ang mapasama. Basta ang importante raw ay wala na siyang sama ng loob kay Rhian.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN