Nagulat ang young actor si Carlo Aquino nang bigla siyang dalhin sa debut party ng baguhang singer na si Mayo Suzuki last March 24 sa Philippine Army Officers Club sa The Fort. Hindi raw alam ni Carlo na invited siya sa debut party ng aspiring singer.
"Nagtaka ako kung bakit hindi pa kami umuwi ni Mommy kasi antok na antok na ako. Pero sinabi ng Mommy ko na dadaan daw kami ng birthday party ni Mayo. Invited pala ako na hindi ko alam," kuwento ni Carlo.
Na-press release na escort daw ni Mayo si Carlo. Pero nilinaw ni Carlo na hindi siya escort kundi panauhin lang.
"Kung escort ako, sana umpisa pa lang ng party ay nandoon na ako at katabi ko siya. E, pagdating nga namin doon [sa venue], pinapahinga pa nga ako sa dressing room. Nakatulog pa nga ako bago ako tinawag para lumabas. Ni hindi nga ako kasama sa 18 roses. Kasi naman, ang daming nag-18 roses kaya naguluhan talaga ako sa party na ‘yon."
Samantala, nagbigay naman ng ilang pahayag si Carlo sa nababalitang may naninira sa kanya sa pamilya ng nililigawan niyang si Maja Salvador. Sinabi nga ni Carlo na tumigil na raw siya sa panliligaw kay Maja.
"May nakarating nga sa akin na may naninira sa akin sa mga kamag-anak ni Maja. Pero kapag kausap ko naman sila, okay ang pakitungo nila. Ako naman, nakakaramdam naman ako kung pina-plastik ako. Tsaka kung sino man siyang naninira sa akin, sana masaya na siya kasi tumigil na ako sa panliligaw kay Maja," mariing sabi ni Carlo.
"Kinausap ako ni Maja kasi magulo na raw ang lahat. Hindi raw muna siya magpapaligaw. Okay lang and bilang respeto sa gusto niya, titigil ako. Pero it doesn't mean na hindi ko itutuloy. I really like her at handa naman akong maghintay," aniya pa.
Katatapos lang ni Carlo na mag-record ng album niya kasama ang banda niyang Kilokit sa Viva Records. May natapos din siyang digital film titled Carnivore na tungkol naman sa panganib ng pagsali sa isang fraternity.
