Hindi aware si Carlo Aquino na originally ay kay JC de Vera in-offer ang role niya bilang Oscar sa unang handog ng GMA Sine Novela na Sinasamba Kita.
Ayon kay Carlo, ang naturang role na unang ginampanan ni Phillip Salvador sa movie version nito ay itinawag lang sa kaniya ng humahawak ng career niya ngayon, ang Viva Artists Agency. Hindi raw niya alam na may nauna na palang nai-cast bukod sa kaniya.
"Nalaman ko na lang na naunang in-offer ang role ko kay JC de Vera noong mag-story conference kami," sabi ni Carlo. "Hindi ko naman alam ang rason kung bakit ako ang ipinalit sa kaniya. Kung anuman ang expectations nila sa akin, gagawin ko ang makakaya ko para hindi ako mapahiya."
Magiging katambal ni Carlo sa Sinasamba Kita ang young actress na si Valerie Concepcion. First time makatrabaho ng award-winning young actor si Valerie Concepcion na gaganap bilang Nora, originally portrayed by Lorna Tolentino, ang babaeng mamahalin niya nang sobra-sobra.
"Okay naman si Valerie," sagot ni Carlo nang tanungin kung kumusta katrabaho ang kanyang leading lady. "First time ko siyang makasama sa set. Akala ko tahimik lang siya, pero noong nagsunud-sunod na ang tapings namin, doon ko nakita na madaldal pala siya."
Aniya pa, "Nagulat ako kasi wala sa hitsura ni Val na makulit siya. Pero nakakatuwa siya because she's very friendly at napaka-approachable. Wala siyang hinihindian na mga fans na lumalapit sa kaniya."
Nanibago nga raw si Carlo dahil hindi raw siya sanay sa babaeng masyadong matsika.
"Ngayon lang ako may nakasamang babae na super-hyper sa set!" tawa niya. "Hindi naman turn-off sa akin kasi nga natutuwa naman ako. Ako kasi, tahimik lang ako sa set. Kapag dumating na si Val, ayan na at magkukuwento na ‘yan. She's a very bubbly person at nakakawala ng pagkainip sa set kapag nandiyan si Val. Hindi siya nauubusan ng kuwento."
Tinutukso na nga si Carlo kay Valerie dahil pareho naman daw silang walang karelasyon. Kasalukuyan pa lang nanliligaw si Carlo kay Maja Salvador at si Valerie naman ay nali-link sa San Miguel Beer player na si Dondon Hontiveros.
May chance kayang mabaling ang pagtingin ni Carlo kay Valerie?
"Hindi natin alam kasi kailangan ko munang makilala si Val nang husto," sabi ni Carlo. "But I think she's a nice girl. At sexy pa siya, di ba? Nakita ko naman ang mga pictures niya sa FHM and she's pretty hot!"
Pero okey lang ba sa kaniya na isang dalagang ina na si Valerie? Wala ba siyang objection?
"Okay lang naman. In fact, hindi naman mukhang nanay si Valerie. She's still sexy. Hot mama nga siya kung tutuusin, e. Wala naman akong objection sa mga tulad ni Val na single parent. Hanga pa nga ako sa tulad nila na pinanindigan ang pagiging isang magulang," pagtatapos ni Carlo.
