Matagal nang plantsado ang pelikula ni Senator Bong Revilla na Resiklo—na sinasabing biggest movie ng tinaguriang Titanic Action Star at magiging entry sa 2007 Metro Manila Film Festival. Ngunit hindi pa rito nakatutok si Bong, kung di sa kandidatura ng kapatid niyang si Strike Revilla, na tumatakbo bilang mayor ng Bacoor, Cavite.
Pagkatapos na pagkatapos daw ng eleksiyon, uumpisahan na ni Bong ang naturang pelikula.
Ito ang tiniyak ni Bong sa PEP (Philippine Entertainment Portal) nang makapanayam namin siya sa taping ng gag show niya sa GMA-7 na HP: To the Highest Level Na! last April 24 sa Filmex Studio, Makati.
Ayaw pa ring sabihin ni Bong kung sino ang magiging leading lady niya sa Resiklo nang tanungin siya ng PEP. Pero biniro ng senador ang guest nila sa HP that night na si Katrina Halili na baka puwede itong makasama sa kanyang susunod na pelikula.
Naikuwento rin ni Bong na siya ang tumatayong campaign manager ng kanyang kapatid na si Strike. Ayon kay Bong, mahirap daw ang trabaho ng isang campaign manager, subalit sulit naman ang kanilang pinaghirapan dahil maganda ang response ng mga taga-Bacoor sa kanyang kapatid.
Tutulungan din daw ni Bong sa kampanya ang pamangkin niyang si Dodot Jaworski, na mula sa pagiging kongresista ay tumatakbo ngayon bilang mayor ng Pasig City. Si Dodot ay anak ng kapatid ni Bong na si Evelyn at ng PBA superstar na si Robert Jaworski. Asawa siya ni Mikee Cojuangco.