Sugar Mercado: "Kahit na ano ang sabihin ng iba, hindi ako susuko."


"Kahit na ano pa ang ibato nila sa akin, hindi sila ang dahilan kungkaya nabubuhay ako at nandito pa. Pinagtatrabahuhan ko atpinaghihirapan ang lahat ng bagay sa buhay ko dahil may pamilya akongumaasa sa akin," says Sugar Mercado about her detractors.



Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa Klownz-Araneta ang dancer-comedienne na si Sugar Mercado, na naging kontrobersiyal dahil sa pagpapalayas sa kanya sa tinitirhan niyang condo unit pagkatapos niyang hindi makabayad ng renta.



Inusisa at kinumusta ng PEP si Sugar sa kanyang katayuan sa kasalukuyan. Inamin ng dating SexBomb member na kinakalinga siya ngayon ng senatorial candidate na si Tessie Aquino-Oreta sa tahanan nito sa isang posh village in Makati. Ikinampanya ni Sugar ang kandidatura ni Tessie ngayong eleksiyon.



Nang malaman daw kasi ni Tessie ang nangyari kay Sugar, agad itong nag-text at tumawag sa kanya at in-offer ang isa sa mga kuwarto sa kanyang bahay para doon muna pansamantalang tumira.



Ngayong natapos na ang eleksiyon, mananatili pa rin ba si Sugar sa bahay ng dating senador?



"Tumitingin na po ako ng mas mura-murang malilipatan. Alam ko naman na hindi ako puwedeng magtagal sa poder ni Ma'am Tessie," sabi ni Sugar.



Tinanong din namin kay Sugar kung bukod ba sa libre na niyang pagtira sa tahanan ni Tessie ay kung tuloy pa rin ang bayad nito sa kanya para sa pagkakampanya niya rito, o agad na ba itong matatapos sa sandaling magbilangan na?



"Sa simula lang po ako tumanggap ng bayad sa kanya. Pero noong pinatira na niya ako sa bahay niya, kahit na gusto pa niya akong bayaran, hindi ko na po tinanggap," pahayag niya.

Nagbigay rin ng kanyang reaksiyon si Sugar sa sinasabing kaya nangyayari ito sa kanya ngayon ay dahil nakarma na diumano siya pagkatapos maging dahilan ng pagkawala ng SexBomb sa Eat Bulaga! noon.



"Kung na-karma ako, e, 'di [dapat] wala na talaga ako rito?" sagot ni Sugar. "Inisip ko na lang na isa ito sa mga pagsubok na kailangan kong daanan, para lalo akong tumibay. Kahit na ano ang sabihin ng iba, hindi ako susuko. Kahit na ano pa ang ibato nila sa akin, hindi sila ang dahilan kung kaya nabubuhay ako at nandito pa. Pinagtatrabahuhan ko at pinaghihirapan ang lahat ng bagay sa buhay ko dahil may pamilya akong umaasa sa akin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Totoo ba ang lumabas na balita na kaya nagigipit sa pera si Sugar dahil ipinangsusugal diumano ng kanyang ina ang perang kinikita niya?



"Hindi naman po siya nagsusugal, e," pagtatanggol ni Sugar. "Naglalaro lang siya ng tong-its [card game]. At noon pa naman, maliit pa lang ako, ‘yon na ang libangan niya. Meron po kaming tindahan sa Cavite. Nagtitinda-tinda naman siya ng mga ulam at saka sari-sari store na rin."



Ang mga pangyayari raw sa buhay niya ngayon ang isa sa dahilan kung bakit iniiwasan muna niya ang magka-boyfriend.



"Bukod po sa alam ko namang walang manliligaw dahil sa kalagayan ko, ayokong makadagdag pa ‘yon sa mga problemang mas dapat na una ko munang harapin ngayon," paliwanag ni Sugar.

Sa kasalukuyan, bukod sa Eat Bulaga!, ay dalawa pa ang regular shows ni Sugar—ang Daddy Di Do Du sa GMA-7 at H3O sa QTV 11. May plano ba si Sugar kung sakaling mag-reformat din ang mga palabas na ito at mawala siya sa cast?



"Naiisip ko rin ‘yan," pag-amin niya. "Kaya tuluy-tuloy ang dasal ko. Nabibigyan pa rin po ako ng mga raket sa mga shows, bukod sa gabi-gabi kong pagsalang sa mga comedy bars ni Kuya Allan K. Kaya pinagbubuti ko na lang ang trabaho ko ngayon."



Ano ang natutunan niyang aral sa pagsubok na ito sa kanyang buhay?



"Na sa mga ganitong pagkakataon mo nga malalaman kung sino ang mga totoong kaibigan mo at nagmamalasakit sa iyo. Kahit po wala ako ngayon sa Eat Bulaga!, uma-attend pa rin ako ng Bible study namin tuwing Huwebes.

"Natutuwa naman ako dahil ang bait-bait sa akin ni Ate Pia [Guanio] na Tsang ko at ni Bossing Vic (Sotto) na Tsong ko, pati sila Tita Malou [Choa-Fagar], Kuya Allan K., si Kuya Jose [Manalo] at ang wife niya, si Ate Analyn. Ang na-touch po ako talaga, kay Ate Ciara [Sotto], na kahit nasa Amerika na, noong nabalitaan niya ang nangyari sa akin, tumawag agad at nag-share din ng mga paalala niya sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Mas naging strong ‘yong faith ko kay Lord. Alam kong nasa Diyos ang awa, pero nasa tao pa rin ang gawa. At ‘yon pa rin ang itinutuloy ko ngayon—magtipid, huwag magastos. Kailangan ko rin kasing bunuin ‘yong kotse kong binabayaran ko ng P28,000 a month."

Ang isa sa dasal ni Sugar, huwag siyang husgahan ng kanyang kapwa. At ipagdasal na lang na magpatuloy siya sa ginagawa niyang mga pagbabago ngayon sa buhay niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN