Ara Mina alleges vote-buying by her father's opponent


"Ang ipinaglalaban ko, e, ang magkaroon ng patas na labanan. Not justfor my Dad kundi sa dalawa pang kandidatong lumalaban din sa kanya.Garapalan na talaga sila!" says Ara Mina about the alleged vote-buying of her dad's political rival.



Daig pa ng aktres na si Ara Mina ang bayaning si Gabriela Silang nang sumugod ito sa isang complex sa Novaliches noong madaling-araw ng election day, May 14. Ang nasabing complex ay pag-aari ng kalaban ng kanyang amang si Chuck Mathay sa congressional seat sa 2nd district ng Quezon City.

Nakarating kasi kay Ara ang balitang namumudmod diumano ng pera ang kampo ng katunggali ng kanyang ama sa nasabing complex. Kasama ng ilang taga-media na tinawagan niya, nagmanman muna si Ara sa palibot ng naturang lugar. Ang driver ni Ara ang siyang nagtanong sa mga lumalabas na tao mula sa complex kung ano ang nagaganap sa loob nito at magkano ang bigayan.

Nag-iinit pa rin si Ara sa pagkukuwento sa nasabing insidente.

"Nakatalikod ako sa driver ko kaya naririnig ko ‘yong mga isinasagot sa kanya nung mga lumalabas from the complex. ‘Yong iba, naglalagay pa lang ng pera sa bulsa nila; ‘yong iba, sa bag. Meron pa nga, binibilang pa ‘yong mga tigbe-bente pesos na ibinigay sa kanila. Two hundred lang daw," salaysay ni Ara bago siya umakyat ng entablado kagabi, May 15, sa Starz Theater Bar na pag-aari ng mag-amang Ernie at Angelika dela Cruz.

Ayon pa kay Ara, nang matunugan na naroroon siya sa nasabing area ay agad na isinara ang gate ng complex para hindi siya makapasok.



"In-advise na lang ako ng Kapitan na kausap ko na umuwi na lang ako. Pero meron pa rin akong kinausap sa ilan sa mga lumabas from the complex. Merong isang babaeng first-time voter at tinanggihan nga raw niya. Doon sa complex na ‘yon, P200 ang bigayan. Pero may alam pa akong ibang areas na P500 naman ang bigayan, na sa kanila rin galing," sabi ng aktres.



Ang mga kakilala raw ni Ara na mga kagawad ang natakot para sa kanya, pero hindi na raw niya inisip ang kanyang sariling kalagayan

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Wala akong pakialam talaga!" nag-iinit pa rin niyang sabi. "Ang ipinaglalaban ko, e, ang magkaroon ng patas na labanan. Not just for my Dad kundi sa dalawa pang kandidatong lumalaban din sa kanya. Garapalan na talaga sila!



"May nagsabi nga sa akin na pumunta na raw sa barangay police ‘yong kalaban ng Dad ko. E, ano ang gagawin niya sa akin, ipahuhuli niya ako? Ay, talagang noong pumunta ako doon, kinalimutan kong artista ako!



"Iyan din ‘yong kandidato na bi-noo ng mga tao noong sabihin niyang siya ang gumawa ng Oplan Bayanihan sa distrito namin noong nagkaroon ng financial distress sa tubig sa ilang lugar. Sina Dad ang umayos noon. Mukhang hindi siya na-brief ng adviser niya dahil inako niya ang proyektong ang Dad ko ang gumawa kaya nag-boo sa kanya ang mga nakarinig."



Talaga raw nag-iikot si Ara sa iba't ibang polling places. Hindi rin natakot si Ara na diretsahang sabihin ang pangalan ng katunggali ng kanyang ama.



"Nagtatanong talaga ako at tinatapangan ko ang loob ko," sabi niya. "Kasi boto ng bayan ‘yon, e. Kaya nalalaman na namin kung saan-saang lugar landslide si Dad. At kahit nasa trabaho ako, para akong call center na walang tigil ang tawag sa mga kapatid ko.

"Feeling ko na nga, ako ang female version ni Incredible Hulk! Bihira naman talaga ako magalit. Kaya ‘yong galit ko na ‘yonnoong sumugod ako doon sa complex na ‘yon, talagang ready akongmakipag-away. Kung anuman ang sasabihin o ikokomento nila, opinyon nila‘yon. Sila man malagay sa sitwasyon namin ngayon, baka mas higit pa angmagawa nila."



Ngayong nalasap na ni Ara ang hirap ng mapasok sa pulitika dahil sa pagiging involved niya sa kampanya ng kanyang ama, paghahanda na ba ito para sa tuluyan na niyang pagsalang sa nasabing larangan?



"Daig ko pa nga ang tumakbo, e," sabi niya. "First time kong naging hands-on sa campaign ni Dad. Marami akong natutunan. Ako bale ang campaign manager niya katulong ang mga kapatid ko. Kaya pati ang budget, ako ang humawak. Humahawak ako ng isang milyong cash, ang bigat pala nun! 'Yon ang mga pambayad namin sa mga tao namin—sa poll watchers, sa mga nagtatrabaho para sa Daddy ko. Super-pagtitipid nga ako. Basta gusto ko lang, mabayaran nang tama ang mga tao namin na patuloy na naghihirap para sa Dad ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Bago nag-show sa Starz Theater Bar si Ara, galing siya ng Mariveles, Bataan, kung saan kinunan ang eksena niya as Sister Ana sa Lupin. Pagkatapos ng show niya, isinama kami nito sa Quezon City Hall, kung saan nakahilera ang mga tents ng iba't ibang kandidato na nagbabantay ng kanilang boto.



Naroroon ang mga kapatid ni Ara, ang mga tagasuporta ng Daddy niya, ilang mga kagawad, at mga kaibigan. Natulog lang sandali si Ara dahil pupunta siya sa U.S. Embassy kinabukasan para sa working permit pagpunta niya sa U.S. next week. Pagkatapos ng interview niya sa U.S. Embassy, babalik na siya agad sa Quezon City Hall bago naman siya lumarga pabalik sa Mariveles, Bataan, para sa continuity ng mga eksena niya for Lupin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN