Jennifer Sevilla is now ready to marry her longtime boyfriend


Jennifer Sevilla was already set to get married last February 2006 to her longtime boyfriend Seymour, but her mother died three months before their wedding date so they had to call off the wedding. Two years later, Jennifer and her boyfriend are bent on pushing with their wedding, but the actress has yet to disclose any details.



Puwede na palang magpakasal ang aktres na si Jennifer Sevilla ngayong taon dahil nakapagbabang-luksa na na siya.



Kung matatandaan, dapat noong February 2006 pa ikinasal si Jennifer sa kanyang boyfriend of five years na si Seymour. Pero sumakabilang-buhay ang kanyang ina noong November 2005 kaya kinailangan nilang i-postpone ang kanilang pagpapakasal hanggang makapagbabang-luksa siya.



Nakalipas na ang isang taong pagluluksa ni Jennifer kaya puwede na nilang ituloy ng kanyang boyfriend ang plano nilang magpakasal. Pero ayaw pang magbigay ng specific date ng That's Entertainment graduate kung kailan ito magaganap.



"Pinagpaplanuhan pa namin nang husto kaya wala pa muna akong maibigay na date. Mahirap na at baka hindi ulit matuloy kaya quiet muna kami. Malalaman n'yo naman ‘yan kasi kami na mismo mag-a-announce nito," sabi ng 33-year-old actress.



Kasama si Jennifer sa bagong Sine Novela ng GMA-7 na Pati Ba Pintig ng Puso?. Ginagampanan niya ang papel ni Nay Rosa, na originally ay ginampanan ng yumaong aktres na si Charito Solis sa 1985 movie, na pinagbidahan nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion. Flattered nga si Jen dahil sa kanya ipinagkatiwala ang isang mahalagang papel na unang ginampanan ng isang napakahusay na aktres.



"Child actress pa ako noong makatrabaho ko si Ms. Charito Solis," sabi ni Jennifer. "Ilang beses ko rin siyang nakasama sa mga movies kaya malaki ang naging influence niya sa akin noong lumalaki ako sa showbiz.



"Napanood ko ang Pati Ba Pintig Ng Puso? noong bata ako. Kami pa nga ng late mother ko ang parating nanonood ng sine. Kapag Sharon Cuneta at Gabby Concepcion ang movie, gustung-gusto namin talaga kaya natatandaan ko ang role ni Nay Rosa.



"Sa movie kasi, hindi ganun kalaki ang role ni Nay Rosa. Dito sa TV version, nabigyan ng sarili niyang story si Nay Rosa at kung paano napunta sa kanya si Jena [played by Sharon sa movie version at si Yasmien Kurdi sa TV version]. Mas naging buo ang pagkatao niya ngayon."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang Pati Ba Pintig ng Puso? ang ikatlong pagkakataon na makakasama ni Jennifer si Yasmien. Una silang nagkasama sa Now and Forever Presents Tinig at sinundan ito ng Bakekang. Parehong kontrabida ang roles na ginampanan ni Jennifer sa mga nabanggit na palabas at madalas pa nga niyang api-apihin si Yasmien sa mga eksena nila. Pero dito sa Pati Ba Pintig ng Puso? ay mabait na ang role niya bilang ina-inahan ni Yasmien.



Bukod sa kanyang acting career, busy rin si Jen sa kanyang mannequin and wig business. May website nga siya, www.mannequin.com.ph, kung saan makikita ang kanyang mga produkto.



"We specialize in different mannequins for window display and tailoring business. Iyong mga wigs naman, iba-iba rin kasi depende sa paggagamitan. Puwedeng pang-display lang sa salon, for personal use, at para sa mga entertainers as well," sabi ni Jennifer.



Dagdag pa niya, "Okay naman ang takbo ng business kasi hindi naman kami nawawalan ng orders. May mga artista rin na kumukuha ng mga produkto namin for their shows here and abroad. Gusto pa nga namin mag-branch out para mas makita pa nila ang products namin. Maganda nga ang nagagawa ng Internet kasi we get to sell and present our products sa iba't ibang parte ng mundo. Kung susuwertehin na makunan kami ng orders abroad, mas maganda kasi mas marami silang matutulungan na trabahador natin sa bansa."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN