Comedienne Tiya Pusit accepts the apology of "Startalk"


Tiya Pusit's guesting on Startalk last June 9 was bumped off after a live phone interview with controversial Ruffa Gutierrez, due to technicalities and lack of time. The apology was more about Startalk host Joey de Leon's hurtful joke that Ruffa's interview was more important than Tiya Pusit's.


Nahihirapan pang umaninag si Tiya Pusit nang ma-interview ng GMA News at ng PEP (Philippine Entertainment Portal). Halos hindi na raw makakita ang kaliwang mata ng komedyana.

Sa kuwento ni Tiya Pusit, naglalaba raw siya noong May 21 nang bigla na lang siyang nakaramdam ng pananakit ng ulo, kasabay nito ang pakiramdam na tila may bumato sa loob ng kanyang mata. Nanlabo hanggang sa unti-unting nawala ang paningin sa kanyang left eye.

Agad naman daw siyang isinugod sa ospital para magpatingin.

Ayon sa intial findings sa kanya, may pumutok na isang blood vessel sa loob ng kanyang mata. Bunga raw ito ng isang mild stroke.

Ngayon, nahihirapan si Tiya Pusit lalo pa't nararamdaman daw niya ang dugo sa loob ng kanyang mata.

"Pagka maraming dugo dun sa retina, napi-feel ko na mabigat ‘yong pakiramdam ko, mabigat 'yong ulo ko," reklamo ng komedyana.

Nakatakdang gawin ang isang thirty-minute operation sa Biyernes, June 22, para ayusin ang pumutok na blood vessel ni Tiya Pusit. Isa-suction daw ang dugo sa kanyang ugat bago pagdikitin ng laser.

Kumplikado raw ang operasyon. Kung hindi raw niya pagdadaanan ito, maaaring maghanap ng dadaluyan ang kanyang dugo papunta sa kanyang kanang mata.

At dahil first time na ooperahan ang komedyana, hindi niya maitago ang takot.

"Kinakabahan ako dahil hindi pa ako nao-operahan dati. Please pray for me during and after the operation," pakiusap ni Tiya Pusit.

Ang ikinatatakot daw ni Tiya Pusit at ng kanyang doktor ay ang pagtaas ng kanyang blood pressure habang sumasailalim sa operasyon. Kaninang umaga lang mataas daw ang presyon ng kanyang dugo nang magpa-check up siya.

Nagpapasalamat naman si Tiya Pusit sa isang kaibigan na nag-ambag para matuloy ang kanyang operasyon.

"Gusto kong magpasalamat sa dalawang senador, si Senator Jinggoy Estrada at Senator Bong Revilla. Hindi nila ako pinagkaitan ng tulong. Kay Tito Al Quinn, Tessie Tomas, at Ogie Diaz na nag-refer sa akin sa doktor. Masuwerte ako dahil maooperahan ako nang libre," kuwento ng nakababatang kapatid ni Nova Villa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Ayon kay Tiya Pusit, mas nangangamba raw siya sa mga gastusin sa mga post-operation medicine at maintenance. Pero hindi pa rin daw siya pinanghihinaan ng loob.

STARTALK. Samantala, marami namang komento ang naglabasan nang hindi naisalang si Tiya Pusit sa Startalk noong June 9.

Naipit kasi ang show nang kailangang isalang ang live phone interview ni Ruffa Gutierrez matapos pasabugin ang ilang maaahang na salita mula kay Yilmaz Bektas. Dapat sana'y susunod na ang segment kung saan live guest si Tiya Pusit.

Pero dahil na rin sa ilang technicalities at kakulang na rin sa oras, na-bump off ang nasabing segment. Pumayag namang i-tape ang interview ng komedyana.

Pero matapos ang ilang araw, nagpabigay ng salita ang kampo ni Tiya Pusit na huwag na raw i-air ang interview. May nagsabi pang na-offend daw ang mga ito sa biro ng Startalk host na si Joey de Leon na huwag na raw isalang ang komedyana dahil mas importante raw ang interview ni Ruffa.

Nag-ere naman ng isang apology segment ang talk show noong June 15 para sa komedyana.

"Ang tagal ko na sa showbiz. Iyong nangyari sa Startalk, talagang nangyayari ‘yon. Minsan talaga hindi ka naisasalang. Minsan naisasalang ka, dun thank you, pero minsan hindi rin talaga. Nag-sorry naman sila sa akin, tinanggap ko naman ‘yon," ayon kay Tiya Pusit.

"Si Tito Joey, wala akong galit. Ano ba? Magkamag-anak tayo, bakit ako magagalit sa ‘yo? Alam ko naman ipagdarasal mo ako. I love you, Tito Joey," mensahe ni Tiya Pusit kay Joey.

Nadatnan pa namin si Tiya Pusit sa taping ng Bahay Mo Ba ‘To? kagabi sa GMA-7. Kahit nasa gitna siya ng krisis ngayon, pilit pa rin niyang ginagawa ang kanyang trabaho.

"Hindi tayo puwedeng huminto, e. Kailangan nating magtrabaho," ayon kay Tiya Pusit.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN