Pinaninindigan ni Chito Miranda ang pagsuporta niya kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa kabila ng paglabas ng video tungkol sa pagbibiro ng presidential candidate tungkol sa isang Australian rape victim.
Nag-tweet si Chito nitong weekend ng kanyang opinyon kaugnay ng kontrobersiyal na pahayag ni Duterte tungkol sa isang Australian lay minister na naging rape at murder victim noong 1989.
Marami ang nagalit sa biro ni Duterte at nagsasabing hindi dapat ginagawang biro ang isyu ng rape at murder.
WATCH: Rodrigo Duterte jokes about Australian rape victim
Pero sa kabila nito, sinabi ni Chito na pipiliin pa rin niyang suportahan si Duterte.
Tweet ng musikero: “Still, I think I would rather trust an honest man who talks like a street thug, than a dishonest man who speaks well. Opinion ko lang naman.”
Subalit binura na ito ni Chito, dahil na rin sa batikos na natanggap niya mula sa netizens.
Ipinaliwanag naman ng Parokya Ni Edgar frontman ang pagbura niya ng nasabing tweet.
“I decided to simplify life and delete my tweets. Basta gusto ko maging maayos at safe ang Pilipinas kahit sino pa man ang manalo.”
I decided to simplify life and delete my tweets. Basta gusto ko maging maayos at safe ang Pilipinas kahit sino pa man ang manalo.
— Alfonso Miranda Jr (@chitomirandajr) April 17, 2016
Ok? Good.
Dahil sa pagbura ng kanyang tweet, may mga nag-akusa kay Chito na hindi niya kayang panindigan ang kanyang paniniwala.
Pero depensa niya, “Wala kasing sense makipag-argue sa mga tao na ayaw makipag-usap ng maayos eh. pero pinaninindigan ko stand ko.”
@tr1pnautic wala kasing sense makipag-argue sa mga tao na ayaw makipag-usap ng maayos eh. pero pinaninindigan ko stand ko. :)
— Alfonso Miranda Jr (@chitomirandajr) April 17, 2016
Idiniin pa ni Chito na paninindigan niya ang kanyang pagsuporta kay Duterte pero ayaw niyang magpa-stress.
@DuqueDuqueyo nope. my opinion stands. :) ayoko lang magpaka-stress hehe
— Alfonso Miranda Jr (@chitomirandajr) April 17, 2016
RICHARD POON. Samantala, ang singer na si Richard Poon, isa pang tagasuporta ni Duterte, ang nag-post sa Facebook ng kanyang opinyon niya tungkol sa isyu.
Sinabi niyang bagamat sinusuportahan niya ang mayor ng Davao City, dapat pa ring pansinin ang pagkakamali nito.
Pero sa mga sumunod pang posts ni Richard, ibinahagi nito ang tungkol sa mga post na naglalahad ng buong istorya ng insidente tungkol sa Australian rape victim, gayundin ang paghingi ng apology ni Duterte sa kanyang “joke” at ang pagdepensa ng mayor sa sarili hinggil sa isyu.
Ni-repost din ni Richard ang mga post ng ibang users na iboboto pa rin si Duterte at kung bakit.
LIZA DIÑO. Ganito rin ang ginawa ng isa pang tagasuporta ni Duterte na si Liza Diño, partner ni Aiza Seguerra.
Ibinahagi ni Liza ang post ng isang nagngangalang Atty. Ibs Silongan mula sa Davao.
Sa post ng abogada, sinabi nitong disappointed siya sa pagsasalita o pagbibiro ng Davao mayor, na gusto niyang lagyan ito ng duct tape.
Pero susuportahan pa rin daw niya ang alkalde dahil kumpara sa iba pang mga kandidato, si Duterte lang daw ang may nagawa.