Janelle Jamer says P6.8-million property comes from her own pocket


"Alam ninyo, hindi ko na naman kailangang ilatag pa sa mga tao kung magkano ang kinikita ko noon, nung nasa Wowowee pa ako at sa mga raket ko. Basta sapat na 'yung mga kinikita ko para mabili ko 'yung bahay," explains Janelle Jamer about rumors that her new house and lot came from a rich benefactor.



Mariing pinabulaanan ng comedienne-TV host-singer na si Janelle Jamer ang panibagong intriga sa kanya na galing diumano sa kanyang rich benefactor ang bago niyang house and lot na worth P6.8 million. Marami kasi ang nagtatanong kung paano nakabili ng ganung kalaking halagang ari-arian si Janelle dahil hindi naman siya ganun kalaking artista para kumita ng malaki.

Nakausap ng PEP (Entertainment Portal) si Janelle last July 17 sa loob ng kanyang sasakyan habang papunta siya sa burol ng yumaong ama ni Cristy Fermin sa Funenaria Nacional.

"'Yung bahay ko, binili ko siya last year pa. Hindi pa nga 'yon fully paid, e, hinuhulug-hulugan ko pa 'yon. Pero hindi ko siya monthly hinuhulugan. Kontrata siya na in three years time, dapat mabayaran ko. Kalahati pa lang ang nababayaran ko," paliwanag ni Janelle.

Hindi naman daw sa nagmamayabang si Janelle, pero kaya naman daw niyang bumili ng ganung kamahal na bahay.

"Alam ninyo, hindi ko na naman kailangang ilatag pa sa mga tao kung magkano ang kinikita ko noon, nung nasa Wowowee pa ako at sa mga raket ko. Basta sapat na 'yung mga kinikita ko para mabili ko 'yung bahay. At hindi rin naman kasi ako bulagsak sa pera, matipid naman akong tao. Hindi ako palabili ng kung anu-ano lang," sabi niya.

Ni minsan ba talaga ay walang DOM na nagkainteres sa kanya?

"Walang nag-o-offer kasi madalas kapag nagpe-perform ako, lagi kong pinupuri 'yung mga masa. Kasi, di ba, kadalasan kapag nasa stage ako, mga kalaro ko dun 'yung mga mukhang lasenggero, 'yung mga ganoon kapag fiesta-fiesta. Pinupuri ko sila, na sinasabi ko na mabuti pa 'yung mga ganitong tao, mas nakakakuha ng respeto ang mga artista. Di katulad ng iba, na porke't may mga pera, ganoon kaliit ang tingin sa mga artista. Aminin natin, di ba?

"Pero hindi ko naman nilalahat, may mga iba talaga. Siguro doon pa lang, nakikita na nila na hindi ako nai-impress sa mga mararaming pera diyan. Nagka-boyfriend na nga ako, hindi naman mayaman," ani Janelle.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang kapatid at tumatayong manager ni Regine Velasquez na si Cacai Velasquez-Mitra na pala ang manager din ni Janelle. Kaya hindi kataka-taka na napanood kamakailan si Janelle sa showbiz talk show ng GMA-7 na Showbiz Central, pagkatapos niyang umalis sa noontime show ng ABS-CBN na Wowowee. Paano ba napunta si Janelle sa pangangalaga ni Cacai?

"Close kasi ako kay Maru, 'yung road manager ni Reg. Nung time na down ako, tinawagan niya ako. Tinanong niya ako kung buntis ako. Sabi ko, ‘Hindi po.' Tapos napansin niya na parang malungkot ang boses ko. Hindi siya sanay kasi alam niyang jolly akong tao, e. Sabi niya, ‘May problema ka ba?' ‘Wala po, okay naman po. Pero ngayon, wala na akong manager.' ‘Gusto mo tulungan kita, marami akong kilalang manager,' sabi niya sa akin.

"Marami siyang tinawagan, tapos nabanggit niya si Cacai na interesado raw sa akin. Sabi ko sa kanya, si Cacai na lang. At kung magiging talent niya ako, hindi siya magkakaroon ng problema sa akin kasi hindi naman ako pasaway. Hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko, mabait naman ako, ha. Kung hindi ako mabait, siguro wala nang blessings na dumating at dumarating sa akin. Tapos ayun, pinakausap na ako ni Maru kay Cacai," kuwento ni Janelle.

Sa ngayon ay wala pang regular show si Janelle pagkatapos niyang mag-resign sa Wowowee.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN