Pumanaw na ang dating TV5 news/weather anchor at Manila Times columnist na si Joseph "Seph" Holandes Ubalde nitong April 1, 2019.
Siya ay 34 taong gulang lamang.

Natagpuan ang bangkay ni Seph sa kanyang hotel room sa 27th floor ng Shangri-La Hotel, The Fort, Bonifacio Global City.
Ayon sa police report, nakita ang wala nang buhay na katawan ni Seph sa banyo ng hotel room nito matapos rumesponde ang hotel security sa tawag ng isang caller na nagsasabing hindi raw sinasagot ng dating news anchor ang kanyang telepono.
Sabi naman ng in-house doctor ng hotel—base sa ulat ng The Manila Times ngayong araw, April 3—pumanaw si Seph on the spot.
Ngunit hindi pa nila masabi ang sanhi ng pagkamatay nito.
Kinumpirma rin ng kapatid ni Seph na si Shyrl Ann Ubalde ang pagpanaw ng dating TV5 news anchor.
PREMONITION?
Ikinagulat naman ng mga dating kasamahan sa trabaho, kaibigan, at mga kamag-anak ang biglaang pagpanaw ni Seph.
Alam kasi nilang masayahin, health conscious, at matalino ito.
Nakakapangilabot naman ang Instagram post ni Seph noong April 1 bago matagpuan ang kanyang bangkay bandang 12:22 ng tanghali.
Makahulugang mensahe ni Seph sa caption: “Freedom.”
Ang huli naman niyang Facebook post noong March 31, Linggo, ay ang video ng kanyang hobby na pagsasayaw.
MEDIA CAREER
Si Seph ay nagtapos ng kursong Journalism sa University of the Philippines noong 2007.
Nakakuha siya ng Certificate on Online and Multimedia Journalism sa International Institute for Journalism (InWent) sa Berlin, Germany, noong 2010.
Nagsimula siya sa karera niya sa telebisyon bilang Senior News Producer ng GMA News.
Lumipat siya sa TV5 noong 2011 kung saan nagtrabaho siya bilang Multimedia Reporter ng InterAksyon.com.
Naging news at weather anchor din siya ng Aksyon TV at TV5.
Noong 2018, nagsimula siyang magsulat ng kolum sa The Manila Times.
Nakalagak ang mga labi ni Seph sa Loyola Memorial Chapels, Commonwealth Avenue, Quezon City.
