Na-cremate na ang mga labi ni Gng. Milagros T. Santos, ina ng Star For All Seasons at Lipa City representative na si Vilma Santos.
Pumanaw si Mama Ganda, tawag ng mga malalapit sa yumaong ina ni Vilma, noong April 1. Siya ay 93 years old.
Nakalagak ngayon ang mga abo nito sa Loyola Memorial Park, Sucat Road, Parañaque City.
Tentatively, 9 A.M. sa Abril 6, Sabado, ang huling misa para sa ina ng actress-politician.
“Magmimisa lang siguro kami nang maaga, 9 o’clock in the morning. Libing na yun," pahayag ni Ate Vi nang mainterbyu ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Abril 3, Miyerkules ng gabi.
“And then, after that, it’s... thank you na.
"And then, we’ll just bring the urn of Mama sa isang simbahan sa Alabang. Kasi, meron na siyang lugar doon.
"'Tapos, after election siguro... kasi kaya Loyola ang pinili ko, andito si Papa. Dito nakalibing si Papa.
“So, siguro after election, ipapakuha ko yung bones ni Papa. 'Tapos, ise-shred na lang. 'Tapos, ilalagay ko na rin sa urn.
“'Tapos, pagsasamahin ko na silang dalawa doon sa simbahan somewhere in Alabang.”
Pumanaw ang ama ni Vilma na si G. Amado Santos noong November 6, 1986.
MAMA MILAGROS'S CONDITION
Limang magkakapatid sina Vilma—apat na babae at isang lalaki.
Silang magkakapatid ang nagtutulungan ngayong ulila na sila sa magulang, at OK naman sila.
“At least, Mama is resting na,” mabining pagbuntung-hininga ni Ate Vi.
“Ang maganda, last year, yung dalawa kong kapatid sa States, tamang-tama, bumalik.
“Bumalik sila to see Mama. Pero bedridden na si Mama. Matagal na.
"Kasi si Mama, nag-umpisa ng dementia.
“'Tapos, nag-Alzheimer na si Mama. There was a time, bedridden na si Mama hanggang naging labas-masok na siya sa ospital.
"So, yun lang. We did our best, pero sabi nga ng mga doktor... Kasi, OK naman lahat, except bumigay na yung heart.
“Siguro, sabi ni Mama, ‘OK na. Enough na.’ Di ba?
“At least, alam ni Mama, andito kaming lahat. And we did our best. Siya na yung... ‘Enough!’”
Maluwag nilang natanggap ang pagpanaw ng kanyang ina?
“Oo naman,” mabilis na tugon ni Ate Vi.
“Siyempre, alam mo... maraming nagsasabi na... even the time na-hospital si Mama, two months sa hospital, na-ICU... ‘Tanggapin na natin, 93 na ang mama mo. That we have to accept. Ano’t ano...’
“You know, kahit sinasabihan ka, iba pa rin pag nangyari na.
"Kahit anong sabihin sa ‘yo, ‘Mag-prepare ka na.’
“Hindi ganun kadali when nandoon ka na sa realidad na wala na siya, you know.
"And iba pa rin. Iba pa rin. So... ganun.
“Pero ngayon na dumating ang mga kapatid ko, I felt good. Kasi, kumpleto kaming magkakapatid.
“From the States, kanina lang sila dumating, e. Inabot pa nga nila yung blessing kay Mama.
“Nakakasarap lang ng pakiramdam na may mga karamay ka.”
THE LAST NIGHT
Si Cardinal Gaudencio Rosales ang magmimisa para kay Mama Milagros sa Abril 5, Biyernes ng 6 P.M.
Mayroon bang eulogy o programa matapos ang misa sa Biyernes, ang huling gabi ng lamay?
“Pinaplano pa lang namin ngayon,” matamang sambit ni Ate Vi.
“Kasi, ngayon pa lang dumating yung mga kapatid ko.
"Pero siguro... hindi naman ito yung bonggacious na... knowing me?!
“Basta kami, more on... since we’re all family, from showbiz and now that I’m a public servant, basta kung ano yung puwede naming ma-offer.
“Misa kay Mama, sino ang makaalala, thank you. Hindi makaalala, salamat din.
“Ang mga nagbigay ng pakikiramay, salamat din.
“Pero hindi naman ito yung kailangan, pabongga. Hindi naman!
“Basta ang gusto lang namin, may importanteng.... andiyan pa rin naman ang mga kamag-anak ng mama ko, which is very important.
“Kasi importante, meron kaming misa. And then sa Friday, kumpleto kaming limang magkakapatid.
“We don’t know yet if we need to say something, and maybe, pasalamatan lahat ng nakiramay.
“Pero nothing really bonggacious. Wala kaming planong ganun.”
Si Cardinal Rosales ang kasama ng mama ni Ate Vi noong mayor pa ng Lipa City ang Star for All Seasons.
“Gumagawa pa ng rosary si Mama at ibinibigay kay Cardinal,” napangiting pakli ni Ate Vi.
“Kaya kilala ni Cardinal Rosales si Mama.”