Celebrity friends of former President Joseph Estrada react to his verdict


Some friends from the entertainment industry of former President Joseph "Erap" Estrada" (in photo) met at Club Filipino yesterday, September 12, after Erap was found guilty of plunder by the Sandiganbayan. "Kakatok kami. Kakalampagin namin ang Malacañang na pakinggan ang totoong hinaing ng taumbayan," says character actor Rez Cortez.



Nagtipun-tipon ang ilang malalapit na kaibigan ni dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan, kahapon—September 12—para ipagdasal siya at pag-usapan ang mga hakbang na gagawin para suportahan siya.

"Guilty beyond reasonable doubt" ang hatol ng Sandiganbayan kay Erap sa plunder case na isinampa sa kanya, habang "not guilty" naman siya sa perjury case. Dahil dito ay nahatulan si Erap ng "reclusion perpetua" o hanggang apatnapung taong pagkakabilanggo.

Napaiyak ang veteran actress na si Armida Siguion-Reyna habangnagbibigay ng mensahe para kay Erap.Labis daw siyang nalungkot dahil sa desisyon ng Sandiganbayan. Hindi raw niya matanggap ang hatol kay Erap.

"Naniniwala ako na si President Erap, walang ebidensiya na mahanap sila for plunder. Ginagawa ito ng gobyerno to perpetuate the legitimacy of the president [Gloria Macapagal-Arroyo]," hinaing ni Tita Midz.

Ayon pa sa veteran actress na nagsilbi bilang chairman ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) noong panahon ni Erap, marami raw silang hindi pagkakaintindihan ni Erap dati pero naging isang mabuti raw itong tao at kaibigan.

"I'll continue to pray for you, Erap. I'll continue to fight for you. God Bless you," naluluhang sabi ni Tita Midz.

Naluha rin ang character actor na si Rez Cortez sa hatol ng Sandiganbayan kay Erap. Aniya, hindi raw magandang senyales ito sa estado ng hustisya sa ating bansa.

"Nakakaiyak ang desisyong guilty verdict. Masasabi ko na ipagluksa na natin ang kamatayan ng hustisya sa ating bansa," sabi ni Rez.

Dagdag pa niya, "Nandito kami para magbigay ng suporta kay Presidente Erap dahil naniniwala kami na ang laban na ito ay laban ng sambayanan, ng masang Pilipino."

Pero kahit "guilty" man daw ang naging verdict ng Sandiganbayan, hindi raw ito makapipigil sa pagkilos ng mga malalapit na kaibigan ni Erap.

"Kakatok kami. Kakalampagin namin ang Malacañang na pakinggan ang totoong hinaing ng taumbayan," mariing mensahe ni Rez.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bago naman magpa-chemotheraphy ang action superstar na si Rudy Fenandez sa National Cancer Institute ay nakapagbigay rin ito ng mensahe para kay Erap.

Dismayado raw sila ng kanyang asawang si Lorna Tolentino sa hatol ng korte. Ayon sa celebrity couple, sa tindi raw ng iprinisintang ebidensiya ng kampo ni Erap sa korte, dapat daw ay napawalang sala na ang dating aktor. Hindi rin daw sila titigil sa pagdarasal para sa dating pangulo.

Si German "Kuya Germs" Moreno naman ay naniniwalang naging marahas ang desisyon ng Sandiganbayan. Hindi raw ito nababagay para sa isang tao na humawak ng pinakamataas na posisyon sa ating bansa.

Naniniwala naman ang isa sa paboritong leading ladies noon ni Erap na si Boots Anson-Roa na hindi natalo ang dating pangulo sa mga pangyayari kahapon. Nagpakita raw ito ng matinding katapangan habang siya ay nililitis.

"He may have lost the battle but he has won the war," ang matalinhagang binitiwan ni Boots. "Nothing changes with the relationship with his family and my family. Hindi mababawasan ang respeto ko sa pagtao niya."

Samantala, mula Sa Batangas, nanawagan naman si Governor Vilma Santos-Recto na respetuhin ng sambayanan ang naging hatol ng Sandiganbayan. Ayon kay Governor Vi, dapat daw ay maging mahinahon ang lahat at napapanahon daw ang day of prayer sa nangyari kahapon.

Nagkasama sa 1974 movie na King Khayam and I sina Joseph at Vilma, na kapwa tinahak ang mundo ng pulitika.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN