Vhong Navarro brings "Lastikman" to primetime television


"Natutuwa ako siyempre dahil ang daming gumawa ng Lastikman sa movie. And then, nakaka-pressure pa dahil nag-hit yung movies. Kaya lang, hindi ko talaga akalain na ganito pala kalaki. Ngayon, nakita na natin ang resulta kung gaano nga ibinigay ng ABS ang lahat-lahat," says Vhong Navarro about playing the role of Lastikman.



Isang napakalaking presscon ang ibinigay ng ABS-CBN para sa kanilang pinakabagong fantaserye, ang Lastikman, sa Teatrino Greenhills kagabi, September 19.

Ang Lastikman na pinagbibidahan ni Vhong Navarro ay magsisimula na sa Lunes, September 24, bilang bahagi ng Primetime Bida ng Kapamilya network. Kasama rin sa cast ang iba pang naglalakihang artista tulad nina Ms. Gloria Romero, Cherie Gil, Dawn Zulueta, Jomari Yllana, at marami pang iba.

Aminado si Vhong na hanggang ngayon ay hindi pa siya makapaniwalang ipinagkatiwala sa kanya ng ABS-CBN ang ganitong kalaking proyekto sa kauna-unahan niyang pagsabak sa isang primetime series.

"Una po sa lahat, first time ko pong magkaroon ng ganito kalaking presscon. Nate-tense nga ako. Halata po ba?" pagbibiro ng komikerong si Vhong sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

Ano ang una niyang naramdaman nang i-offer sa kanya ang Lastikman na ginampanan na rin sa pelikula nina Vic Sotto at Mark Bautista?

"Ang tagal na nito...siguro last year pa, bago ko pa yata gawin ang X-44. Natutuwa ako siyempre dahil ang daming gumawa ng Lastikman sa movie. And then, nakaka-pressure pa dahil nag-hit yung movies. Kaya lang, hindi ko talaga akalain na ganito pala kalaki. Ngayon, nakita na natin ang resulta kung gaano nga ibinigay ng ABS ang lahat-lahat.

"Sinasabi nga kanina ni Sir Deo Endrinal na ito ang pinakamalaking project, pinaka-big-budgeted na ginawa ng ABS-CBN. Kaya mas lalong nakadagdag ng pressure dahil sa akin ipinagkatiwala ang project na ito," sabi ni Vhong.

Kinakabahan ba siya sa magiging resulta ng rating kapag na-ere na ang Lastikman?

"Kasi nga, first time ko kasing nag-soap tapos ganito pa kalaki ang ibinigay sa akin. Nakakatakot pagdating sa rating siyempre. Unang-una, ang manonood, hindi natin alam kung ano ang gusto. Sabihin na nating maganda ang ipinalabas, maganda ang pagkakagawa, pero meron silang hinahanap. Di ba nga, may gumawa na ganito lang, pero nagustuhan? Kumbaga, kanya-kanyang formula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sana lang, ang hinihiling ko sa ating mga Kapamilya, ito po kasing Lastikman, talagang pinaghirapan, pinag-isipan. Kung makikita n'yo naman, all big stars nandito. Talagang pinagkagastusan kaya nakikiusap ako sa kanila na suportahan naman po dahil hindi naman talaga sila magsisisi. Kumbaga, hindi lang ito pambata, pampamilya talaga ito," pangungumbinsi ng comedian-dancer.

FROM DANCER TO STAR. Noong nagsimula siya bilang dancer ng grupong Streetboys, na-imagine ba ni Vhong na in the future ay magiging ganito kabongga ang career niya?

"Hindi! Sobra!" bulalas niya. "Akala ko noong [nasa] Streetboys ako, hanggang doon na lang ako. Ang daming nauna sa akin, sobra! Kung tutuusin, sino ang magtitiwala sa ganitong hitsura? Mukhang hito! Noong nagsimula ako, mukha lang akong hito.

"Kumbaga, nahanapan lang talaga ako ng character ni Direk Chito Roño [Streetboys manager] at doon ako nabigyan ng break sa comedy. So, siguro ‘yon... Sa blessing at pinagpapala tayo ng Panginoon at nagtitiwala sa atin ang ABS-CBN. Kaya ako naman, ginagawa ko ang lahat, especially dito sa Lastikman, kahit 24-oras ko pang suot ang costume ko, okay lang."

Ang leading lady niya sa Lastikman ay si Iya Villania, na girlfriend ng best friend niyang si Drew Arellano. May naging say ba si Vhong sa pagpili ng leading lady niya?

"Hindi, sila [management] ang nagdesisyon. Kasi kapag ganito, ayokong makialam ng suggestion. Sa akin naman, okay si Iya. Kasi number one, kaibigan ko si Iya, so walang problema pagdating diyan," paliwanag niya.

Hindi kaya siya mailang kapag may kissing scene na sila ni Iya?

"Siyempre, medyo mahirap dahil best friend ko si Drew. Pero siguro naman, maiintindihan niya dahil trabaho lang naman ito and we're being professionals," sagot ni Vhong.

LASTIKMAN vs. ZAIDO. Gaya ng Lastikman ay magsisimula rin sa September 24 ang bagong telefantasya ng GMA-7 na Zaido, na pinagbibidahan naman ni Dennis Trillo. Ano ang masasabi ni Vhong sa mangyayaring tapatan ng Lastikman at Zaido?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siyempre, una sa lahat, nalaman ko nga na September 24 raw sila eere at makakatapat nga namin ang Zaido. Happy ako, kasi pangit din naman ang wala kang kakumpitensiya. Minsan ang kakumpitensiya, doon ka pa ginagahan magtrabaho, para magsumikap ka. Kung masyadong panatag ang loob mo, parang balewala. Minsan kapag panatag ang loob
mo, doon lumalaki ang ulo mo, mas relaxed ka. Kaya mas magandang magtrabaho na merong kakumpetensiya," pahayag niya.

Ano sa tingin ni Vhong ang edge ng Lastikman over their rival fantaserye?

"Siguro kasi, si Lastikman mas kilala na siya. Siguro 1960s marami na ang nakakilala kay Lastikman. Hindi lang mga bata noon kundi kahit mga bata ngayon, kilala na siya. Siguro ‘yon na ang edge niya or advantage ni Lastikman," sagot ni Vhong, na gumanap na rin noon bilang superhero sa Gagamboy.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN