Matutunghayan muli ng mga manonood ang mga certified blockbuster films ni Da King sa telebisyon pagkatapos lumagda sa isang kasunduan ang ABS-CBN at ang biyuda ni Fernando Poe Jr. na si Susan Roces.
Bilang pagbibigay-pugay sa Hari ng Philippine Cinema, magsisimulang ipalabas sa October 20 ang kanyang mga pelikula sa Cinema FPJ: Da King on ABS-CBN.
Nakuha ng ABS-CBN ang exclusive rights sa kabuuang movie library ni FPJ na naglalaman ng mga di-malilimutang pelikula, gaya ng Muslim Magnum 357; Umpisahan Mo, Tatapusin Ko; Durugin si Totoy Bato, Asedillo, at Mga Alabok sa Lupa—kung saan siya nanalo ng Best Actor at nagtamo ng FAMAS Hall of Fame.
"Nakatataba ng puso na malaman na buhay pa ang alaala ni FPJ sa puso at isipan ng mga Pilipino. Wala nang mas maganda pang paraan para bigyan siya ng pugay, kung hindi sa pagpapalabas ng kanyang mga pelikula, kung saan una talaga siyang nakilala at minahal ng sambayanan," sabi ni Susan.
Ipinagkatiwala ni Susan ang kabuuan ng FPJ film library dahil sa kakayahan ng network na maipalabas ito sa iba't ibang bahagi ng mundo sa telebisyon, cable at internet.
Bukod pa rito, isang never-been-aired na music video na huling ginawa ni FPJ, bago siya mamatay sa stroke, ang malapit na ring mapanood sa isang TV special sa Disyembre, kaugnay na rin sa nalalapit niyang third death anniversary. Ang music video ay naglalaman ng musical scenes na mismong pinili ni Da King mula sa kanyang mga pelikula.
Nakuha rin ng Kapamilya network ang rights para sa pagpapalabas ng 12 films ni Susan Roces sa telebisyon sa unang pagkakataon, tulad ng Patayin sa Sindak si Barbara.
Dumalo sa contract signing na ginanap sa 9501 restaurant ng ELJ Building si ABS-CBN Chairman Eugenio Lopez III, Senior Vice President for TV Production na si Cory Vidanes, Program Acquisitions Head na si Leng Raymundo, si Susan Roces at ang anak na si Grace Poe-Llamanzares.