Maja Salvador's manager breaks her silence about contract dispute

"I'm done with her. Kapag sinabi kong ayoko na, ayoko na," says Maja Salvador's manager, Chit Ramos (not in photo).



Kinumpirma sa unang pagkakataon ng talent manager at entertainment columnist na si Chit Ramos sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang mga bulung-bulungan tungkol sa estado ng relasyon nila ng alaga niyang si Maja Salvador. Hindi rin naitago ni Chit ang tunay na damdamin niya sa kanyang talent.

Marami ang naniniwala na nag-ugat ang problema sa pagitan nina Chit at Maja dahil sa paghingi ng kontrata ng young actress mula sa kanyang manager. May plano raw kasing bumili ng bahay si Maja at isa yata sa mga requirement ang managerial contract niya. Nagpaliwanag si Chit tungkol sa isyung ito.



"This is not only my case, this is also a case of most PAMI [Philippine Artists Managers Inc.] members," bungad ni Chit. "We do not believe in contract. Ngayon, halimbawa nagkaroon man ng pirmahan dahil there was a necessity, parang it is a letter of authority to collect o di kaya ay required ng kumpanya.

"Kami [PAMI members], wala kaming pakialam sa kontrata kung gusto na niyang maghiwalay. Mag-usap nang maayos, huwag nang isipin ang kontrata, di maghiwalay nang maayos. Kung ayaw mo na sa akin, sabihin mo, e, di hiwalay tayo. Kung ayaw ko na sa ‘yo, sabihin ko, e, di hiwalay na tayo.

"So, hingi siya [Maja] nang hingi ng contract. Sabi ko sa kanya, walang contract. Kung anuman ang pinirmahan natin noon, parang ano na lang yun, formality sake. Si Boy Abunda, hindi naniniwala sa kontrata. Lalo naman si Douglas Quijano!

"Aanuhin mo ang kontrata kung hindi naman kayo nagkakasundo? E, kung kahit walang kontrata kung masaya kayo, gusto ninyo ang isa't isa, e, di go," pahayag ng manager ni Maja.

CONTRACT DISPUTE. Totoo bang balak bumili ng bahay ni Maja kaya hinihingi niya ang kontrata niya mula kay Chit?

"Ano naman ang kinalaman sa pagbili niya ng bahay sa kontrata, e, hindi naman ako network? Hindi naman puwedeng gawing kolateral ang kontrata ko kasi wala namang nakasaad doon na kikita siya ng ganito," saad ng talent manager.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Hindi kaya gusto lang ni Maja na makita kung magkano ang perang pumapasok sa kanya?



"Walang nakalagay doon. It is only a contract. Yung sa kotse niya, contract niya sa ABS-CBN ang ginamit niya kaya siya naka-loan ng kotse. Meron na ngang binili, hindi na nga ipinagpapaalam sa akin, e. No problem!"



Kailan niya nalaman na may binibiling bahay si Maja?



"Nung hinihingi ng STRAM [Star Recording And Management) yung ano... Parang the counterpart of Star Magic, it is headed by Malou Santos. Si Maja sana ang first ever contract star ng STRAM, kaya lang hindi pa na-organize. So, na-delay ng konti, pero since ang utang na loob namin ay kay Charo Santos na siyang kumuha sa amin, Charo Santos is Malou Santos, yung ganun. So, if you have to choose about signing between Star Magic and STRAM, well, it will always be STRAM, hindi ba ganun? So, STRAM kami, kahit anong sabihin mo, STRAM kami, co-manage kami," paliwanag ni Chit.

So, posibleng ang kontratang ipinakita ni Maja sa pag-loan ng bahay ay galing sa STRAM?

"Alam mo, yun ang sinasabi ko sa kanya na... Matigas na ang ulo, lumaki na talaga. Halimbawa, kinukuha ko yung komisyon ko sa Lewis & Pearl [cologne brand] dahil nabalitaan ko gusto na niyang ideretso sa kanya yung tseke. Go! Walang problema ‘yon sa akin. Kasi ang kinukuha ko, yung komisyon ko. Kailangan kasing ipaalala sa kanya dahil may amnesia siya. Kapag hindi mo ipinaalala, hindi nagbabayad. Sad to say, kailangan ko rin ng pera. Pinagpaguran ko naman'yon. Ang akin ay akin. Ang pera ko ay pera ko.

"Eto ang sabi niya, ‘Ibigay mo muna sa akin ang kontrata bago ko ibigay ang komisyon mo.' ‘Yan ang text niya sa akin. Sabi ko, ‘No way. Inuutusan mo ako? Isaksak mo sa baga mo ang pera ko.' Ako, uutusan? Yun lang ang hindi ko binura.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ako, uutusan mo? ‘Hindi naman po ganun. Hindi ko naman po sinabing mauna kayong magbigay sa akin bago ko ibigay ang komisyon ninyo.' Tapos, sinend ko sa kanya yung message niya. ‘Hindi po ganun ang ibig kong sabihin.' Ang na-text ay na-text na, di ba?



"Sabi ko, ‘Anyway, hindi ka lang bastos, walang galang, walang utang na loob, walang respeto sa magulang...' Pero hindi ako nagmura," mariing kuwento ni Chit.

Nasaan ang kontrata nila ni Maja?



"So ngayon, yung contract na yun, wala na, wala na ako. Hindi ako nagtatago ng contract. Ngayon, sabi kong ganun, alam kong alam niya na sinabi kong walang contract, walang bisa yung contract namin dahil wala naman talaga. Hindi puwedeng gamitin na collateral yun dahil wala namang nakalagay doon na presyo na pakikitain kita ng P100,000 a month. Wala, e.

"It's only formality. Kasi kung ganun, kung gusto mo ng contract, pumunta ka sa STRAM, bakit hindi ka humingi? Anytime naman, puwede sa kanyang ibigay ng STRAM ang contract. Ayaw niyang kunin, ako raw ang kumuha.

"Matagal na niyang hinihingi yung contract na ‘yon. Sinasabi ko nga na walang value ‘yon at hindi ko gagamitin against her kasi kung ayaw na namin, e, di maghiwalay! Anong contract ang pinag-uusapan namin? Alam na niya ‘yan, na ganun talaga ang PAMI. Hindi kami namimilit kung ayaw na namin," mariing pahayag ni Chit.

DONE WITH MAJA. Ano na ang opisyal na relasyon nila ngayon ni Maja?

"I'm done with her. Kapag sinabi kong ayoko na, ayoko na," diretsong sagot ni Chit.

Aware ba si Maja tungkol sa nararamdaman niya?



"Alam niya ‘yan," sagot ng manager. "Yun na nga, may selective memory na nga. Paulit-ulit kong sinasabi sa kanya ‘yan. Yun nga ang sinasabi ko na may ano siya... Ang mga versions niya, halimbawa, yung twenty-thousand pesos na hinihingi ko sa One More Chance na bonus niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Selective ang memory niya. Oo, totoo yun, kinukuha ko yun. Dahil ang sabi ko sa kanya, apat na taon na tayo. Lagi naman akong nagbibigay sa mga reporters. Ang laki-laki ng kinikita mo. Ikaw naman ang magbigay ngayon. Kaya ko hinihingi ang twenty-thousand pesos na bonus niya sa One More Chance.

"Bakit pumutol siya doon sa kuwento niya kay Cristy [Fermin] na kinukuha ko yung twenty-thousand pesos? Ako, magiging dahilan ba ng paghihiwalay namin ang twenty-thousand pesos? Twenty-thousand pesos?! Ako, si Chit Ramos makikipaghiwalay dahil lang sa twenty-thousand pesos?! Hindi naman siguro believable ‘yon!"

Ito ba ang pinaka-dahilan ng falling out nila ni Maja?

"Siguro nag-accumulate lang, but the last straw was John Lloyd [Cruz]. Doon sa presscon ng One More Chance. Actually, hindi ako sasama sa presscon. Gusto kong makita ang reaksiyon ng mga reporters na hindi niya [Maja] ako kasama at gusto kong malaman kung ano ang sasabihin niya dahil wala ako, ganun. Hinanap ako, ‘Day. A very extraordinary day na hindi naman niya ako hinahanap saan mang lakad.

"That particular day, hinanap niya ako rito [ABS-CBN Loop]. Nakita niya ako na nagtatago doon [sa isang restaurant] sa likuran. Nakita niya ako talaga. ‘Tsaka may tumawag din sa akin mula sa itaas na umakyat daw ako. Hindi ko matanggihan yung tumawag sa akin at binigyan ako ng bakya. Dahil gusto kong makuha yung bakya, umakyat na ako.

"E, ang John Lloyd nagbiro ng ganun sa presscon. Pero nandun sa tabi ko si Ethel [Ramos, moderator/publicist ng Star Cinema and sister of Chit]. Siyempre, palalampasin ko ‘yan. Hindi ako sumagot. Kasi gusto ko munang patapusin ang showing ng pelikula bago ako kumanti."

Ang tinutukoy na insidente ni Chit ay nang magbiro si John Lloyd sa presscon ng One More Chance. Pagkatapos kasing sabihin ni Maja na nagka-monthly period siya pagkatapos ng kissing scene nila ni John Lloyd sa pelikula ay nagbiro ang young actor na: "Nililinaw ko lang po ha, hindi po orgasm, period po!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nag-react si Chit sa biro ni John Lloyd at sinabing offensive para kay Maja ang sinabi ng young actor. Pero imbes na kampihan daw ni Maja ang manager ay tila sinakyan pa nito ang biro ni John Lloyd.

"Ang hindi ko lang nagustuhan doon, e, di ba, inilaglag niya [Maja] ako? Ang sabi niya, e, ‘Na-offend ka ba, Ate Chit?' Tapos sabi niya, ‘Huwag na po nating palakihin.' Hindi ba panlaglag ‘yon? So, ano na yun, dumarating na tayo sa sukdulan," pahayag ni Chit.



Patuloy niya, "Marunong siyang magbaligtad ng usap, e. May ano siya sa akin tulad nung text niya na, 'Ate Chit, kukunin ko sana yung pera kasi pamalengke namin.' May isa siyang mall show noon na dapat hindi ko rin sa kanya ibigay yung thirty-thousand pesos, dahil doon ko na kukunin kasi hindi pa niya ako nababayaran ng November. Ang sabi ko sa kanya, ‘E, ‘di mo pa ako nababayaran ng November.' E, meron siyang thirty thousand sa akin, e, di puwede na ‘yon, di ba? Alangan namang ipadala ko pa ‘yon sa kanya?

"Tapos sabi kong ganun, ‘What if I give you a dose of your own medicine? Magbayad ka muna sa akin bago ko ipadala sa ‘yo ang perang ‘to?' Sumagot [si Maja], ‘Pera lang naman ‘yan, Tita. Wala ‘yang kuwenta sa akin.' Sinagot ko siya, ‘Oo nga, ang dami-dami mong pera ngayon. Pero alalahanin mo na lahat ng pera mo na umaapaw sa bag mo ay galing sa akin.'

"Tapos, hindi na, wala na. Nag-170/100 [blood pressure] na ako. Naospital na ako," malungkot na kuwento ni Chit.

Tatlong araw naospital ang talent manager sa Delos Santos Hospital at umabot daw sa P39,000 ang bill niya.



"Pumili na nga ako ng murang hospital para konti lang ang bayaran ko. ‘Tapos umabot pa sa P39,000. Lahat kasi, general check-up na rin. Lahat sa akin tiningnan. Sabi nila, ‘Ang tibay mo, buhay ka pa.' Sabi ko, ‘Wala ‘yan. Yung kay Mickey Ferriols [Chit's former talent] naka-200/100 ako, nakatayo pa ako, 170 lang ‘yan, Doc.'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos eto pa ang mga in denials whatever niya [Maja], selective memory niya. Galing sa kanya yung anak ko, si Farah... Yun din ang dahilan kung bakit nakilala niya ako. Kaya ako napunta sa modeling na ‘yon dahil susunduin ko ang anak ko. Naging kaibigan niya [Maja] ang anak ko. So, nung nakita ako ng nanay niya, nagtatakbo sa akin. ‘Ay, heto ang makakatulong sa atin Maja para matagpuan mo ang tatay mo.'

"Yung anak ko na 'yon, hindi nakikialam sa akin. Pero nag-text sa kanya [Maja], ‘Huwag kang makadalaw-dalaw sa Mommy ko sa ospital.' Nag-text back, ‘Bakit?' Hindi na sumagot ang anak ko. May ganun siya," lahad pa ni Chit.

CONTRACT BUYOUT. How true na may bibili raw ng kontrata ni Maja sa kanya?

"Meron? E, di good! I would like to immediately severe my relationship with her. Pero hindi puwedeng pumapel ang Star Magic dahil under contract nga kami kay Malou," giit niya.

Ayon pa kay Chit, may one year contract pa si Maja sa STRAM at two years naman sa kanya.

"Kung gagamitin ko ang kontrata ko," sabi ni Chit, "E, di ba, sabi ko nga balewala sa akin ang kontrata? Pero kung hingi siya nang hingi, e, di ibibigay sa kanya ng abugado ko."

More or less, magkano aabutin ang kontrata sa kanya ni Maja kapag binili?

"Two million? Ang cheap niya, huh!"

Twenty million?

"Ang bilis bumaba ng commercial value," sabi ni Chit. "Okay, mga one week ago, kasi mahaba ang negotiation ng commercial, e. Nung una, ang price niya sa commercial for 24 months is eight million. Tumawad ng P7.5M, call ako agad.

"Ngayon, may lumabas na balita tungkol sa young actress na pasaway sa magulang. Alam mo ang lakas ng epekto ng paglabas nun sa diyaryo. Tumawag kinabukasan sa akin yung commercial kung totoo ba yung nasulat. Sabi ko, hindi. Siyempre, commercial ‘yon. 'Tapos sabi sa akin, ‘Nakikiusap ang management kung puwede P4.5M na lang?'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi ko, give me a day para to decide. Kinabukasan, call, P4.5M pa rin ‘yan. After two days tumawag, ‘Final na ito Ate Chit, hindi na namin magagawang bongga. Ano na talaga, P3M.'

"'Tapos ngayon, kinol ko pa rin kinabukasan. E, baka ikako bumaba ang commercial value kaya 'Oo' ka na lang nang 'Oo' para kahit paano may ma-save ka. ‘Tapos ngayon, final na, two days ago ‘yon. ‘Sige na, pagbigyan mo na kami...P1.8M.'

"Ayoko na. So, I have to consult somebody bigger than me kasi we're under contract with STRAM. Tinext ko si Malou. Sabi ko, ‘Papano ba ito? Gusto ko nang tanggihan kasi masyado nang malaking insulto.'

"Pero pumayag na rin ako with their advise. Pumayag ako P1.8M pa rin yun, di ba? Two PDCs [post-dated checks] ‘tapos sabi sa akin, lambingin mo na lang. Sabi ko sa kausap ko sa commercial, ‘Isarado na natin sa P2M, bigyan natin sila ng radio [pluggings].' Kumol naman."

Ano naman ang sinabi sa kanya ng tiyuhin ni Maja na si Phillip Salvador?

"Napakabait ni Phillip Salvador," sabi ni Chit. "Nangako ako sa kanya hindi ako magsasalita. Alam ko ang kalagayan niya ngayon. Sabi nila down na down. Hindi ko siya kayang tadyakan. Dahil kay Phillip, hindi ako magsasalita. Nangako ako sa kanya, I want to keep it. Hindi ako magsasalita ng kahit na ano. Yung mga sinabi ko kanina, ganun talaga sa PAMI."

Totoo ba na kinukuha sa kanya si Maja ng kapatid ni Phillip at dati nitong manager na si Ramon Salvador? Si Maja ay anak ng kapatid nina Phillip at Ramon na si Ross Rival, na sumakabilang buhay noong nakaraang taon.

"Saan mo na naman nakuha ang tsismis na ‘yan?" nagtataka niyang sabi. "Alam mo, ang bibilis ng balita. Hindi siguro, I can only tell you the truth, konti, pero bahala na kayo. Ah, parang...."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Parang nakikialam ba si Ramon?



"Hindi naman. Parang nagsa-sound off na, ganun na, parang siya lang ang puwedeng magprotekta sa kanyang pamangkin. Sabi ko sa kanya, ‘Oo nga."



Willing ba siyang ibigay si Maja sa tiyuhin nitong si Ramon para i-manage ang alaga?



"It's not my choice anymore. It's free for all. It's her [Maja] choice," sabi ni Chit.



What if siya pa rin ang gusto ni Maja na mag-manage sa kanya?



"Sipain ko na siya palabas ng bintana!" bulalas ni Chit. "Ano ako? Babalik na naman sa ospital? Makita ko nga lang ang mukha, e, baka tumaas na naman ang presyon ko. May mga anak naman ako, e, na dapat alalahanin."



Naniniwala ba siya na may nagsusulsol lang kay Maja?



"Sino man siya na nagsusulsol, bahala na sila. Wala na akong control doon. She's already 19 and she thinks like a 21 or 25. Wala na akong pakialam kung sino yung nagsusulsol sa kanya. Alam ko kung sino, pero wala na akong pakialam sa kanya," aniya.



Hindi raw kaya isa sa mga nagsusulsol kay Maja ay ang nababalitang boyfriend ni Maja na si Carlo Aquino?

"No! In fairness to him, wala siyang kinalaman dito," mariing pagtatapos ni Chit.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN