Former sexy actor Anton Bernardo talks about his life in Japan

"Naging madali sa akin dahil marunong akong magsalita ng Japanese.Nagka-girlfriend pa nga ako ng Japanese, na kung ginusto ko lang,siguro, mayaman na ako," narrates Anton Bernardo about his life in Japan.



Matagal na nawala sa sirkulasyon ang sexy actor na si Anton Bernardo. Remember him in countless sex potboilers from Seiko Films, gaya ng Patikim ng Pinya at Anakan Mo Ako?

Anyway, naririto na naman sa Pilipinas si Anton at nagpapaka-aktibong muli sa showbiz. Kasama siya sa napakalaking cast ng Joaquin Bordado ng GMA-7. May espesyal din siyang role sa Torotot (Destierro) ng Viva Digital na idinidirek ni Maryo J. delos Reyes. Si Direk Maryo ang nagbigay ng break kay Anton para gumanap sa pelikulang Sa Paraiso ni Efren.

"Two years akong nag-Japan," kuwento ni Anton sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Kasama ko pa noon yung ibang mga artista, like Leandro Baldemor, Toffee Calma, Gerald Madrid, at Justin Cuyugan. Kami yung mga pinapabalik-balik doon.



"Before that kasi, bago pa ako mag-artista, nagdya-Japan na ako. Nag-work ako as a bartender sa isang bar doon, kaya may experience na rin ako sa pakikitungo sa mga Japanese customers."



Pero nitong nakaraan daw, sa Nagoya siya napadpad, sa Shining Star Club. Nag-bartender din siya roon, bukod pa sa pakikiharap sa mga guest.



"Yung mga nadedestino roon to work, mga actor, model. Nakasama ko pa nga si Ralion Alonzo doon. Mga entertainer talaga ang kinukuha nila, na marunong kumanta at sumayaw. Naging madali sa akin dahil marunong akong magsalita ng Japanese. Nagka-girlfriend pa nga ako ng Japanese, na kung ginusto ko lang, siguro, mayaman na ako.



"Hindi ako nagmamalinis, pero parang mas magiging miserable ang buhay ko kung sa paggising ko sa umaga, yung kasama ko pala, hindi ko naman talaga mahal, at hindi ko gusto. Na kailangang gustuhin ko dahil lang sa pera," pahayag ni Anton.



Hindi nga maintindihan ni Anton kung bakit nakabuo pa siya ng ganoong prinsipyo.



"E, ang Haponesa pa naman, kung magugustuhan ka, ibibigay sa 'yo ang lahat. Balewala sa kanila 'yan. Pero yung ganyan kasing kayamanan, madali ring mawala. Kasi madali mong nakukuha.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Yung Japanese nga na 'yon, nadala ko pa sa Pilipinas. Sumama siya. Pero dito sa Pilipinas, 'pag naglalakad kami, magkalayo. Hindi kami nagho-holding hands. Alam mo naman dito sa Pilipinas, kung ang kasama mo, may edad na gaya ni Tia Pusit, siyempre pagtatakhan 'yon ng mga tao. Naroroon na yung sasabihin nilang kaya lang pinatulan yung matandang Haponesa dahil sa pera. Pumapasok 'yon sa utak ko noon," lahad ni Anton.



Isa sa huling punta niya sa Japan, niloko raw siya ng male starlet na si Danny Ramos. Nagtrabaho raw si Anton sa Santaro Club, sa Japan, sa pakikipag-ayos ni Danny at ng diumano'y mayamang Haponesang napangasawa nito.

Si Danny ay lumabas sa mga pelikulang Sibak, Mister Mo Lover Ko, Bangkero, at iba pa. Naugnay rin ang pangalan ni Danny noon sa aktres na si Elizabeth Oropesa.



"Dalawang buwan lang akong nagtrabaho sa club niya [Danny], sampung lapad lang ang pinasuweldo niya sa akin. Kulang na kulang 'yon. Kung sa ibang club pa siguro ako nagtrabaho, baka mas malaki pa roon ang kinita ko," napapailing na sabi ni Anton.



Charge it to expereince na lang talaga. Ang feeling niya, hindi ibinigay ni Danny nang buo ang dapat ay makuha niya diumano.



"Hindi kasi lahat ng punta sa Japan, susuwertehin ka. Mayroong dumarating na kamalasan. Naririto nga lang daw sa Pilipinas si Danny. Ewan ko lang kung ano ang magagawa ko kung magkrus ang landas namin," sabi ni Anton.

Balik ngayon sa pagkayod si Anton sa pag-aartista. Gumaganap siyang assassin ni Robin Padilla sa Joaquin Bordado, samantalang siya naman ang kalaguyong tindero ng karne sa Torotot na mai-involve sa buhay ng mag-asawang ginagampanan nina Yul Servo at Precious Adona, na ipinakikilala sa nabanggit na pelikula.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN