Coco Martin thanks indie films for his travels and chance to see Hollywood stars in person

"Kahit maliit ang bayad, tingnan mo na lang, mas matindi pa ang bawi ko, because I get to travel. Hindi nagagawa ng ibang artista 'yon na nakakaikot sa iba't ibang film festivals abroad. Yun na lang ang consolation ko, aside, of course, from the artistic fulfillment," explains Coco Martin about doing independent movies.



Pinagkaguluhan sina Coco Martin at Paolo Rivero nang magkaroon sila ng personal appearance sa lobby ng Robinson's Galleria, kung saan palabas ang pelikula nilang Daybreak sa IndieSine. May audience ang nabanggit na pelikulang nagtala ng highest opening day gross, so far, sa nabanggit na sinehang nagke-cater sa indie films.



Kung tutuusin, may following na si Coco mula nang mamayagpag ang pangalan niya sa debut film niya na Masahista. Nagtuluy-tuloy ito sa pamamagitan ng iba pang award-winning and critically-acclaimed digital films gaya ng Tambolista at Tirador.

Ang Tirador ay nagbigay pa ng opportunity kay Coco para maka-attend ng prestihiyosong Berlin International Film Festival sa Germany, na ginanap ilang linggo na ang nakararaan.



"Nakatanggap pa kami ng special award," sabi ni Coco, tinutukoy ang Caligari Prize na natanggap ng Tirador mula sa panel na binubuo ng tatlong hurado.



"Hindi namin inaasahan 'yon," patuloy ng aktor. "Sa bawat section kasi, may pinipili silang pelikula. Nagkataon na isa sa mga napili yung pelikula namin. Masaya ang trip namin sa Berlin. Kasama ko sina Ferdie Lapuz at Direk Dante Mendoza.

"Bago pa sa Berlin, pumunta rin kami ng Dubai International Film Festival. Nakita ko doon sina George Clooney at Michelle Pfeiffer. Natigilan talaga ako. Kasi Hollywood stars 'yan na hindi naman lahat ng Pinoy ay nabibigyan ng chance na makita sila kahit malapitan. Marami nga lang nakapaligid sa kanila kaya hindi basta malalapitan for picture-taking. Matindi ang security provided for Hollywood stars," kuwento ni Coco.



Sa Berlin naman, na-starstruck talaga si Coco nang makita niya si Penelope Cruz. Gandang-ganda ang indie film actor sa Spanish actress na minsang na-link kay Tom Cruise.



"Ilang seconds talaga na hindi ako nakakibo," sambit ni Coco. "Sabi ko nga sa sarili ko, 'This is it! Parang nasa Hollywood na rin ako!'"



CINEMA INFERNO.
Sa pagiging surprise hit ng Daybreak dahil sa katapangan nito sa paglalarawan ng love story ng dalawang lalake, may bagong sigla muli para humarap sa bagong indie project si Coco. Reunited sila ng direktor niya sa Tirador na si Dante Mendoza sa uumpisahang Cinema Inferno. Kuwento ito ng isang pamilyang nabubuhay sa pagpapatakbo ng isang sleazy third-rate cinema catering mostly to male homosexuals.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Makakatagisan ng talino ni Coco rito sa acting sina Jaclyn Jose, Gina PareƱo, Julio Diaz, Dan Alvaro, at Christopher King.



"Hindi siguro ako magsasawang gumawa ng indie movies," sabi ni Coco. "Marami akong natututunan dito. Besides, iba't ibang klaseng malalaking roles ang naipagkakatiwala sa akin.



"Kahit maliit ang bayad, tingnan mo na lang, mas matindi pa ang bawi ko, because I get to travel. Hindi nagagawa ng ibang artista 'yon na nakakaikot sa iba't ibang film festivals abroad. Yun na lang ang consolation ko, aside, of course, from the artistic fulfillment.



"May mga nagtatanong nga sa akin kung ano pa ba ang limitasyon ko. Sa Daybreak, hindi ko pa nagagawa yung ganoon katinding laplapan sa kapwa ko lalaki. Wala namang problema sa akin 'yon, basta ikagaganda ng pelikula. Nagtitiwala ako palagi sa mga direktor na nakakatrabaho ko dahil mahuhusay sila. At basta ba alam kong kakayanin ko, susubukan ko talaga," pagtatapos ni Coco.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN