Ilang buwan pagkatapos lumipat ni Angel sa ABS-CBN, marami ang nagsasabi na hindi siya nagkamali sa kanyang desisyon. Sa pamamagitan daw kasi ng teleserye niyang Lobo ay napansin ang lalim ng kanyang pag-arte
"Thank you. Hindi ako magpapaka-humble kasi tina-try ko talaga ang best ko. So masasabi ko, happy talaga ako sa mga nangyayari. Hindi ko magagawa yun kung wala sila Direk Eric [Reyes] and Direk Cathy [Garcia-Molina] kasi naniniwala ako na kahit na anong galing ng isang artista, ‘pag pinabayaan siya ng direktor, ‘pag di magaling yung direktor, walang mangyayari talaga.
"Siyempre, kasama dun yung mga kasama ko sa Lobo, lalo na si Piolo [Pascual]. Ang galing-galing niyang umarte, ang bait-bait sa set. Hindi ka maiilang, hindi mabubuwisit, lahat nagkakaintindihan," masayang pahayag ni Angel sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
Para kay Angel, maipagmamalaki niya ang ganda ng istorya ng Lobo na matalino at malinis daw ang pagkakagawa. Hindi nga aprubado para sa young actress ang pag-i-stretch nito para lang mapahaba kung magsa-suffer naman ang quality ng istorya.
"Masaya ako sa tinatakbo ng story kasi yung istorya ng Lobo, matalino ang pagkakagawa ng team namin. Alam ko hanggang June-July kami, pero tingnan natin. Ayaw naman naming mag-extend nang mag-extend kung papangit naman ang story. Ang goal kasi namin, 20 years na, may kanya-kanya na kaming buhay, pero ‘pag na-mention ang Lobo, mapapangiti ka. Kasi mahal namin yung show at gusto namin ang ginagawa namin," pahayag ng young actress.
Sa kabila ng hindi pagkakaroon ng romantic involvement sa pagitan nina Angel at Piolo ay nabuo ang isang pagkakaibigan. Sa pag-amin ng aktor na may bago siyang inspirasyon na nakilala niya sa Victory Fellowship, agad naming hiningan ng reaksiyon dito si Angel.
"May alam ako, pero wala ako sa posisiyon para magsalita," saad niya. "Si Piolo, sinuportahan niya ako sa part ng buhay ko na down na down talaga ako. Kaya kahit na ano ang mangyari, susuporta ako sa kanya dahil mahal ko si Piolo."
ISSUE WITH DINA. Sa nakaraang interviews kay Ms. Dina Bonevie ay lumabas daw ang sama ng loob nito kay Angel. Ayon sa aktres, mabilis daw napalitan ni Angel ang anak niyang si Oyo at tinext pa raw siya para ipalaam ang relasyon nila ni Luis Manzano. Hanggang sa ngayon ay tanong pa rin ng marami kung ano na ba talaga ang estado ng relasyon nina Angel at Luis. May ginawa rin kayang hakbang si Angel para makapag-usap at maklaro niya ang pangalan kay Dina?
"Wala naman akong dapat sabihin pa," giit ni Angel. "I won't deny na masaya akong kasama si Luis kasi hindi ka naman siguro didikit at sasama sa isang tao kung hindi ka masaya sa kanya. Basta masasabi ko na may chemistry talaga kami, may bonding.
"Regarding kay Tita Dina, tinawagan ko si Danica [Sotto, Oyo's sister]. Kasi bukod siya ang pinaka-close sa akin, magsasabi sa akin talaga yun kung may problema. Tinanong ko siya, ‘Danica, galit ba sa akin si Tita?' Kasi baka may nagawa ako na ikinagagalit niya, ayoko naman nun.
"Mahal ko si Tita Dina, matagal ko na siyang nakasama at nirerespeto ko siya. Kung anuman ang nagawa ko, kung mayroon man, at least sabihin sa akin para makahingi naman ako ng sorry.
"Si Oyo ang nakipag-break sa akin, saka ang tagal na nun. Nagkaroon pa nga ako ng issue kay Marvin bago yung kay Luis. Tingin ko, nalagyan lang ng issue saka na-misinterpret lang si Tita Dina. Saka ayokong magmukhang masama si Tita Dina. Nakilala at nakasama ko siya at di siya ganun, hindi siya mataray," pagtatapos ni Angel.
Ngayong araw, April 23, ang ang 23rd birthday ni Angel. Pero last Sunday, April 20, kasama ang kanyang ama ay nagpakain siya at naki-celebrate sa mahigit isang daang bata na taga-Payatas.
