Malaking karangalan para kay Rita Avila nang maibigay sa kanya ang award-winning role ng yumaong Nida Blanca sa TV remake ng 1986 film Magdusa Ka. Ang role na Toyang ang nagbigay ng grand-slam wins as Best Supporting Actress kay Nida Blanca noong 1987.
Nang ialok nga kay Rita, hindi siya makapaniwala dahil alam niyang maraming veteran actresses ang naghahangad sa role na ito.
"It's a big honor for me to revive the role of the late Nida Blanca. I had the chance na makatrabaho si Tita Nida at naging neighbor ko pa siya before sa White Plains.
"Kung sana ay kasama pa natin siya ngayon, alam ko na hindi ko mapapantayan ang husay niya sa pagganap pero gagawin ko ang lahat para kahit papa'no ay magampanan ko iyon ng maayos," ngiti pa ni Rita.
TOO YOUNG TO PLAY MOTHER? Marami ang nagsasabing masyado pa raw batang tingnan si Rita para gumanap na ina ni Katrina Halili sa Magdusa Ka. Pero kinorek ni Rita ang impresyong ito.
"Hindi na po ako bata," sabay ngiti niya. "Nasa tamang edad na po ako to do the role. Sa edad ko ngayon, kung nag-asawa at nagkaanak ako during my early 20's puwede ko nang anak si Katrina.
"Hindi naman issue sa akin iyon because I've played mother roles na in the past. Naging nanay na ako ni Nadine Samonte before sa Ikaw sa Puso Ko at kelan lang, I was the mother of Rhian Ramos sa My Only Love. Walang kaso sa akin iyon. GMA-7 knows kung ano ang babagay na role sa akin at hindi."
THEN AND NOW. Hindi naman daw naging problema kay Rita ang makipagtrabaho sa bagong henerasyon ng mga artista ngayon. Natutuwa nga siya dahil maraming bagong artista ang nakikita niyang seryoso sa pinasok nilang trabaho sa showbiz.
"Kung iku-compare ko ang panahon namin sa ngayon, mas nakikita na sobrang serious ang mga baguhan ngayon when it comes sa mga trabaho nila, be it acting, singing and dancing. Kumbaga, kina-career na nila lahat.
"Kami kasi noon, sa isang bagay lang kami pinagku-concentrate. Kung acting ka magaling, doon ka lang muna. Same as kung sa singing, dancing, at hosting ka lang okey, doon ka ilalagay muna. Ngayon kasi, versatile na ang mga bagets. Kaya mas marami silang kinikita because they do a lot of things.
"Hindi naman sila masisisi kung bakit sila masisipag. Pressure din sa part nila dahil nakakontrata sila sa isang malaking network like GMA-7 and ABS-CBN. May suporta silang nakukuha sa mga gusto nilang gawin at nakikita nila na hindi sila napapabayaan.
"Kami kasi noon nina Jestoni [Alarcon], Cesar [Montano], Gretchen [Barretto], under contract lang kami ng film company, which is Seiko Films. Umaasa lang kami sa mga movies na ibinibigay sa amin. Bihira ang TV shows noon. More on movies kami noon na every month naman ay meron kaming ginagawa.
"Pinaka-TV show lang namin was That's Entertainment at GMA Supershow. ‘Tapos mga guestings na lang sa mga sitcoms at drama anthologies. Unlike ngayon, mas tutok na ang mga artista sa TV shows. Which is good kasi bihira na ang mga pinu-produce na pelikula."
HIS WILL BE DONE. Kahit na busy ngayon si Rita sa paglabas sa TV, hindi pa rin nawawala sa kanya ang hangarin na magkaroon ng sariling anak. Nandoon pa rin daw ang pag-asa na one day ay mabibiyayaan na siya ng baby na para sa kanya talaga.
"Always naman, e. Hindi yan nawawala sa mga dasal ko. But I know that God has His plans. After my first baby passed away, mas naging malapit ako sa Diyos. He has done so many miracles sa buhay ko, kaya naman ang pag-asa ko ay hindi nawawala.
"Hindi ko Siya pangungunahan. Ayoko nang mag-expect masyado at kung ano ang gusto Niya, yun ang masusunod."
