Umpisa pa lamang ng Showbiz Central kahapon, July 20, ay nagpahayag na ng kaba ang isa sa co-host ng programa na si Rufa Mae Quinto dahil isa raw sa "past" niya ang mauupo sa hot seat ng Central Jury at iinterbyuhin nila ni Mo Twister—si Jay Manalo.
Ang unang tanong agad sa kanya ni Mo ay kung ano ang reaction niya na maging sa lie-detector machine ay "truth" ang lumabas sa isyung babaero siya.
"Wala naman, pinagdaanan ko naman talaga," kaswal na sagot ni Jay. "Wala namang lalaking hindi naging babaero, lalo na noong kanilang kabataan. Kahit naman ang matatanda ngayon, babaero pa rin, pero ayaw lang nilang aminin. Ayaw lang magpakita ng mga ‘yan, pero likas lang talaga sa lalaki ‘yan."
Mga ilan ang bilang ni Jay sa naging girlfriends niya?
"Yung iba kasi, ego lang...may pa-macho effect. Let's say may girlfriend ka na, pero nakukuha mo pa rin mambabae just to add to your macho appeal. Kasi may dating na ganoon. Pero sa akin kasi, kung may girlfriend ako at lumabas ako, and then she likes me, e, di sige."
Biglang nag-react si Rufa Mae at sinabing: ‘Ah ganoon? E, bakit ako ginirlfriend mo?"
"Noong time na girlfriend ko siya, siya lang!" sagot naman ni Jay.
Then Rufa Mae told Mo, ‘Tanungin mo naman kung sino ang pinakamabait na naging girlfriend niya sa showbiz?"
"Malamang siya [Rufa Mae] na rin ang isasagot ko!" natatawang sabi ng aktor.
"E, bakit malamang?" singit ulit ni Rufa Mae.
"Hindi, si Peachy [palayaw ni Rufa Mae], siya talaga. Naiintindihan mo ako, e. At saka mapagmahal ka rin."
"E, kasi, gusto mo akong pakasalan before!" tahasang sagot naman ni Rufa Mae.
Dahil dito, natatawang sabi si Mo na magwo-walkout na lang daw siya dahil tila nawi-weirduhan na siya sa dalawa.
Pinigil naman ni Peachy si Mo na itanong ang hawak nitong next question kay Jay dahil ayaw raw niya at nakakahiya. So tinanong na lang ni Mo si Jay kung ano ang feeling niya noong nag-break sila ni Rufa Mae ay kinunsidera ng sexy comedienne na makipagbalikan kay Jay.
"Hindi ko na rin siguro itinuloy pa yung gusto niya because, in the first place, ayoko na rin masaktan siya. Kung nasaktan ko man siya noong una, ayoko nang maulit pa yun. At saka siyempre, bukod sa masasaktan ko siya, masasaktan ko rin ang karelasyon ko that time," pahayag ni Jay.
Idinagdag din ni Rufa Mae na in fairness daw ay hindi sila nag-away ni Jay during the time of their relationship.
CASINO ISSUE. Pagkatapos nito ay tinanong ni Rufa Mae si Jay kung totoo bang na-addict siya sa pagka-casino.
"Dati!" mabilis na pag-amin naman ni Jay. "Pero gusto ko rin pong linawin, like kung may mga taong nakakita sa akin sa casino, hindi po ako naglalaro ng cards; slot machine po. May pagka-isip bata po ako kaya slot machine po. Hanggang ngayon, naglalaro pa rin po ako niyan, pero hindi na po sa casino kundi sa mga Internet gaming na po.
"Pero kung addicting, iba naman na yun. Hindi ka na halos nakakapag-taping niyan. Pero may kanya-kanya naman tayong dibersiyon sa buhay. Kumbaga, inilalagay lang natin sa tama kung ano ang dapat. At kung ano ang hindi na dapat na inilalagay as libangan."
When asked kung magkano ang inabot ng naipatalo niya, inamin ni Jay na sa horse racing siya nadale talaga.
"Iba...hindi sa casino. Kaya yung sa casino na ‘yan, patayin na ang isyu diyan, wala naman, e. Sa horse racing, naipatalo ko, e, enough na para mapagtapos ko ng kolehiyo ang mga anak ko," sabi ng aktor na may sampung anak mula sa anim na babaeng nakarelasyon niya.
Pinagsisihan ba niya ang pagsusugal niya?
"Ginawa ko na, e, so, hindi mo na dapat pagsisihan. Kapag ginawa mo na, huwag mo na lang ulitin, move on na lang. Matuto ka na lang sa ginawa mong mali," sagot ni Jay.
BACKING OUT ISSUE. Sinagot din ni Jay ang isyu ng pagba-backout niya sa taping ng Kung Ako Ikaw dahil hindi raw niya ka-level ang mga makakasama sa naturang episode na sina Dino Guevarra at Joseph Bitangcol.
"Yeah, yung isyu sa akin na sinabi ko raw na hindi ko ka-level ang mga kasama ko, hindi po sa ganoong sitwasyon or ganoong paraan ko sinabi yun or, I mean, dapat nilang intindihin.
"Unang-una po sa lahat, isa po sa dream role ko ‘yan, e, yung maging drag queen. Actually, nagawa ko na ang maging pipi, maging silahis, ama, action star. Yung pagiging drag queen, hindi [ko] pa ‘yan [nagagawa], at saka retarded.
"Kaya lang, noong gabing yun, tumawag sila [staff of Kung Ako Ikaw] na ang makakasama ko, sina Victor Neri, Joko Diaz. So sabi ko, maganda at saka pare-parehas kaming tingnan kasi pare-pareho kaming malalaki. So, ang sagwang tingnan kung gagawin kaming drag queen.
"Pero noong umaga na, sabi ko, ‘Wow, mas kayang pagandahin ito kesa sa akin!' At saka pinalitan nila talaga ang lineup. Pero kung barumbado ako or unprofessional ako, hindi na ako magpapakita sa kanila just to say na hindi ko talaga gagawin ‘to, hindi ko po kaya. Hindi sa hindi ka-level, pero siyempre, mas maganda silang [Dino and Joseph] pagandahin," paliwanag ni Jay.
JAY DOES IT ALL. Pagkatapos nito ay pinapili na si Jay kung "Killer Question" o "Killer Task" ang sasagutin o gagawin niya. Pagkabasa ng parehong nilalaman ng mga ito, ginulat ni Jay ang lahat nang sinabi niya na sasagutin niya ang "Killer Question" at gagawin din niya ang "Killer Task."
Una munang sinagot ni Jay ang "Killer Question": "Nagkaroon daw ng time na pinag-usapan ang magagara mong sasakyan at ang usap-usapan ay galing daw ito sa rich gay businessman na karelasyon mo diumano noong panahong yun. Aaminin mo ba ngayon na nagkaroon ka nga ng relasyon sa rich gay businessman?"
Ito naman ang sagot ni Jay:
Ang sagot nga ni Jay, "Totoo po yun! Nagkaroon nga ako ng magagandang sasakyan. Siguro mga dalawang magagandang sasakyan like C3 and Porsche. Pero ito lang po ang gusto kong sabihin sa inyo, sa pagtatrabaho ko, pang-52 ko na po itong ginagawa ko with Piolo Pascual.
"I mean, ako po, nagtatrabaho po ako at kung anuman ang pinagtatrabahuhan ko, iniisip ko po kung paano ko iro-roll ang pera, kung paano ko pagkakakitaan. That time, nagkaroon po ako ng mga kaibigan na nandito sa ganitong business, buy and sell. So, hindi po ako nangutang, hindi po ako gumamit ng mga tao para lang magkaroon ng magagarang sasakyan."
Ang "Killer Task" naman kay Jay ay live siyang magpaliwanag kay Dino Guevarra, na isa sa mga guest Kung Ako Ikaw na sinasabing sinabihan niya na hindi niya ka-level kaya siya nag-backout.
Naka-phone patch si Dino na unang bungad agad kay Jay ay "pare" niya raw ang aktor isa sa mga totoong tao na masasabi niya kung kaya't wala raw siyang galit dito.
Ayon kay Jay, "Actually, after ng isyu na yun, tinawagan ko siya just to say sorry, and even kay Mayor Joey Marquez [co-host ng Kung Ako Ikaw] at kay Direk. Nag-text ako sa kanila at nag-sorry na talagang hindi ko magagawa kasi nabago po ang line-up. Which is, sinabi ko na tuwang-tuwa ako na magawa yun at makasama ang mga dati kong nakakasama [Joko and Victor]. Of course, gusto ko rin makasama si Dino, pero yun nga lang, alam ko na tatalunin na ako niyan!" natatawa niyang sabi.
"Pero taos-puso po akong nag-sorry sa lahat. Excited po talaga akong gawin yun, pero bumagsak lang po talaga ang height ng excitement ko nang maiba ang line-up," paliwanag muli ni Jay.
