Isa sa isyung palaging ipinupukol sa mga artistang nagkakapangalan sa showbiz ay ang paglaki raw ng ulo ng mga ito, pagyabang, at paglimot sa kanilang pinanggalingan.
‘Tulad na lang ng kaso ng comedian na si Jose Manalo, kung saan lumabas ang balita na may mga ilang kapitbahay raw ito sa nilipatang "townhouse" sa Quezon City ang nagrereklamo dahil nagsisiga-sigaan daw ang komedyante sa kanilang lugar. Inirereklamo rin daw ang business ng komedyante sa kanyang bahay at ang wala raw pakundangang pagpa-park nito ng mga sasakyan niya sa harap ng bahay niya na hindi inisip ang kalagayan ng kanyang mga kapitbahay.
Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Jose Manalo ay agad namin siyang hiningan ng reaksiyon tungkol sa mga ipinupukol na reklamo sa kanya at isa-isa naman niya itong sinagot.
"Nung lumabas yung issue na ‘yan, nasa Amerika ako. Tumawag lang sa akin yung wife ko. Actually, yung parking, sa harap ng bahay ko yun. Kung may reklamo sa akin, sa barangay sila dapat pupunta at sana barangay ang pupunta sa akin.
"Hindi ko nga alam kung nakakainggitan ako or what, kasi hindi naman kami lumalabas ng bahay. Lumalabas lang ako ng bahay ‘pag pumapasok ako sa Eat Bulaga, ‘pag magba-basketball at sinusundo pa ako ng mga taga-doon.
"Siguro nagkaroon lang ng problema sa driver ko at sa driver yata nila. Hindi ko nga alam kung ano ang nangyari. Pero dun sa parking at sa nagsisiga-sigaan, hindi totoo yun. Ang bahay ko pa mismo ang tinatayuan ng barangay tanod sa gabi. Ibig sabihin nun, hindi ako ganun kasamang kapitbahay."
Tungkol naman sa sinasabing business daw ni Jose na nasa bahay niya, nilinaw ng komedyante na wala sa bahay niya ang kanyang negosyo, taliwas sa lumabas na balita.
"Ang business ko nasa Quezon Avenue, nandun yung restaurant ko, yung Chicken Inasal, at wala sa bahay," sabi ni Jose.
May mga ilang impormasyon ding lumabas na klinaro ni Jose dahil mali-mali raw ang mga ito.
"Hindi townhouse yung tinitirhan namin, bahay yun. At hindi ako Bicolano, si Wally [Bayola] yun. Mali-mali kasi ang nasusulat," paglilinaw niya.
IN DEFENSE OF JOEY. Naging malaking issue ang nabitawang biro ni Joey de Leon sa Eat Bulaga! na ang lola raw niya ay pumapatay ng mga press people. Ikinagalit ito ng National Press Club (NPC) at ilang kapatid sa panulat. Nag-ugat ang lahat sa lumabas sa isang tabloid, kung saan nasulat na hindi raw gaanong tinao ang nakaraang show ng Eat Bulaga! sa Los Angeles. Idinepensa naman ni Jose si Joey at sinabing walang katotohanan ang balitang nilangaw diumano ang nakaraan nilang show sa Los Angeles.
"Ganun naman talaga, hindi maiiwasan yung ganung mga issue," sabi ni Jose. "Ang sa amin lang, ‘pag iba ang nagsu-show, walang naririnig on us. Pero ‘pag kami, meron. Pero okey lang yun sa amin.
"Sabi nga ni Tito Joey, tuksuhan lang yun. Hindi gaganda ang dalawang show kung walang mangyayaring ganyan. Hindi naman kami apektado, although nasaktan lang si Tito Joey. Kami naman, hindi kami nakikipag-away, although ‘pag may bumabato sa amin, sumasagot lang kami.
"Yung sinasabi nilang walang tao sa itaas [bleacher], talagang hindi in-open yun dahil masyadong malayo na. At kahit naman ako ang manonood, hindi ako manonood ‘pag masyadong mataas; dun ako sa makikita ko talaga. Saka nagsalita na rin naman yung producer nung show."
FRANCIS'S BATTLE. Sa Eat Bulaga! kinumpirma ang sakit na leukemia ng isa sa co-host ng noontime show na si Francis Magalona. Sa ganitong sitwasyon ay siniguro ni Jose ang pagkakaisa at tulong na ibibigay ng Eat Bulaga! sa Master Rapper.
"Mahal namin si Kiko at lagi naming ipagdarasal ang paggaling niya. Nandito lang naman kaming pamilya niya sa Eat Bulaga!" pahayag ni Jose.
