Puring-puri ni Wendell Ramos ang kanyang mga leading ladies na sina Maxene Magalona at Angelika dela Cruz na kasama niya sa latest Sine Novela ng GMA-7, ang Una Kang Naging Akin.
"Sa tingin ko malayo pa yung mararating ni Maxene, may lalim na rin ang acting niya. Although nararamdaman ko noong una na medyo naiilang pa siya. It is but understandable kasi nga biggest role niya ito so far, from what I know. First mature role niya ito. Nandito lang naman ako para umalalay sa kanya.
"Si Angelika naman, magaling pa rin siya hanggang ngayon. Very professional. Very versatile. Para ngang matagal na kaming magkatrabaho ulit, e," pahayag ni Wendell nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa press launch ng naturang Sine Novela sa Mandarin Oriental Suites nung Huwebes, August 28.
Ayon kay Wendell, sa mga eksenang nagawa na niya, yung first taping day daw ang pinaka-memorable sa kanya, so far.
"Yung nagka-amnesia na ako. Eksena ko yun with Maxene. Yung wala na akong matandaan kung saan ako galing pati ang pangalan ko hindi ko matandaan. Drama kaagad yung first scene namin ni Maxene. At nagawa ko naman nang maayos."
TAKING CARE OF MAXENE. Nakunan na rin daw ang kissing scene nila ni Maxene. How was it?
"Okey po, maganda namang lumabas yung eksena. Sabi ko nga medyo naiilang pa si Maxene. Pero nakaalalay naman po ako sa kanya."
Sabi ni Maxene, hindi raw siya kinabahan sa kissing scene nila dahil gentleman daw at very supportive si Wendell.
"Nakaka-flatter na sinabi niya yun. Natural lang naman yung ganun sa akin. Bilang mas nauna sa kanya sa showbiz dapat lang naman siguro na ako ang umalalay sa kanya. At saka para rin naman yun sa mas ikagaganda pa ng mga eksena namin."
Samantala, inamin ni Wendell na masaya siya sa kanyang pagbabalik sa afternoon drama after his appearance in the primetime teleserye Ako Si Kim Samsoon. Pinakaunang Sine Novela na nagawa niya ay ang Sinasamba Kita with Sheryl Cruz, Valerie Concepcion, and Carlo Aquino.
PRESSURE. Malaking challenge nga raw para kay Wendell ang pagganap niya bilang Nick/Darwin na ginampanan ni Gabby Concepcion noon sa movie version, kasama sina Sharon Cuneta at Dawn Zulueta. Pressured ba siya?
"Yes, may pressure," say ni Wendell. "Lahat naman ng mga ginagawa naming Sine Novela, may pressure talaga, knowing na may possibility talaga na mai-compare kami sa mga original actors na unang gumanap sa roles namin. Actually, nung una ko pa lang malaman na si Direk Joel [Lamangan] ang magdidirek, may pressure na, e. Lahat naman ng trabaho mas magandang may ganung feeling para mas pag-igihan pa namin ang pag-arte."
Sinadya niya rin daw na hindi panoorin ang movie version ng Una Kang Naging Akin.
"Choice ko po talaga na hindi panoorin kasi po baka may mga eksena na ma-conscious ako. At least matapos ko munang gawin ito, at saka ko siguro panonoorin yung original version. Guided naman po ako ng script pati ni Direk Joel. Maganda na rin po yun para hindi ko magaya yung atake ni Gabby sa movie."