Ilang oras nang nakababad sa swimming pool ng Danarra Hotel sa Panay Ave., Quezon City, ang young actress na si Marian Rivera nang abutan siya ng ilang entertainment press at ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na dumalaw sa taping ng Dyesebel kagabi, October 7.
Ang naturang eksena ay ang ultimate na pag-aaway nina Dyesebel (Marian) at Betty (Bianca King), na naging isang pangit na sirena na rin. Of course, naroon din si Fredo (Dingdong Dantes) na may kakayahan nang tumagal sa ilalim ng tubig.
Umahon muna si Marian sa swimming pool para ayusin ang kanyang headdress at makainom ng hot tea para mainitan naman ang kanyang katawan. Kahit ang isinuot sa kanyang bath robe ay nabasa na rin kasi.
Next week ay finale na ng Dyesebel at kagabi na ang last taping day ni Dingdong, who's leaving tonight, October 8, for San Francisco with his mom. Pero si Marian ay hanggang October 13 pa ang taping. Inuna muna nila ang mga eksenang kasama si Dingdong, tulad ng finale.
Tinanong namin si Marian kung ano ang kaibahan ng finale ng Dyesebel sa finale ng Marimar.
"Ay, ayaw ko pong i-compare ang dalawa kong soap dahil pareho kong minahal
‘yon," sambit ni Marian. "Pero maganda po ang finale namin [dito sa
Dyesebel], naiiba. Tiyak na kikiligin kayo, pero sorpresa muna. Kahit kami ay
kinilig nang mapanood namin sa video ‘yong finale."
Ano ang feeling na matatapos na ang Dyesebel?
"Malungkot po kasi magkakahiwa-hiwalay na kami," sagot ni Marian. "Iba po kasi ang naging bonding namin. More than six months kaming magkakasama-sama, simula pa sa Palawan. May mga times po kasi na kapag maaga kaming natapos ng taping, lumalabas kami kahit ilang hours lang.
"Nakakalungkot po, kasi si Direk Joyce [Bernal], humingi na rin ng bakasyon. Masyado po siyang na-drain sa trabaho. Wala po siyang pahinga simula pa ng Marimar hanggang itong Dyesebel. Nagdirek pa siya ng movie nina Richard Gutierrez at KC Concepcion [For The First Time]. One month po yata siyang magbabakasyon at pagkatapos, may gagawin pa rin siya sa GMA-7."
Mami-miss ba niya si Dingdong?
"Hindi naman po magtatagal si Dingdong sa States. Sa October 17, nandito na siya in time sa inauguration ng GMA Network Annex. Mayroon din kaming ginagawang movie, ang One True Love. Pagkatapos po noon, magsisimula na kaming mag-taping ng bago naming soap na straight drama at mas mature daw ang mga characters namin, ang Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang.
Biro kay Marian, mas sexy ang character niya sa bago nilang soap.
"Okey lang po sa akin ‘yon," sabi niya. "As an actress, dapat gampanan ko ang lahat ng roles na ibibigay sa akin, wala pong problema."
INCIDENT WITH ARA. Nilinaw na rin ng PEP kay Marian ang issue na tinabig daw siya ni Ara Mina noong nag-perform sila para kay Mother Lily sa SOP noong September 28 at iniyakan daw niya ‘yon.
"Wala po kaming alitan ni Ara," paglilinaw ni Marian. "At kahit ako ay nagulat na mayroon palang ganoong issue. Hindi ko po napansin ‘yon. Kahit saan po ako inilagay, kahit doon sa dulo, hindi problema sa akin. Ang mahalaga po, alam ni Mother Lily na nandoon ako at binati ko siya. Hindi po totoo na iniyakan ko ‘yon."
Kung sakaling pagsamahin sila ni Ara sa isang project, papayag ba siya?
"No problem po. Wala po akong karapatang tumanggi kung sino ang gusto nilang makasama ko," sagot niya.
BREAK OR NOT? Hindi rin siyempre mawala-wala ang issue na break na raw sila ng boyfriend niyang si Ervic Vijandre. Pero bakit parang hindi siya nalulungkot?
"Bakit ko naman po ipakikita pa kung nalulungkot man ako?" balik-tanong niya. "Gusto ko pong ipakita ang positive side ko. ‘Tsaka bakit kailangan kong malungkot, ang dami pong blessings na dumarating sa akin? Marami akong projects, endorsements, maraming nagmamahal sa akin na nagpapasaya sa akin."
In love ba si Marian Rivera ngayon?
"Lagi po naman akong in love," nakangiting niyang sagot. "In love po ako sa trabaho ko, sa mga friends ko, sa family ko... Lalo na po sa GMA Network dahil napakalaki ng utang na loob ko sa management dahil sa pagtitiwalang ibinibigay nila sa akin."
Ayaw ring mawala ang issue na mas maganda raw ang pagtitinginan nila ngayon ni Dingdong. May maganda na bang nangyayari sa kanila?
"Kay Dong po ninyo itanong ‘yan," sagot niya. "Basta ako, ganito na po ako noon pa, lagi akong masaya. Mahilig lang kaming mag-asaran ni Dong kaya nagkakapikunan, pero hindi naman po natatapos ang araw na hindi kami okey. Kung iba po ang pakahulugan nila, nasa kanila na ‘yon. Hindi ko po babaguhin ang sarili ko."
Dumating daw sa set ng Dyesebel si Antoinette Taus, na dating girlfriend ni Dingdong. Nagkita ba sila?
"Hindi po. May nagsabi lang sa akin na dumating siya kasi nagte-take po ako. Wala pa rin po yata si Dingdong noon. Pero sabi nila, friend daw po niya si Bianca [King] at ito ang pinuntahan niya.
Ayaw paawat ng mga kausap ni Marian. Si Dingdong na ba ang natagpuan niyang "one true love"?
"Ewan ko po, mahirap pong magsalita nang tapos," nakangiting wika ni Marian bago tumalon muli sa swimming pool.