May valid reason naman si LJ Reyes kung bakit siya tumanggi na magsabit ng bulaklak sa Ateneo Blue Eagles team, sa pangunguna ni Chris Tiu, noong Linggo, October 5, sa SOP kasama ng ibang Kapuso female stars did.
Ito ay dahil nag-aaral siya sa La Salle, where she is now taking up Economics and Finance.
"Kasi dapat, ako ang muse ng La Salle. Siyempre, parang respeto ko naman sa La Salle kasi school ko yun, di ba? ‘Tapos, sasabitan ko ang Ateneo?" paliwanag ni LJ nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa compound ng GMA Network Center.
Bakit hindi siya nag-muse?
"Tinanong nga nila ako, kaso hindi talaga ako pupuwede. Gusto ko namang mag-muse. Siyempre, school ko yun. Parang isang honor din naman sa akin yun kung magmu-muse ako ng La Salle. Actually, proud nga ako na tinanong nila ako, e. Sayang nga, e. So, mahiya naman ako, di ba, kung magsasabit pa ko for Ateneo?" pagbibigay linaw pa rin niya.
A DIFFERENT LJ. Sa afternoon soap ng GMA-7 na Una Kang Naging Akin, mapapanood naman daw siya ng mga tao bilang kontrabida.
"Naku, dyusko, sasama na naman ako! E, di ba, bumait na ako? Wala na, masama pala talaga ang ugali ko! Inggitera pala talaga ako!" natatawang biro niya tungkol sa kanyang role.
Ayaw patulan ni LJ ang pang-iintriga na may mga eksenang tila nasasapawan niya si Maxene Magalona.
"Hindi ah, sobra naman kayo!" sambit ni LJ. "Hindi naman... Siguro kasi, yung role ko kasi, yung character ni Liway, masyadong strong lang. So, kapag pinanood mo sa TV, feeling mo, nasasapawan si Maxene. Iba kasi ang character ko, e. Alangan namang kontrabida ka ‘tapos hindi mo ginalingan, di ba?"
Aminado naman si Maxene na pagdating sa crying scenes, medyo hirap siya.
"Actually, mas nakapag-adjust na siya ngayon," sabi naman ni LJ. "Aminado naman siyang hindi niya forte yung drama, yung ganoong pag-arte. Nagulat din siya na sobrang drama talaga. Hindi lang siya sanay na sa isang araw iyak ka nang iyak. Nagulat lang talaga siya, but it takes time naman para ma-adjust ka sa ganoong klaseng role."
Sa aspetong yun, nagsusuportahan naman daw silang dalawa.
"Oo naman! May isang eksena nga na aapihin ko siya. Ang nangyari, api talaga! Isang beses nasampal ko siya at yung sampal ko sa kanya, naging totoo. Nag-sorry ako sa kanya. Mabait naman kasi si Max at alam naman niyang trabaho lang talaga yun."
WORKING WITH HER EX. Sila ni Alfred Vargas, kumusta naman sila ngayong magkasama na silang dalawa sa isang soap?
"Okey naman kami. Walang problema. Sabi nga nila sa amin, ‘Uy, magkakabalikan!' Sabi ko, ‘Hindi, ‘no!' Sabi pa nga sa akin ni Max at saka ni Ate Angel [Angelika dela Cruz], ‘Mabuti at nakakapagtrabaho kayo nang maayos, e, di ba, ex?'
"Sabi ko, ‘Oo naman, wala naman na kasing problema. Matagal na naman yun. Kung anuman ang nangyari sa amin, sarado na. Wala nang kailangang ayusin. Friends na kami. So, wala nang problema."
Nakapag-move on na ba talaga siya?
"Oo naman, wala nang problema. Para siyang isang friend na lalaki na nakakatrabaho mo."
NON-SHOWBIZ BOYFRIEND. Obviously, mas open na rin si LJ sa kanyang bagong karelasyon. Ang apo ng SM chain of malls at schoolmate niya sa La Salle ang boyfriend ngayon ng young actress. Ayon kay LJ, eight months na rin daw silang dalawa.
"Masaya, all throughout. Well, siyempre, hindi mo naman maiiwasan kunwari, tampuhan. Pero walang malaking away. Walang ganoon. Kumbaga, hindi ko pa naman nakikita na matatapos ang relationship namin," sabi ni LJ.
Ano ang difference ng non-showbiz ang boyfriend?
"Nami-miss ko na rin kasi yung buhay ko na normal. Hindi ko naman sinasabing ayoko ng atensiyon. Pero nakaka-miss din minsan. Yung showbiz naman kasi, very overwhelming minsan. Pero sa kanya [her boyfriend], kapag siya ang kasama ko, normal ako. Parang hindi ako si LJ na artista."
Ang pinakanagugustuhan daw niya sa boyfriend ay ang pagiging maasikaso nito sa kanya. Lalo na ngayong LJ is living independently sa nabili niyang bahay sa may Fairview. Ang mommy at ang kapatid niya ay parehong nasa Amerika na.
"Maasikaso siya. As much as possible, aalagaan niya talaga ako hanggang kaya niya. E, kasi nga, yung schedule ko, nag-aaral ako at nagtatrabaho ako. E, sobrang hirap na rin ang school kasi tri-sem kami. ‘Tapos, yung thesis. So, very short ang preparation. Full load pa ako! Minsan nga kapag tinatanong ako, paano ko raw kinakaya, hindi ko rin alam!" natatawa niyang sabi.
Paano naman ipinapakita ng boyfriend niya ang suporta sa kanya?
"Pinapanood niya ang mga shows ko. Kung minsan, kapag hindi niya napanood, papanoorin pa niya sa Internet. Kapag naman may mga projects and then hindi ko na talaga kayang bumili, wala nang oras, sometimes he will buy it na for me. Yung mga ganoon. Or kapag magkasama kami and then alam niyang pagod ako, puyat, ang gagawin niya, papatulugin na lang niya ako."
Kung may maganda man daw sa relationship nila, parehong okey ang relationship nila sa kani-kanilang mga pamilya.
Kung siya ay happy sa kanyang love life, tila ayaw namang paniwalaan ni LJ na si Alfred ay kabaligtaran. Hindi pa rin daw nakakahanap si Alfred ng kapalit ni LJ. Ano ang rekasiyon dito ni LJ?
"Ganun? Naku, huwag nga siya! Hindi naman siguro. Meron naman siguro. Malay n'yo non-showbiz kaya hindi niya sinasabi. Pero alam ko, meron," nakangiting sabi ni LJ.
