Nabalitaan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na magsasampa ng demanda ang talent manager na si Becky Aguila laban sa dati nitong empleyado na tinatawag na "Tita Mel" dahil diumano sa pagnanakaw. Ang dating empleyado na ito ni Becky ay tumatayong kanang-kamay niya sa pagha-handle sa kanyang mga alagang artista.
Kasama raw sa magdedemanda sa dating empleyado ni Becky ay ang kanyang alagang si Jennylyn Mercado. Masyado raw kasi ang naging pagtitiwala ni Jennylyn sa kanyang dating handler. Huli na raw nang nalaman ng young actress na marami na sa pera niya ang nawawala.
Kung tama ang nakarating sa aming amount, nasa milyon daw ang halagang nakuha kay Jennylyn ng dating handler niya. Awang-awa ang aming source kay Jennylyn dahil alam nitong hard-earned money yun ng kauna-unahang StarStruck Ultimate Female Survivor. Idagdag pa rito ang kalagayan niya bilang dalagang ina sa anak nila ni Patrick Garcia na si Jazz at ilang buwan din siyang nabakante sa pagtatrabaho dahil sa kanyang pagbubuntis at panganganak.
Bukod Kay Jennylyn, balitang pati ang ibang alaga raw ni Becky ay nawalan din ng pera.
Ang naturang dating empleyado raw ang nababalitang umalis sa poder ni Becky at napapabalitang may mga isisiwalat na baho ng manager at mga alaga niya.
