Bumalik nga ba ng Canada ang beauty queen turned actress na si Riza Santos?
Malakas ang naging pasok ni Miss Earth Canada 2006 na si Riza Santos nang magdesisyon siyang pasukin ang showbiz. Dalawang pangalan agad ang naugnay sa kanya—sina Mark Bautista at Polo Ravales. Nadagdagan pa ito sa katauhan ni Will Devaughn nang magkasama sila sa Bahay ni Kuya; naging housemates sila sa second season Pinoy Big Brother Celebrity Edition.
Naging contract star ng Viva Agency Artist, tatlong magkakasunod na pelikula agad ang nagawa ni Riza: Bongga Ka Boy nina Robin Padilla at Ai Ai delas Alas sa Viva Films, kung saan ipinakilala siya bilang aktres; When Love Begins nina Aga Muhlach at Anne Curtis para sa Star Cinema; at Dobol Trobol nina Dolphy at Vic Sotto para sa RVQ-M-Zet-APT Entertainment.
Sa kontrobersiya, hindi rin siya nawala sa headline. Balitang nakabanggaan niya ang tatlong Kapuso artists na sina Katrina Halili, LJ Reyes, at Alyssa Alano sa FHM event. Sumunod dito, nagreklamo naman ang cast ng I Love Betty La Fea, sa pangunguna ni Ruffa Gutierrez, nang pinaghintay niya ang mga ito sa isang taping.
Mas lalaki pa sana ang huling balita ngunit natakpan ito ng isa pa. Nagdesisyon si Riza na bumalik sa Canada dahil isa raw siyang enlisted soldier sa kanyang country of birth.
Maraming katanungang naiwan sa PEP. Posible ba para sa artistang na nasa ilalim ng pamamahala ng Viva Artist Agency (VAA) na anytime ay puwede siyang mag-quit sa showbiz at bumalik na lang sa Canada?
Ito ang dahilan kaya nagpadala ng text message ang PEP sa handler ni Riza sa VAA na si Michelle upang tanungin kung ano ang estado ng kontrata ni Riza at kung totoo nga ba na magku-quit na ito sa kanyang showbiz career.
Halatang nagulat si Michelle sa kumakalat na balita. Aniya, wala raw katotohanan ang mga ito dahil paano raw yun mangyayari gayong may pinirmahang exclusive contract si Riza sa VAA for five years.
Dagdag ng handler ni Riza, one year pa lang halos ang nabubuno ng dating Miss Canada-Earth sa kanyang management contract.
Nagpaalam lang daw si Riza sa Viva para bumalik ng Canada dahil may mga dapat itong ayusin. Pero tiniyak ni Michelle na babalik din sa Pilipinas si Riza bago matapos ang October. Meron pa raw itong commitment sa isang show niya sa ABS-CBN, ang Utoy.
Nang magpatawag ng press conference ang Viva last week for their Fab 4 talents na kinabibilangan nina Nikki Bacolod, LJ Moreno, Jao Mapa, at Mau Marcelo, muli naming kinumusta si Riza sa publicist ng Viva na si Duds Santiago. ‘Tulad ni Michelle, ang alam nito'y nasa Canada si Riza at anytime this October ang balik nito.
Yun nga lang, ano kaya ang iisipin o gagawin ng VAA kung malaman nila na ang pinaniniwalaan nilang nasa Canada ay nandito lang pala sa Pilipinas as of today, October 18?
Nakatanggap kasi ng report ang PEP na hindi naman daw lumalabas ng bansa si Riza at nagbalik sa Canada, taliwas sa naunang anunsiyo ng kampo ng beauty queen-actress. May nakakita diumano sa kanya kailan lang sa Makati kaya biglang nagkaroon ng katanungan kung talaga bang bumalik ito sa Canada.
Nakikita rin daw siya sa Mandaluyong, sa kanyang tirahan.
Isa pang unconfirmed report, may nakakita rin daw sa kanya sa Macau.
Madaling ma-check ang lahat ng ito kung may magpupunta lang sa Bureau of Immigration at usisain kung nakaalis nga ba si Riza sa Pilipinas at kung bumalik nga ba siya sa Canada noong actual date na sinabi niyang uuwi na siya. Puwede ring makita sa Immigration record kung nagpunta nga ng Macau si Riza.
May nakarating ding report sa PEP na may kumukumbinsi diumano kay Riza na taga-Macau at may tempting offers sa kanya. Nagtataka lang ang aming source kung totoo ba ito, at kung gayon, posibleng ito ang dahilan kung bakit kailangan niyang sabihin na nasa Canada siya.