Nauna nang lumabas dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at naipalabas na rin sa mga balita sa telebisyon ang pagdulog kay Vice Pres. Noli de Castro at filing ng complaint at class suit sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) kontra kay Mrs. Rose Flaminiano ng entertainment columnist na si Aster Amoyo, pati na rin ng tatlong artista na sina Aubrey Miles, Maui Taylor, at Ara Mina. Hindi nakasama si Ara sa pagpunta kay VP de Castro dahil nasa Amerika ngayon ang aktres, pero kasama ang pangalan niya sa complainants.
Si Mommy Rose, na manager ni Gabby Concepcion, ang may-ari ng RALF Realty and Management Corporation na developer naman ng Rosmont Executive Villas sa Tarlac City. Si Aster ang nagsilbing PR noong i-launch ang Rosmont habang sina Aubrey, Maui, at Ara ay naging celebrity endorsers nito; kasama rin sina Judy Ann Santos at ang yumaong si Rudy Fernandez.
Ang kaso ay tungkol sa paggamit ni Mommy Rose sa pangalan nina Aster, Aubrey, Maui at Ara nang hindi nila alam, para makapag-housing loan sa Pag-IBIG. Nakuha ni Mommy Rose ang pera, pero ang apat na showbiz personalities ang nagsa-suffer ngayon dahil bigla silang nagkaroon ng utang sa Pag-IBIG, na anila'y ni isang kusing ay wala naman silang nakuha.
THE HISTORY. Para sa mas komprehensibong ulat, personal na sinadya ng PEP si Aster kahapon, October 22. Humingi na rin ang PEP ng mga dokumento ukol sa kanyang reklamo kontra kay Mommy Rose.
Nang makaharap na ng PEP si Aster ay inalam muna namin kung paano sila nagkaroon ng ugnayan o naging magkaibigan ni Mommy Rose.
"Actually, sa industry naman magkakakilala kayo lahat, e, di ba?" panimula ni Aster. "I was with OctoArts for 23 years [as publicist]. Siguro naman yung 23 years, marami akong na-develop na kaibigan. Si Mother Lily [Monteverde] is also a friend. Si Robbie Tan is a producer na naging kaibigan ko... Halos lahat naman magkakaibigan at magkakakilala because we belong in the same industry.
"The late Oskee Salazar [Abante columnist ] is nagpi-PR sa kanya [Mommy Rose]. Very close ko si Tito Oskee, he's one of my best friends in the business. So yung mga ganun ba na parang may mga common friends. At saka nai-invite ako sa mga presscon ng FLT [film company ni Mommy Rose]. So, parang hindi puwedeng hindi ka maging close sa kanya.
"In fairness naman kay Mommy Rose Flaminiano, friendly naman siya. And there was a time na nasubukan niya ako, na nagkatapat ang mga pelikula namin tungkol sa chop-chop lady, sa amin [OctoArts] si Kris Aquino, sa kanila [FLT] si Mareng LT [Lorna Tolentino]. Pero never kong siniraan ang FLT. Never kong siniraan siya personally, or pelikula, or whatever because that's the way I am. I mean, kanya-kanya, e. Ipo-promote ko yung pelikula ko, not at the expense of other people.
"Ang ano dito, e, siguro hindi naman niya makukuwestiyon yung pagiging sinsero ko rin naman sa kanya. Naging totoo din naman siya sa akin. Siyempre give and take ito, e," saad ni Aster.
THE ROSMONT CASE. Nagpatuloy ang mahabang paglalahad ni Aster nang isunod naman niyang ikuwento kung paano nag-ugat ang problema sa kanila ni Mommy Rose.
"The time na ini-launch yung Rosmont, this was in 2004, she asked me to help," sabi ni Aster. "Ako pa ang nag-PR, tumulong pa ako sa pag-o-organize ng launch nito sa Tarlac kung saan ang mga celebrity endorsers ay sina the late Rudy Fernandez, Judy Ann Santos, Ara Mina, Aubrey Miles, at saka si Maui Taylor. Nandun pa sila sa parade. Si Mike Defensor nandun din at saka si Mikey Arroyo. Nagpi-PR din ako kay Mikey before. So, in other words, at that time, walang kuwestiyon yung pagiging magkaibigan namin."
At dahil nga magkaibigan sila ay nakumbinse si Aster na kumuha ng unit sa Rosmont.
"Ikinukuwento niya sa akin na yung mga model units doon, 'Yun ang kina Daboy...' Siyempre, ako naman that time, mura, e, P1.5 million, ‘tapos kapag member ka ng Pag-IBIG, hindi ka masyadong mabibigatan. So sabi ko, ‘Mommy, member ako ng Pag-IBIG, kumuha kaya ako?' Kinumbinsi niya rin ako na kumuha nga. In other words that time, gusto ko lang. Ako, naging impulsive ako sa desisyon ko. At that time, I was really interested."
Pero ayon kay Aster, nang kanyang mapag-isip-isip na may kalayuan din ang Tarlac ay nagbago ang kanyang isip.
"'Tapos in a couple of weeks lang, I changed my mind. Sabi ko, kung yung property ko nga sa Tanauan, Batangas hindi ko napupuntahan lagi, what more itong Tarlac? So, what I did, I called her up, ‘Mommy, hindi ko na lang itutuloy yung property sa Tarlac.' Sabi niya, ‘Okay, walang problema.' So, ako naman, I took her word for that.
"But prior to that, nagpapunta siya ng tao sa akin para magpapirma sa akin ng application form. So, pinirmahan ko. That was my fault, pinirmahan ko. Pero inisip ko kasi that time na hindi ito ipapasok, kasi agad-agad nag-backout ako, e. At saka sinabi ko naman sa kanya, e."
Huli na nang malaman ni Aster na natuloy rin pala ang Rosmont transaction sa pangalan niya. At nasa pangalan na nga ni Aster ang property sa L33 B7 Rosmont Executive Villas, Sepung Calsada, Tarlac City.
"So, wala akong kaalam-alam na after naming mag-usap, ipinasok niya pa rin ang application form ko. At I didn't know that until after two years. I didn't know na ipinasok niya rin pala ang application form ko kahit nag-backout na ako. ‘Tapos na-approved, na-release yung pera," aniya.
Nagsimula raw kabahan at mapaisip si Aster nang bigla siyang makatanggap ng billing statement galing sa Pag-IBIG.
"'Tapos in August 2006, nakatanggap ako ng billing statement from Pag-IBIG. So nagulat ako, bakit ako magkakaroon ng monthly billing statement, e, nag-backout na ako? That time, alam ko na agad na nabuo pala yung transaksyon kasi may billing statement ka na, e. Immediately, I called her [Mommy Rose] up.
"Sabi ko, ‘Mommy, bakit meron akong statement dito na galing sa Pag-IBIG?' Sabi niya, ‘Ay, huwag mo nang intindihin ‘yan. Na-overlook lang yan, whatever.' Pero iniisip ko nga na may problema na, kasi naiintindihan ko naman yun, e. Pero still, I took her word for that na hindi ko na dapat intindihin. So, binigyan ko pa rin ng weight ang sinabi niya sa akin."
Pero laking gulat lalo ni Aster nang after a month ay makatanggap na naman siya ng isa pang Pag-IBIG billing statement.
"Then, came another billing. So, dalawang billing ang dumating sa akin. Pero noong matanggap ko yung first billing, pinasulatan ko siya sa abugado ko, si Atty. Prudente Soller Jr. Pinadalhan ko siya ng letter through my lawyer copy furnished ang Pag-IBIG. ‘Tapos, yun na nga, then came another billing. Magkasunod na billing, August 2006 at September 2006. Sabi ko, ‘Aba, hindi na ito nakakatuwa!' ‘Tapos kinol ko ulit ang kanyang attention. 'Tapos sabi niya ulit sa akin, ‘Huwag mo nang intindihin ‘yan. Ako na ang bahala diyan. Blah-blah-blah.'
"Pero at the back of mind, iniisip ko pa rin. Kaya kahit sabihing nag-usap na kami, nagpadala pa rin ako ng letter sa Pag-IBIG. So nagkaroon ako ng communication sa Pag-IBIG. Pero at the same time, pina-follow up ko pa rin siya. Tinatawagan ko pa rin siya. Pero most of the time, hindi niya ako sinasagot, ang mga tawag ko, pati mga text ko. Pero the few occasions na nagkakausap kami, parati niya akong pinapangakuan na aayusin niya. Kasi alam ko na, e, noong magkaroon na ako ng statement, kinabahan na talaga ako. Kasi lumalabas na may utang ako sa Pag-IBIG."
THE DOCUMENTS. Nakakuha ng kopya ang PEP ng sulat ng Pag-IBIG Branch sa San Fernando, Pampanga, kay Aster dated February 11, 2008 at pirmado ni Branch Manager Pedro Darauay, kung saan nakasaad patungkol kay Aster na: "Although you claim to have repeatedly requested Ms. Rose Flaminaiano for the formal cancellation of the purchase, our records show your housing loan account was taken out on 10 March 2004 in the amount of P1,533,000.00. Subsequently, amortization payments were remitted to Pag-IBIG Fund from 12 April 2004 to 23 May 2006 until the account eventually became delinquent prompting us to send demand notices as required. We also demanded the buyback/replacement of your account by Ralf Realty but to date, the latter failed to settle the account."
Isa pang dokumento ang nakuha ng PEP mula kay Aster kung saan nakasaad ang borrower payments na mula March 10, 2004 hanggang May 23, 2006 ay nakatanggap na ang Pag-IBIG ng payment totaling to P573,130.62. Ito ang total ng naibayad na para sa property na nasa pangalan ni Aster. Each month ay nagbabayad ng P21,227.06.
Pero ayon kay Aster, si Mommy Rose nga raw ang nagbabayad nito. And for some reasons ay hindi na nga niya naipagpatuloy na bayaran. Ito na ang hindi matanggap ni Aster, na nagkaroon siya ng utang sa Pag-IBIG, kahit na hindi naman siya ang nangutang.
"So imadyinin mo, since August 2006 na na-discover ko na may utang ako up to this day or up to the time na nag-file kami ng kaso, I've been asking her, I've been calling her, requesting her, and then begging her na sana ayusin na niya ito.
"'Tapos last April 29, 2008, gumawa kami ng undertaking. I let her sign it, na supposed to be 30 days na ise-settle niya yung utang sa Pag-IBIG. ‘Tapos sabi niya, ‘Gawin mong 60 days.' So, okay, ginawa kong 60 days ‘tapos pinirmahan niya. Yung undertaking is supposed to clear yung pangalan ko. Iba-buy back yung unit ‘tapos malilinis na ang pangalan ko. Kasi ‘pag binay- back niya yun, ibig sabihin she will take full responsibility sa pagbabayad doon. So, mae-erase na yung record ko sa Pag-IBIG. But it never happened. So from April 29, May, June, July, August, September, October, magsi-six months na sa 29."
ACCIDENTAL MEETING. Patuloy pa rin daw nakikiusap si Aster kay Mommy Rose na ayusin na ang problema sa Pag-IBIG. Pero wala naman daw itong ginagawang aksyon.
"And then I saw her by accident August 1, 2008, sa birthday ni Manay Ethel [Ramos, manager ni Aga Muhlach] sa Podium. So kinausap ko siya. Alam ko naiirita na siya sa akin kasi kinukulit-kulit ko. Sabi ko kay Mommy Rose, may gusto akong kunin na property na gusto kong idaan sa Pag-IBIG. Pero na-let go ko yun dahil hindi nga puwede, dahil naka-suspend nga ako sa Pag-IBIG ngayon. May bad record ako sa Pag-IBIG ngayon.
"Gusto ko lang sana maidaan ito sa magandang usapan. Why would I wait for more than two years bago kami magsampa ng kaso or magreklamo kung hindi ko gustong bigyan siya ng chance na ayusin namin itong problema? Nasa kanya lang naman, e, di ba? After all, hindi naman ako ang nakinabang sa pera. Wala naman sa akin yung property.
"'Tapos may isang appointment kami ni Mommy Rose na hindi niya ako sinipot. That was the time na may meeting kami at magkikita kami nang personal sa Annabel's [restaurant]. Pero hindi niya ako sinipot, ni hindi nga niya ako tinawagan, e. I was trying to call her pero hindi ko siya ma-contact. Pumunta ako doon, I was there. Mabuti na lang isinama ko ang lawyer ko. Kung hindi, nagmukha akong tanga roon ng kahihintay sa wala.
"The next day, she called me up. Sabi ko sa kanya, ‘Mommy pinagmukha mo naman akong tanga.' Pero just the same, sinabi niya na, ‘Magkita tayo.' Nagkita kami sa Starbucks sa ABS-CBN. By that time, okay pa sila ni Gabby. ‘Tapos pinasunod kami papunta doon sa taping ni Gabby sa may Delta, yung ganun ba, na akala ko doon kami sa Starbucks mag-uusap. Just the same, inano ko pa rin yun kasi kailangan ko siyang makausap at mapapirma ko siya doon sa undertaking," kuwento ni Aster.
Dahil nga wala pa ring ginagawang aksyon si Mommy Rose, sinadya na ni Aster, kasama ang kanyang abugado, ang Pag-IBIG branch sa San Fernando Pampanga.
"Nagpunta kami sa Pag- IBIG sa Pampanga kasi nabigyan na ako ng final notice, nabigyan na ako ng warning. Doon na lang kami nagkita ni Atty. Soller, sa office ng Pag- IBIG branch sa San Fernando, Pampanga. Kasi doon galing yung mga letters ko. Nag-set ako ng appointment talaga. Unfortunately, yung branch manager wala doon, so ang humarap sa amin yung assistant manager at saka yung head ng loans department.
"‘Tapos yun nga, we were given the documents. Nakakuha kami ng mga dokumento pati nga yung ibang dokumento na wala ako, nakakuha ako sa Pag-IBIG. Kasi nga wala akong alam, wala akong record. Doon ko na lang nalaman na may iba pa palang nabiktima, marami pala kami, more than 90. Pero kahapon [October 21] nang humarap na kami kay Vice President Noli de Castro, ang sabi naman ni Atty. Romero Quimbo [CEO ng Pag- IBIG], 91 daw."
CLASS SUIT. Noong Martes, October 21, magkakasamang nagpunta sina Aster, Aubrey Miles, at Maui Taylor para pormal na idulog ang kanilang problema kay Vice Pres. Noli de Castro. Si VP Noli de Castro ang head ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).
Kasama nila sa meeting ang Chief of Staff ni Vice President na si Atty. Jesse Andres at si Atty. Romero Quimbo ng Pag-IBIG. Ipinakita nila kay Vice President ang mga ebidensiya at dokumentong nakuha nila.
Pero bago pa ang pakikipagkita kay Vice President, nag-file na sila ng class suit kasama rin ang pangalan ni Ara Mina sa HLURB noong October 14, 2008.
"Yung kaso nina Aubrey, Maui, at Ara, iba sa kaso ko. Ang kaibahan naman ng kanila Aubrey, na supposed to be ay kabayaran nila yun bilang celebrity endorsers nga together with Daboy at Judy Ann. Walang kaalam-alam sina Aubrey na yung pinirmahan pala nila ay Pag- IBIG pala, para sa Pag- IBIG housing loan. So, wala silang kaalam-alam na ini-loan din sila, ‘tapos na-approve.
"Sila actually, non-members sila ng Pag- IBIG, except me. Pina-member silang tatlo. You cannot avail of a housing loan unless you pay for two years na contributions. That's a requirement for you to make a housing loan. Binayaran din ni Mommy Rose yung two years nilang contributions para maipasok din yung application nila. Wala silang kaala-alam doon kasi ang sabi sa kanila yung para sa title, sa unit, para sa lahat. Sila naman in good faith, si Mrs. Flaminianao ang nagpapirma, so tiwala, e. At saka naka-fold daw noong pinapapirmahan sa kanila.
"Pero yung sa case ko, ang pinapakiusap ko lang sa kanya, ‘Mommy ayusin mo naman ang pangalan ko. Linisin mo naman ang pangalan ko.' Yun lang naman ang ni-request ko sa kanya. Which kung tutuusin, isa lang ako sa nagre-request, e. Kung naayos lang sana agad, e, di sana hindi na kami nagkaproblema ng ganito, hindi na kami umabot sa ganito. Pero wala, e, talagang wala siyang intensiyon. Kung may intensiyon, hindi siya maghihintay ng ganito katagal na more than two years para gumawa ng aksiyon despite na nag-uusap kami...."
Paano nakaapekto ang problemang ito sa kanya?
"Well kahit sino naman, magkaibigan tayo, nangutang ako at your expense, matutuwa ka ba, di ba? Ginamit kita para makautang lang ako. Siyempre hindi ka matutuwa. Yun ang masaklap na parte. Kasi siya, siya ang nagbayad ng equity.
"Kasi ang Pag- IBIG para ring bangko ‘yan, e. ‘Pag nangutang ka, parang individual borrower ako, magbabayad ka ng equity, parang down payment. It varies may 10%, may 20%, may 30%, depende sa gusto mong i-down.
"‘Tapos siya ang nagbayad nun lahat, sa amin nina Ara. And she was able to pay for 27 months until mag-default na hindi na niya nababayaran. Kaya dumating na sa amin nang diretso yung billing statement."
So, puwede niya bang sabihin na ginamit lang talaga siya, pati na sina Maui, Aubrey at Ara, ni Mommy Rose?
"In a way, yes. Ano pa ba ang itatawag mo doon? Sina Maui, Ara, Aubrey, they were expecting na kabayaran iyon sa kanila bilang celebrity endorsers ng Rosmont. Alam mo si Aubrey, sa aming lahat si Aubrey ang nakakuha ng susi. Pinaganda na niya. Nag-furnish na siya. ‘Tapos only for her to find out, nang makatanggap na siya ng notice. Yun pala, may utang din siya. So, nakakaano, di ba? Paano ka nangkautang, e, supposed to be pinagtrabahuhan mo na ito, at supposed to be ay kabayaran ‘yong bahay.
"Ang masakit dito, nakuha na niya yung loan matagal na. Actually yung sa akin, lumalabas na yung amount ng unit ko supposed to be P1.533 million. ‘Tapos nag-accumulate na yun plus the interest, umabot na yun ng more than P2 million. ‘Tapos pinadalhan na ako ng notice of cancellation. So ibig sabihin kapag kinansela na yun, ire-requisite na yun ng Pag- IBIG. Final notice muna ‘tapos notice of cancellation."
"DELINQUENT" PAG-IBIG MEMBER. So kahit pala ma-cancel na, may utang pa rin pala siya sa Pag- IBIG?
"Yes. Ito ang masaklap, lahat ng privileges ko sa Pag- IBIG cancelled. Blacklisted ka. Ako, I've been a member of Pag- IBIG for the last 27 years, magre-reflect yun. Pagdating ng retirement age mo, wala ka nang makukuha, kasi naka-reflect na doon yung utang. Kaya nga I have a bad record now with Pag- IBIG. Let's say in the future, if decide to make a loan, wala na, sira ang credit line ko, sira ang pangalan ko. Yun lang naman ang pinangangalagaan natin. Kasi ako naman, marunong din akong mangutang, pero marunong din naman akong magbayad."
Suportado ng dokumento ang ipinahayag na ito ni Aster. Dahil sa dokumentong nakuha ng PEP kay Aster galing sa Pag- IBIG dated September 26, 2007 at pirmado ng OIC ng LCMRD ng Pag-ibig na si Ferdinand B. Garcia, nakasaad dito:
"We wish to inform you of the following consequences while your account remains unsettled: 1. Your entitlement to the Multi-Purpose Loan is suspended; 2. Your eligibility to avail of the 10 or 15 year optional withdrawal of contribution is suspended; 3. Should you be eligible to withdraw your membership contributions due to membership termination (i.e. membership maturity, retirement, separation from the service by reason of poor health, permanent departure from the country, and the like), your Total Accumulated Value shall be applied to the outstanding loan obligation."
Pero ngayon na nakausap na niya ang Pag- IBIG, ano ang in-advise nila sa kanya para maayos ito?
"Yun nga ang nilakad namin kahapon kay Vice President. Kasi as far as Pag- IBIG is concerned, they are just dependent on the documents. And the documents submitted to them ay nakapirma kami."
Ano ang sabi ni Vice President sa kanila? May ipinangako ba ito sa kanila?
"Ang sabi niya is he will look into this problem. Tapos ipapa-raffle off na yung kaso. Pagkatapos ma-raffle off at mapili ang judge na hahawak sa case, susunod doon mag-start na ang hearing."
NOTHING TO DO WITH GABBY. Ano ang comment niya sa sasabihin ng iba na nakikisali lang sila sa ilan pang mga kaso at isyu against Mrs. Flaminiano?
"Actually, nagkataon lang ito, e. Kasi matagal na ito, more than two years ko na itong ipinapakiusap sa kanya, e. Kasi hindi naman aabot ito sa ganito kung inayos lang yung problema e. Siguro I think yung more than two years na grace period na pakiusap ko, na parati akong pinapangakuan, that's too much. E, how can we file kung wala kaming dokumentong pinanghahawakan? E, recently lang namin nakuha yung mga documents. Ngayon lang namin nakumpleto yung mga dokumento.
"Akala kasi nila nakiki-ride or whatever. Sabi ko nga, we have nothing to do with Gabby or kung sino man ang iba pa niyang kaaway. Yung kaso namin is totally different sa iba. ‘Tapos may Jinky Pacquiao pa. So, hindi ko alam kung may maglalabasan pang iba."
Ano ang mako-comment niya sa patung-patong na problemang kinakaharap ngayon ni Mommy Rose?
"Well, I just hope... Sino ba ang may gusto ng problema? Sino ba ang may gusto ng kaso? Ako, kung kaya lang itong makuha sa magandang usapan, I'd rather do that, e. Isa lang naman ang gusto ko. I want my name cleared sa Pag-IBIG. Pero kaya nga tumagal ito kasi binibigyan ko pa rin ng weight yung pagkakaibigan namin. What a way to end friendship. Ang dami ko na ring isyung kinasangkutan noon, pero hindi ko pinapatulan yun. Pero ito ibang usapan na ito, e, yung pangalan ko na ito, e. Matagal na panahon ko ring pinangalagaan ang pangalan ko."
So galit talaga siya kay Mommy Rose?
"Alam mo, hindi ko puwedeng sabihing galit, e. Masamang-masama ang loob ko. Siguro yung sama ng loob at saka galit magkaiba yun e. Kasi alam mo, ayusin niya lang ito, totally mawawala ang sama ng loob ko sa kanya. Nagtatampo ako. I gave her all the chances. I waited for more than two years. E, binalewala niya lang."
Kung dati kaibigan ang turing niya kay Mommy Rose, ngayon ba ano na ang turing niya rito?
"Mahirap magsalita nang patapos. Kasi ayokong magsalita ng kakainin ko rin. Ako madali akong ano e... I'm a very forgiving person. Yung isyung ito ngayon, maayos lang, mamaya magkaibigan na ulit tayo, e. Isa lang talaga ang request ko, linisin niya ang pangalan ko. Linisin niya ang pangalan ng iba ko pang kasama."
So, tuluy-tuloy na ba ang kaso kung sakaling hindi gawin ni Mommy Rose ang request niya?
"Well, this is just the beginning. We don't know what's going to happen. If she won't settle, well that's going to be her problem. Wala kaming utang, hindi kami umutang. Pero kami ngayon ang nagdurusa. Pangalan namin ang nakataya. Sana pangalan niya na lang."
So, handa na ba siyang humarap sa husgado?
"Alam mo napakahirap kasi kung tutuusin, hindi ako sanay. Sabihin pang yung hearing will eat up your time. Pero dito prinsipyo na, e. At saka pangalan mo na ang nakataya, e. May ipinaglalaban ka rito, yung katotohanan, katarungan."
Handa na rin ba siyang harapin sa korte sa Mommy Rose?
"Siguro hindi cordial ang magiging dating namin sa isa't isa, I suppose. So, kailangang maging civil na lang kami sa isa't isa. I'm sure hindi siya matutuwa sa amin. And hindi rin naman kami matutuwa sa kanya. Ganun talaga."
Handa na rin ba siya sa mga puwedeng ibato in and out of the court?
"Pinasok na namin ito, e. We have to be ready. Nandiyan yung i-discredit ka, kung anu-anong ibabato sa iyo. We have to face them."
Bakit ang grupo ninyo ang dapat paniwalaan ng mga tao?
"Because we're telling the truth," sagot niya. "We're the victims here. And we have the documents and evidences. Ano ang makukuha namin kung magsisinungaling kami? I'm not running after the property. Ang gusto ko lang ay malinis ang pangalan ko, ang pangalan namin. Wala naman akong ibang hinihiling e. Hindi ko sinasabing bayaran niya ako. Ang bayaran niya yung Pag-IBIG dahil wala siyang utang sa akin. Mayroon siyang utang sa Pag-IBIG, nasa pangalan ko nga lang. Ni isang kusing sa mga nakuha niya, wala sa akin. Wala akong pinakinabangan."
Ano ang final message niya kay Mommy Rose?
"Nalulungkot ako na umabot kami sa ganitong sitwasyon. Dahil never in my wildest dreams na magkakaroon kami ng samaan ng loob. Pero sana lang, I'm still hoping na at the end of the day, maibalik pa rin ang pagiging magkaibigan namin. Siguro mangyayari lang ito, she has to inititate, linisin niya ang pangalan namin sa Pag-ibig," pagwawakas ni Aster sa panayam ng PEP.
MOMMY ROSE'S SIDE. Samantala, kasabay ng panayam namin kay Aster ay may naganap namang presscon si Mrs. Flaminiano, kasama ang kanyang abugado na si Atty. Bonifacio Alentajan, para ibigay ang kanilang panig.
Sa naglabasang mga balita sa telebisyon kinagabihan, binanatan ni Atty. Alentajan ang grupo nina Aster at sinabing, "Bakit ngayon lang sila nag-iingay kung matagal na ‘yan? Gusto lang nilang makisabay sa kontrobersiya between Mrs. Rose Flaminano and Gabby Concepcion!"
Binatikos pa nito ang paglapit ng grupo nina Aster kay Vice Pres. Noli de Castro. Aniya, publicity stunt lang ito.
Nakatakdang mag-guest si Aster sa The Buzz sa darating na Linggo, October 26, para sa mas matitindi pang rebelasyon at pasabog kontra kay Mommy Rose.