Nangangamoy nominasyon at award next year si Polo Ravales dahil marami ang pumuri sa galing na ipinamalas niya sa pelikulang Walang Kawala. Nagkaroon ng press preview itong pelikula ni Joel Lamangan kagabi, October 28, sa Greenbelt 3, Makati City.
"I'm so happy na maganda yung outcome ng movie at maganda yung sinasabi ng mga tao sa akin. Nagdalawang-isip ako na tanggapin ito pero pumasok sa isip ko na ito ang way para mapatunayan ko na marunong akong umarte," sabi ni Polo nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
Aminado naman si Polo na sobrang nahirapan siya sa kanyang role bilang si Joaquin, na nagkaroon ng relasyon sa isang kapwa lalake.
"Hindi siya madali," sambit niya. "Nakakapagod siyang gawin dahil mahirap lahat. Kumbaga, first time ko kasi magkaroon ng love scenes with a guy. Iba ito. Hindi ordinaryo yung mga scenes na ginawa, kailangan talagang mag-prepare."
Kinuwento ni Polo ang ginawa niyang psyching up:
"Iniisip ko na ako yung character. Before umalis ng bahay, kumbaga hindi ko inisip yung sasabihin ng ibang tao kung anuman ang gawin ko sa pelikula. ‘Pag pupunta ako sa set, hindi ako si Polo, e. Iniisip ko, wala akong pangalan. Kasi ‘pag inisip ko na kilala ako ng mga tao, baka mahiya ako. Maiilang ako na gawin yung mga dapat kong gawin sa pelikula. Iniisip ko theater actor ako habang tini-take ang mga eksena na yun, iniisip ko na maraming tao ang nanonood sa akin."
Ayon pa kay Polo, dumating din sa point na nagkakailangan sila ni Joseph Bitangcol sa kissing scenes nila.
"That was take 3 kasi nagkakailangan kami pareho ni Joseph. Prepared na kami, ha! Pero may takes na nagkakailangan kami. Halatang hindi maganda sa screen. Si Direk [Joel Lamangan], hindi niya talaga igu-good na hindi talaga good, e.
"Weird kasi yung feelings. Siyempre, I prefer girls, di ba? Pero ‘pag nandun ka na at kailangan sa eksena, kailangan talagang ipakita na nag-e-enjoy ka. After the scenes, nagtatawanan kami ni Joseph. Nagbibiruan kung 'nag-toothbrush ka ba'? Nagbibiruan na lang kami para hindi masyadong mailang," kuwento niya.
Sa tingin ba ni Polo, nabawasan ang pagkalalake niya sa pelikulang Walang Kawala, na ipapalabas sa November 12 under Manny Valera's DMV Entertainment?
"Hindi! Not at all. Ako pa rin ito," diretso niyang sagot.
Tinanong din si Polo ng PEP kung paano siya nakumbinsi na sumosyo para mag-produce ng isang gay-themed film.
"Kasi naniniwala ako sa script, e. Nung binasa ko siya, maganda siya. Nung binasa ko siya, parang mas masarap ang mag-produce kesa umarte. Pero yun nga, isa ito sa mga tools para mapansin ako ng mga tao kaya tinanggap ko rin siya. Kumbaga, naniniwala ko sa pelikula."
THE RUMORED SPLIT. Ayaw namang magsalita ni Polo tungkol sa napapabalitang split nila ng rumored girlfriend niyang si Jean Garcia.
"Huwag na nating pag-usapan ‘yan," iwas niya. "Basta ang dami nang mga hearsay, ang dami nang na-write up. Ang stand ko lang, I'm sad because hindi maganda yung mga issues na nangyari for the both of us."
Hindi maganda yung mga lumalabas na hindi maganda ang hiwalayan nila ni Jean?
"No, nalulungkot ako dahil may mga issues na lumalabas na hindi naman nila alam kung ano yung totoo," saad niya.
Ayaw pa ring sagutin ni Polo kung hiwalay na talaga sila ni Jean. Pero may lumalabas pang natsitsipan daw si Jean kay Polo dahil pumapatol siya sa "kung sinu-sinong babae."
"Unang-una naman kasi, single naman ako, e. Pero hindi naman ako pumapatol sa kahit na sino. I think I have the right to be with someone na gusto ko. Never akong nag-two time," aniya.
Ano ang masasabi ni Polo sa pahayag ni Jean na natsi-cheapan siya sa kanya?
"Well, if that's her opinion, I respect that. Basta now, happy ako na single ako and I have all the time in the world kasi I'm young, to meet someone na I deserve. Basta ngayon, gusto kong maging single muna... At hindi naman ako cheap," deklara niya.
Okey naman daw sila ni Jean ‘pag nagkikita sa taping ng Gagambino, kung saan sila magkasama.
"Nagbabatian kami," aniya.
Paano niya ilalarawan si Jean ngayon?
"She's my co-actress," sagot ni Polo.