Maja Salvador keeps silent about involvement in Jake-Roxanne confrontation

"Kung mayroon ngang ganung nangyari, hayaan na lang natin. Kumbaga, sila na lang ang magsalita kung ano talaga ang nangyari. Kaibigan ako ni Roxanne, basta nandito ako para sa kanya. Kung anuman ang gulong nangyari sa kanila ni Jake, i-pray na lang natin na maayos," says Maja Salvador.



Dawit ang pangalan ni Maja Salvador sa kumprontasyon diumano ng dating magkasintahang Jake Cuenca at Roxanne Guinoo sa Guam. Si Maja raw kasi ang kasama ni Roxanne nang gabing ‘yon at nakasaksi sa buong pangyayari.

Iwas pa ring magbigay ng diretsong kumpirmasyon si Roxanne kung may katotohanan nga ang lumabas na balita tungkol sa insidente, samantalang hanggang ngayon ay tikom pa rin ang bibig ni Jake.

Kaya nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Maja sa pictorial ng Moon River, ang bagong teleseryeng pagbibidahan nila ni Geoff Eigenman sa ABS-CBN, ay agad naming tinanong ang aktres tungkol dito.

"Basta ang masasabi ko lang, kung mayroon ngang ganung nangyari, hayaan na lang natin," halatang umiiwas na sabi ni Maja. "Kumbaga, sila na lang ang magsalita kung ano talaga ang nangyari. Kaibigan ako ni Roxanne, basta nandito ako para sa kanya. Kung anuman ang gulong nangyari sa kanila ni Jake, i-pray na lang natin na maayos."

CARLO & ROXANNE. May mga balitang lumabas noon na nanligaw at nauwi pa raw sa mutual understanding ang samahan nina Maja at Carlo Aquino. Ngayon, balitang si Roxanne, na isa sa close friends ni Maja, ang nililigawan ni Carlo. Ano ang reaksiyon dito ni Maja?

"Hindi na kami nagte-text, hindi na rin kami nagtatawagan," sabi ni Maja. "Pero pag nagkikita naman kami ni Carlo, pag nagkakasalubong kami sa hallway ng ABS, nagbabatian naman kami. I can say na okey naman kami.

"Alam ko naman na nanliligaw siya kay Roxanne," patuloy ni Maja, "kasi sinabi naman niya sa akin nung nag-usap kami sa ASAP. Ako naman, sabi ko, ‘Go!' Wala naman kaming naging relasyon, so bakit ko naman pipigilan? Saka sa akin naman, kung saan masaya si Roxanne, masaya ako."

TEAM-UP WITH GEOFF. Sa pagpapareha nina Maja at Geoff sa Moon River ay tiyak na malalagyan ito ng love angle, lalo na't halos araw-araw silang nagte-taping. Panay rin ang papuri ni Maja kay Geoff.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sobrang mabait si Geoff, gentleman, guwapo, sobrang masarap katrabaho," paglalarawan ng dalaga. "Kasi alam niyang alagaan ang partner niya, alam niyang pahalagahan. Sa akin kasi, tingnan natin. Ayokong sabihin na hindi magiging kami, ayokong sabihin yun, kasi paano pala kung mangyari, di ba? Basta tingnan na lang natin."

Dahil ang ABS-CBN mismo ang pumili kina Maja at Geoff upang magbida sa Moon River, hindi ikinaila ni Maja na magkahalong saya at kaba ang nararamdaman niya sa tiwalang ibinibigay ng Kapamilya network.

"Sobrang pressured yung nararamdaman ko," sabi ni Maja. "Pero masayang-masaya, kasi ang laki ng tiwala na ibinigay sa akin ng management, kay Geoff, at sa lahat ng bumubuo ng teleserye na ito. Sobrang nagpapasalamat ako sa Diyos kasi blessing na naman ito. Ito na yung dream na dream naming lahat, lalo na ako. Gumagawa na ako ng isang teleserye, na isa ako sa mga bida, kaya nagpapasalamat talaga ako sa management."

WHAT HAPPENED TO ANNALIZA? Tinanong ng PEP si Maja kung ano na ang nangyari sa isa pang soap opera na dapat ay pagbibidahan din niya, ang Annaliza. Tuluyan na bang na-shelve ang proyekto?

"Ako ang dapat na gagawa ng Book 2 ng Annaliza, pero di ko alam kung ano ang nangyari. Heto, binigyan naman ng kapalit kaagad," saad ni Maja.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN