Very proud ang young international singer na si Charice Pempengco dahil siya ang napili ng MYX music channel para umawit ng Philippine National Anthem last Thursday, November 6, bilang pambungad sa MYX Mo! event na idinaos sa SM Mall of Asia Concert grounds sa Pasay City.
"Naku very flattered po ako kasi kumbaga napaka-big event po nito," sambit ni Charice nang makausap ng ilang entertainment reporters, "kumbaga talagang lahat nanonood nito at siyempre hindi lang po dito sa Pilipinas... napaka-big deal po nito para sa akin."
Hindi maiwasang maikumpara si Charice sa fellow singer na si Sam Concepcion. Maaalalang parehong naging contestant ang dalawa ng ABS-CBN singing talent search show na Little Big Star noong 2005. Si Sam ang nag-uwi ng titulong "Brightest Star" at third placer lamang si Charice.
Subalit hindi naglaon ay mas lumikha ng ingay si Charice dahil na rin sa mga international exposure na nakuha nito katulad na lamang nang mag-guest ito sa The Ellen DeGeneres Show noong December 2007 at dalawang beses naman sa programa ng tanyag na American talk show host na si Oprah Winfrey. Bukod pa rito ay nakapag-perform din si Charice kasama ang ilang kilalang international singers at performers kagaya nina Andrea Bocelli, Kenneth "Babyface" Edmonds, Josh Groban at Celine Dion.
PINOY TALENT. Sa ngayon daw ay bihira sila magkita ni Sam dahil nga pareho silang busy sa kanilang respective careers. "Actually, di pa po kami nagkikita sa ngayon pero every time naman nagkikita kami, ‘yon nagbabatian kami," paliwanag ni Charice.
In fairness kay Sam ay napasok naman din nito ang international scene. Recently nga lang ay napili siya ng Dreamworks para awitin ang official theme song ng animated film na Kung Fu Panda. Kasama ang version ni Sam sa inilabas na Asian soundtrack album ng nasabing pelikula.
Dagdag ni Charice, "Gusto ko din siya i-congrats sa mga na-achieve niya ngayon. Nabalitaan ko ‘yong Kung Fu Panda, so, talagang iba ‘yong talent talaga ng Pinoy."
STILL PRETTY MUCH THE SAME. Sa dami ng tinatamasang biyaya at atensyon ni Charice ngayon ay nananatili pa rin daw siyang nakaapak sa lupa. Marami kasi ang nangangamba na baka malunod ang batang singer sa kasikatan at papuri.
"Kasi ano bang mapapala ko kung lalaki ‘yong ulo ko?" nakangiting tanong ni Charice sa mga reporters. "Siyempre, dito ako nagsimula. Kumbaga, siyempre, hindi ka mamahalin ng tao kung lalaki ang ulo mo."
Weird mang pakinggan ay sinabi ni Charice na para sa kanya ay hindi pa rin naman daw malayo ang nararating niya, or at least, iyon ang kanyang ginagamit na motivation para magsikap pa lalo at manatiling grounded.
"Lagi kong iniisip na hindi pa ito. Kumbaga umpisa pa lang ‘to. Kaya ayokong mag-isip na kumbaga hindi porke nararating ko lahat to, e, yun na ‘yon. Gusto ko isipin na nagu-grow pa lang ako. Wala pa 'ko sa kalahati ng mga gusto kong marating," katwiran ng 16-year-old singer.
Nananatili ang focus si Charice sa kanyang goal na, "Gusto ko marating ‘yong mga nararating ng mga idols ko. Kumbaga gusto kong makilala talaga, as in ng buong mundo. Gusto kong makilala ako ng mga taga-ibang bansa na galing ako dito [Philippines]."
Hindi raw niya ugali ang umasa sa kahit anong bagay kaya okey lang sa kanya kung ano lang ang puwedeng ipagkaloob sa kanya.
"Siyempre ayokong mag-expect, e, kumbaga kung ano ‘yong mga dumarating ngayon hindi ko po ini-expect. Para sa akin lang po, gusto ko lang ma-surprise kung ano ‘yong ibibigay na blessings ni God!" bulalas ni Charice.