Nora Aunor's "Himala" voted Best Asia-Pacific Film of All Time

Almost three decades since its first screening, Himala—Director Ishmael Bernal's film about a simple barrio lass (played by Nora Aunor) who claimed she saw and talked with the Virgin Mary—wins another award. This time, from online voters around the world who voted it as the Best Asia-Pacific Film of All Time through CNN-APSA (Asia-Pacific Screen Awards)'s online voting. Above, a scene from Himala.


Ang tagumpay ng pelikulang Himala (1982), na tinampukan ni Nora Aunor, at dinirek ng National Artist for Film na si Ishmael Bernal, sa isinagawang online poll ng Cable News Network (CNN), ay isa na namang patotoo sa katatagan at patuloy na pagpupunyagi ng Superstar.

Sa kabila ng mga dagok sa kanyang personal na buhay at career, tila isa ngang "himala" ang naging hatid ng pelikulang ginawa ni Nora Aunor lagpas dalawang dekada na ang nakalilipas.

Matapos ang dalawampu't anim na taon, mula nang unang maitanghal ang pelikula at magtamo ng mga parangal (9 out of 11) sa taunang Metro Manila Film Festival '82—Best Picture, Best Director (Ishmael Bernal), Best Actress (Nora Aunor), Best Story (Ricky Lee), Best Supporting Actor (Spanky Manikan), Best Supporting Actress (Gigi Duenas), Best Production Design (Racquel Villavicencio), Best Cinematography (Sergio Lobo), at Best Editing (Ike Jarlego, Jr.)—patuloy na kinikilala ang kahusayan ng pelikula at, kamakailan ay nanguna ito at ginawaran ng parangal bilang Best Asia-Pacific Film of All Time ng CNN-APSA (Asia Pacific Screen Awards).

Noong 1983, naging official entry ang Himala sa Berlin International Film Festival at napabalitang naging malakas na contender for Best Actress si Nora Aunor, na natalo lamang by one vote sa isang Russian actress. Nang taon ding iyon, napiling entry ang Himala sa 19th Chicago International Film Festival.

NO NORA, NO HIMALA. Higit sa alinmang acclaimed films ni Bernal, ang Himala, sa ngayon, ay maituturing na pinaka-importante niyang pelikula bilang isang National Artist dahil sa pinakahuli nitong tagumpay, na bunga rin ng naging pakikipagtrabaho niya sa movie icon at screen legend na si Nora Aunor.

Ginampanan ni Nora ang papel sa bilang si Elsa, ang simpleng probinsiyanang umano'y pinagpakitaan ng Mahal na Birhen at naging instrumento sa mahimalang daloy ng buhay sa panahon ng tagtuyot at kahirapan sa isang malayong bayan. Nakiisa kay Direktor Bernal ang prodyuser (Imee Marcos) at manunulat (Ricky Lee) na walang ibang aktres kundi si Nora lamang ang nararapat gumanap sa papel ng pangunahing tauhan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung walang Nora Aunor, walang Himala si Ishmael Bernal!

Buhay pa si Bernal nang unang manalo ang Himala ng international award, ang Bronze Hugo Prize, sa 1983 Chicago International Film Festival. Makalipas ang 25 taon, isa uling pagpupugay sa kanyang obra ang naipagkaloob ng mga online voters, gamit ang makabagong teknolohiyang wala pa sa panahon at hanggang yumao (noong Hunyo 2, 1996) ang dakilang Filipino filmmaker.

VICTORY FOR PHILIPPINE CINEMA. Ayon sa website ng isang local daily broadsheet, Himala's recent triumph is "a spellbinding victory for Philippine cinema." Na nakabilang ito sa Top 10 list ng mga acclaimed films of all-time sa Asia-Pacific region ay karangalan na ngang maituturing.

Pero higit dito ang naging tagumpay ng Himala nang manguna sa CNN online survey at magtamo ng pinakamaraming boto, over other acclaimed films: Ang Lee's Wo Hu Cang Long (Crouching Tiger Hidden Dragon) from China; Akira Kurosawa's Shichinin No Samura (Seven Samurai) from Japan; Andrew Lau and Alan Mak's Mou Gaan Dou (Internal Affairs) from Hongkong; Chan-Wook Park's Old Boy from South Korea; Hayao Miyazaki's Sen To Chichiro No Kamikakushi (Spirited Away) from Japan; Satyajit Ray's Pather Panchali from India; Peter Weir's Gallipoli from Australia; Wong Kar-Wai's Chung Hing Sam Lam (Chungking Express) from China; at Mohsen Makh-Malgaf's Gabbeh from Iran.

Sa kaukulang citation ng CNN, kinilala ang Himala "for it's austere camera work, haunting score and accomplished performances that underline the harsh social and cultural conditions that people in the Third World endure."

Ang APSA (Asia-Pacific Screen Awards) ay isang international cultural initiative na pinasimulan noong nakaraang taon (2007) upang bigyang-parangal ang kahusayan ng mga pelikula sa Asia-Pacific region; mga pelikulang natatangi ang kahusayan ng pagkakalikha at sumasalamin sa kultura ng lipunang pinagmulan niyon.

Ayon din sa CNN website, ang mga pelikulang nakasali sa Top 10 ay pinili ng mga kritiko, industry insiders at mga kilalang artistang Asyano.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ginanap ang pormal na seremonya para sa pagkakapili sa Himala, bilang CNN-APSA Viewers' Choice Award for Best Asia-Pacific Film of All-Time noong Nobyembre 11, 2008, sa Gold Coast, Queensland, Australia.

Dito sa atin, may special screening at tribute ding agad na nai-schedule (November 22), sa Titus Brandsma Center ng mga grupong pan-relihiyon. May pagkilalang kaloob sa mga naging bahagi (cast and production people) ng Himala.

Samantala, hindi nakadalo si Nora Aunor sa Himala awarding rites ng CNN-APSA sa Australia. Hanggang sa sandaling ito, nakabase sa U.S. si Nora Aunor at abala sa mga ginagawang show.

Pero importanteng mababanggit na tumakbo ang pilian, o ang online poll ng CNN-APSA noong buwan ng Oktubre, 2008, kung kailan ginugunita ang ika-41 anibersaryo sa show business ng kinilalang superstar ng Philippine show business.

MILESTONES. Taun-taon, nagiging milestone ang anniversary month ni Ms. Aunor. Last year, buwan din ng Oktubre, 2007, nang tuluyan nang mabura ang mga tala ng pagkakaugnay ng pangalan ni Nora Aunor sa isang kasong ugnay sa droga (noong 2005, sa LA Airport). Ito ang ika-40 taon ni Nora Aunor sa showbiz. Nagpatuloy siya sa pang-aaliw sa mga kababayang nasa Amerika, sa pamamagitan ng iba't ibang shows (na karamiha'y matutunghayan ngayon sa YouTube); at bago sumapit ang ika-41 anibersaryo ay nakamit ang minimithing green card, bilang legal na residente ng U.S.A.

May mga plano sa ngayon si Nora Aunor para sa kanyang showbiz career; may mga usap-usapang babalik na siya sa Pilipinas upang gumawa ng pelikula, na umano'y ipu-produce ni Sahjid Khan (Indian actor na naging kapareha niya sa The Singing Filipina noong 1971), at meron ding nababanggit na pelikulang ididirek ni Mario O'Hara, na ang kuwento'y base sa tunay niyang buhay na siyang bubuo sa nahintong Greatest Performance na sinimulang i-shoot ni Nora Aunor noong 1988.

A "TRAGIC FIGURE." May mga nagsasabing sayang si Nora Aunor. Na isa siyang "tragic figure."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Anupa't sa patuloy na pagkakaroon ng animo "himala" sa kanyang buhay at career, malayo ngang maituring na ang buhay at panahon ni Nora ay mauuwi lamang sa totoong trahedya.

Ang totoo, base sa isang interview kay Nora Aunor na naka-post ngayon sa YouTube, matapat si Nora sa sarili sa sinabing, "Ang lahat ng mga pagkakamali ko sa buhay ay nagsisilbing aral sa akin..."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN