Hiniram ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa entertainment editor ng People's Tonight na si Ian Fariñas ang litratong kuha niya, kung saan pinasan ni Dingdong Dantes si Marian Rivera pababa sa mezannine ng Imperial Palace Suites. Sa naturang lugar ginanap ang blowout ng Regal Entertainment at GMA Films para sa box-office success ng One True Love, ang pelikulang pinagbibidahan nina Dingdong at Marian kasama si Iza Calzado, noong Huwebes, November 27.
Nakaalis na ang karamihan sa press at photographers that time, kaya naka-scoop si Ian ng one-of-a-kind at super-exclusive photo ng magka-love team. Madalas may ganitong eksena sa mga Koreanovela, kung saan nakasampay sa likod ng lalake ang babae habang sila'y naglalakad o naglalambingan.
Bago pasanin o buhatin ni Dingdong si Marian, narinig ni Ian na nagparinig si Marian, "Akala ko ba, bubuhatin mo ako?" nang makitang paalis na ang aktor at maiiwan siya.
Obviously, nangako si Dingdong na bubuhatin si Marian kaya naman siningil ng aktres ang kapareha. Kuwento ni Ian, dalawang beses pinasan ni Dingdong si Marian dahil noong una, nagpababa ang aktres nang makitang may camera na dala si Ian at kukunan niya ang dalawa.
Nag-dialogue pa raw si Marian sa manager niyang si Popy Caritativo ng "Momsie, paalisin mo siya," na ang tinutukoy ay si Ian. Pero hindi nagpataranta ang entertainment editor at itinuloy ang pagkuha ng litrato na nandito ngayon.
Hindi man nakita ang mukha ni Marian sa litrato dahil natakpan ng mukha ni Dingdong, hindi makakailang siya ang nasa litratong buhat-buhat ng aktor dahil sa right foot niya na naka-cast. Kita rin ang paghihirap sa mukha ni Dingdong habang pasan-pasan ang kanyang leading lady.
Sa launching nila ni Will Devaughn as the newest Jag endorser last Friday, November 28, sa SMA Mall of Asia ay tinanong ng PEP si Marian kung gaano siya kabigat.
"Hindi ako sure, 100 pounds o 105 pounds yata ako," sagot ni Marian.
Mabuti't hindi nabigatan si Dingdong nang magpakarga si Marian pababa ng hangdan ng Imperial Suites? Mahirap yun dahil madulas ang sahig at may kataasan. Hindi ba nabigatan si Dingdong sa kanya?
"Kayang-kaya niya ako!" sagot ni Marian with matching smile na labas ang kanyang dimples. "Payat naman ako kumpara sa katawan niya. Saka, binuhat na niya ako sa Marimar, Dyesebel, at pati sa One True Love. Kayang-kaya niya ako."
THE SHOW MUST GO ON. During the Jag event, nakakatayo na si Marian na crutches lang ang gamit at hindi na siya naka-wheelchair. Tuwang-tuwa ito sa manager niya dahil from wheelchair to crutches to tungkod ay binili nito para hindi siya mahirapan at habang nagpapagaling sa na-fracture niyang toe sa right foot.
Under medication pa si Marian, pero kumikirot pa rin ang paa niya ‘pag hindi kaya ang sakit at iniiyak na lang niya ito. Pero kahit nasasaktan, sinipot pa rin niya ang Jag event dahil ayaw niyang ma-disappoint ang mga taga-Jag at ang maraming fans na naghihintay sa kanila ni Will.
Tuloy rin ang trabaho ni Marian hangga't hindi pa lumilipad patungong Los Angeles para sa Let's Celebrate concert nila ni Dingdong sa Shrine Auditorium sa December 6. In fact, after the thanksgiving party of One True Love, pumayag siya nang pakiusapan ni Mother Lily na mag-dubbing ng six loops para sa Desperadas 2.
Dahil sa gabi pa ang flight niya bukas, December 1, magsu-shooting muna siya sa umaga ng Desperadas 2. Pupunta rin muna siya sa Walk of Fame ni German Moreno sa Eastwood City sa hapon, at sasaglit sa presscon ng Desperadas 2 sa gabi.
"Walang nabago, tuloy ang trabaho ko kahit pipilay-pilay ako," sabi ni Marian. "Sana lang, pagdating ko ng L.A., puwede na akong tumayo nang matagal at kundi ako makasayaw, kakanta na lang akong nakaupo. May awa ang Diyos, gagaling ako nang mabilisan dahil marami naghihintay na trabaho pagbalik ko."
Kabilang sa naghihintay na trabaho kay Marian dito ay ang promo ng Shake, Rattle & Roll X, kung saan bida siya sa "Nieves" episode. Magsisimula na rin silang mag-taping ni Dingdong ng bago nilang soap na Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang. December 11, ang schedule ng first-day taping nila at kailangan itong masunod dahil sa February 2, 2009 na ang pilot nito.