Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa Pinoy Dream Academy Season 2 Grand Dreamer na si Laarni Lozada, sinabi nitong walang nabago sa kanya despite being a grand winner, pinagkakaguluhan, may mga mall tours, at ngayon ay may self-titled album na.
Ayon kay Laarni, ayaw niyang isipin ang mga pagbabago sa kanyang buhay dulot ng pagkapanalo niya sa Pinoy Dream Academy dahil baka raw ikalaki ito ng kanyang ulo.
"Naku po, parang ganun pa rin. Kung maari nga, ayaw ko pong isipin 'yon kasi baka mamaya, biglang pumasok yun sa ulo ko, e. Dapat palagi ko rin isipin kung saan ako nanggaling, dapat down to earth lagi."
A WOMAN INSPIRED. Sa tinamong tagumpay ni Laarni ay posibleng may mga admirer na rin siya ngayon. Halata naman kasi na blooming siya dahil ang layo ng naging transformation niya ngayon mula noong nasa loob siya ng akademya. Today, she is a picture of a woman inspired by love.
Totoo bang crush niya ang singer na si Jed Madela?
"Si Kuya Jed kasi, bago pa ako pumasok sa Pinoy Dream Academy, talagang idol ko na siya," sabi ni Laarni. "Pag nakikita ko siya sa ASAP, sobrang napapa-wow ako sa galing ng kanyang boses. Talagang world class. Sabi ko, gusto kong maging katulad din niya. Sana marating ko din yung narating niya."
Inamin ni Laarni na may constant communication na sila ni Jed at kadalasan, pinagtatawanan lang nila yung pagli-link sa kanila mula nang nabuking na crush pala ni Laarni si Jed nang mag-guest siya minsan sa Boy & Kris.
Nag-blush naman si Laarni nang hingin ang kanyang komento kung sakaling liligawan siya ni Jed.
"Hindi kaya!" tawa ni Laarni. "Sobrang ina-idolize ko lang siya dahil maganda ang boses niya at saka mabait siya. Isa pa doon, aside sa gifted talaga siya ay pareho kaming Ilonggo. Idol ko siya."
Aside from Jed, gusto rin ni Laarni si Gary Valenciano, na medyo ikinagulat ng press dahil kung bigyan ng comparison ay medyo extreme ang music nina Jed at Gary. "Kasi po, gusto ko iba-ibang music genre, di ba?" depensa naman ni Laarni.
INSPIRATIONAL SINGER. Si Laarni ay isang Katoliko kaya obviously na favorite song nito ay ang "Karamay Ko Si Jesus," isang local composition na gawa ng kanyang bulag na voice coach.
Naniniwala siya na walang ibang makaka-survive sa kanya kundi ang kanyang pananalig sa Panginoon, kaya naman nagsisimba siya sa Malate Church at araw-araw siyang kumakanta sa chapel ng Philippine Women's University.
"Every 12 o'clock po ako kumakanta doon. Ako po yung singer nila," aniya.
NOT DESERVING? Natanong din ng PEP kay Laarni kung ano ang naging reaksiyon niya na marami ang naniniwalang mas deserving manalo ang runner-up niyang si Bugoy Drilon sa Pinoy Dream Academy.
"Kanya-kanya lang talagang paniniwala 'yan," sabi niya. "Nasa likod na rin 'yan ng utak ko na bawat tao, may kanya-kanyang bet doon sa loob ng Academy. Kung minsan, nag-away-away pa nga 'yong mga fans namin, e.
"Hindi naman ako naapektuhan ng mga ganyan at bakit naman ako magpapaapekto? At saka yung mga ganun, mga negative, nge! Marami pa namang mga blessings na dumarating sa akin.
"Saka, 'yong nasa Top 6 na kami, lahat kami, feeling namin ay winner na kami. Lalo na nung last two weeks na kami na lang ang natira sa Academy. Ang nasa isip namin, kami na yung Grand Dreamer, manalo man kami o hindi. "