Very special ang date na December 26 para kina Mart Escudero at Jennica Garcia. Hindi lang kasi basta birthday ‘yon ni Jennica, who is turning 19 years old, kundi first anniversary rin nila ito ni Mart bilang magkasintahan. Sinagot ni Jennica si Mart noong nag-debut siya last year.
Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Mart sa presscon ng Shake, Rattle & Roll X, wala pa naman daw silang plano ni Jennica para sa celebration ng kanilang relasyon. Sobrang busy raw kasi silang dalawa, tapos ay nagkataon pang namatay ang kaibigan nilang si Marky Cielo kaya medyo hinay muna sila sa kasiyahan.
"Magkakasama kasi kami nina Marky sa Boys Nxt Door," banggit ni Mart. "Noong pumasok sa cast si Jen, isa si Marky sa mahilig manukso sa amin. Kaya hindi namin siya makakalimutan ni Jen.
"Para kasing ang hirap mag-celebrate at maging sobrang saya kasi nabawasan kami ng kaibigan. Pero nag-iisip na kami ni Jen ng puwede naming gawin on our first anniversary. Baka kumain lang kami sa labas or manood ng sine. Kasi second day yun ng Metro Manila Film Festival, di ba? Pareho pa kaming nasa 'Nieves' episode ng Shake, Rattle & Roll X.
"Hindi ko lang kasi alam kay Jen kung matutuloy silang umalis ng bansa. Kasi nga sa December 27, may taping na kami for Gagambino. Parang mahirap na umalis sila na one day lang. Mag-uusap pa naman kami ni Jen tungkol sa pag-celebrate namin."
Ayon kay Mart, napansin niya na malaki na raw ang improvement ni Jennica, hindi lang sa pisikal na anyo nito kundi pati sa pag-iisip nito. Mature na raw kasi ito magsalita at kumilos kaya nagugulat siya minsan sa mga interview nito.
"Older kasi sa akin si Jen ng ilang months. Mas mauuna siyang mag-19 sa akin, e. Pero nakakatuwa siyang pakinggan kapag ini-interview siya. Marami siyang nasasagot at natutuwa ang mga nakikinig sa kanya. Bukod sa mas gumaganda siya, may brains pa, kaya ang suwerte ko sa kanya," sabay ngiti ni Mart.
NEW LOVELIFE OF JENNICA'S MOM. Nakausap din ng PEP sa press conference ng Shake, Rattle & Roll X si Jennica Garcia. Tinanong siya tungkol sa nababalitang bagong pag-ibig ng kanyang inang si Jean Garcia—ang businessman na si Jojo Manlongat.
Bagamat kasama rin sa pelikula si Jean, hindi nakarating ang aktres sa presscon dahil inabot daw ng umaga ang taping ng Gagambino sa Valenzuela City. Nagkaroon din daw ng skin allergy ang aktres kaya hindi na ito pumunta sa naturang presscon.
Kaya naman si Jennica ang sumagot sa mga tanong ng media tungkol sa balitang dine-date ngayon ng kanyang ina ang controversial ex-boyfriend ni Sunshine Dizon at ang ama ng pangalawang anak ni Angelu deLeon.
"Sa totoo lang, wala akong alam kung sino ang idine-date ni Mama ngayon," sabi ni Jennica. "Yung tungkol po diyan kay Jojo Manlongat, hindi ko pa po kasi siya nakikilala. Kung okey naman siya, ipapakilala naman siya ni Mommy sa akin, e. Pero as of this time, wala naman po siyang nababanggit sa akin tungkol sa kanya.
"Ngayon, siguro ang magandang tanungin na lang ay si Mama mismo. Kasi siya naman ang mas nakakaalam sa nangyayari sa kanya at sa lovelife niya. Ayoko namang magbigay ng kung anumang comment kasi buhay na ni Mama ‘yan."
Pero okey lang ba kay Jennica na kung kani-kanino nali-link ang kanyang ina at mostly ay sa younger men pa?
"I can't blame my mom kasi kita n'yo naman, bagets na bagets pa si Mama. Hindi na niya kasalanan na may young men na manliligaw siya. Si Mama naman, masaya siya sa mga nangyayari sa kanya, e. She works very hard and she deserves naman to have an inspiration sa trabaho. Kung sino man yung taong ‘yon, si Mama lang ang nakakaalam.
"Open naman si Mama sa akin, pero may ibang bagay na hindi muna niya sinasabi sa akin. Alam kasi niya na mapag-react ako, lalo na kung hindi ako pabor. Gano'n din naman ako, eh. I have other things naman na hindi ko muna sinasabi kay Mama. Mana ako sa kanya na madaling mag-react kapag hindi feel!" sabay tawa ni Jennica.
Tungkol naman sa ex-boyfriend ng ina na si Polo Ravales, sinabi ni Jennica na wala siyang problema rito. Minsan daw ay may mga eksena silang sabay na kunan sa Gagambino, nagbabatian naman daw sila. Kahit na raw ang nali-link dito na si Krissa Mae ay binabati rin niya.
"Kami naman ni Kuya Polo, okey naman kami. Pero hindi naman kami yung sobrang close. Kasi nga, iba naman ang mga friends niya sa friends ko rin. But I'm okay with him. Walang problema sa akin. Kung anuman ang naging problema between him and my mom, at pati na kay Krissa Mae, hindi ako nakikialam. I guess sila-sila na lang mag-ayos niyan kung may problema nga."
Magte-turn 19 na si Jennica sa December 26 at kasabay ito ng first anniversary nila ni Mart Escudero sa kanilang relasyon. Wala pa raw silang plano ni Mart dahil may balak ang pamilya ni Jennica na mag-out of the country.
"Pero depende ‘yon sa schedule namin dahil after Christmas daw ay resume agad ang taping for Gagambino. Kaya hindi ko pa alam ang mangyayari. Nagkausap naman na kami ni Mart, na kung anuman ang maging schedules namin, we will work around it na lang. Masyado kasi kaming busy pareho kaya yung anniversary plans namin, hindi maayos."
May naisip na ba siyang ibibigay kay Mart bilang anniversary gift?
"Secret na lang. Nag-research na ako na gusto niya, e. Basta magugulat na lang siya sa ibibigay ko. Pero mas importante pa rin na ang gift ko sa kanya ay ang tiwala ko at ang pagmamahal ko," sabi ni Jennica.
