Ang ganda-ganda ni Anne Curtis nang dumating sa Dencio's sa Marikina Riverbanks in Marikina City, kahapong lunch, December 29. Victory party iyon ng Viva Films at Bida Foundations, mga producer ng filmfest entry nilang Baler. Nag-taping na raw siya nang maaga ng kanyang fantaserye na Dyosa doon din sa Marikina, kaya nga raw naka-hair extension pa siya at pagkatapos noon, babalik pa siyang muli sa taping.
Tinanong agad ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Anne kung totoo bang hanggang January 2009 na lamang ang Dyosa. Nabalita kasi noon na extended pa ito hanggang February 2009.
"Yes po, hanggang January 16 na lang kami," nakangiting sagot ni Anne. "Nag-decide na rin po si Direk Wenn Deramas na tapusin na ang fantaserye namin dahil matagal na rin naman kaming napapanood at happy naman kami dahil maganda ang ratings nito at nagugustuhan ng mga bata, lalo na ngayon na mas masasaya na ang mga eksena namin."
Habang kumakain ng kangkong with bagoong, na isa sa mga paborito niyang kinakain sa Dencio's, ay tinanong namin ang mestisang aktres kung binati ba siya ng dating boyfriend na si Sam Milby sa pagkapanalo niyang Best Actress for Baler sa Gabi ng Parangal ng MMFF last December 27.
"Opo, kanina, magkaeksena kami sa Dyosa, sagot agad ni Anne. "Hindi naman right after ako nanalo, pero binati po niya ako."
BEST ACTRESS. Ngumiti na lang si Anne nang tanungin ng PEP kung nakatulong ba ang breakup nila ni Sam para mahusay niyang magampanan ang role niya sa Baler as Feliza. Ang character kasi ni Anne sa pelikula ay iniwan ng mahal niya. Agad din namang nagdugtong sa ngiti niya si Anne na marami pa raw ibang reasons kaya mahusay siyang nakaganap sa papel ni Feliza na ikinapanalo niya ng MMFF Best Actress award.
"Pero hindi ko po talaga in-expect that I will win," ani Anne. "Basta nang mabasa ko po ang script ng Baler, nagustuhan ko ito dahil hindi po naman ito isang war movie, kundi nakapaloob dito ang pagmamahalan nina Celso at Feliza. At feel ko po sa bawat eksena naming gawin ni Jericho [Rosales] kay Direk Mark [Meily] kung gaano nila kamahal ang isa't isa. Marami pong eksena roon na hindi ko na mapigil ang pag-iyak ko, kahit hindi pa ako dapat umiyak.
"Pero nang mag-attend ako ng awards night, very proud po ako sa aming movie dahil ang dami nang magagandang reviews akong nababasa. Manalo lang kaming Best Picture, okey na sa akin. Kaya nang marinig kong tinawag ang name ko ni Kuya Ipe [Phillip Salvador], as Best Actress winner, talagang napatili ako nang malakas. Nangalog na ang tuhod ko!
"Nang matapos na ang hysteria ko, nagpasalamat ako kay Lord. What a way to end the year with so much blessing!
"Twelve years na ako sa showbiz and acting is a passion for me, kaya dream-come-true sa akin ang award na ito. God is so good talaga. This is my first acting trophy, iyon lang ma-nominate ako, blessing na sa akin, manalo pa? Kaya ayoko talagang bitiwan ang trophy.
"Nang tumuloy ako sa taping ng Dyosa after the awards night, inilagay ko sa harap ng mirror habang niri-retouch ang makeup ko. Yakap ko rin ito sa pagtulog."
Biro tuloy ng PEP kay Anne, baka dalhin pa niya sa Boracay ang trophy.
"Ay, hindi na po, baka mabasag lang," natatawang wika ni Anne. "Tomorrow [today, December 30] kami pupunta sa Boracay. Buong family ko po. Narito kasi ang parents ko at mga sisters ko at blow-out ko na iyon sa kanila at celebration na rin ng panalo ko. Doon na kami magpapaabot ng New Year. Pero babalik din kami agad kasi may trabaho pa rin ako after the New Year."
Kinuwento ng PEP kay Anne na baka magkita sila ni Dingdong [Dantes] na nasa Boracay din with his family.
"Ay, nandun din po si Dong? Magkasama kasi kami ni Dong noon sa TGIS (Thank God It's Sabado) nung nasa Viva Films pa siya," nakuwento tuloy ni Anne.
THE WEDDING AND MORE. After Dyosa, may kasunod na ba siyang gagawing teleserye?
"Dalawa pong soaps. Tatapusin na rin po namin ang The Wedding with Zanjoe Marudo. Gusto pa rin po nilang tapusin dahil maganda raw iyong mga nai-tape na namin noon at okey pa rin kahit last year pa namin sinimulan iyon. Three months lang po tatagal ang airing ng The Wedding dahil ayaw na rin ng ABS-CBN na matagal ipalabas ang isang teleserye. Hindi ko pa po puwedeng sabihin kung ano iyong isang teleserye na gagawin ko."
Any upcoming movie?
"Meron po, under Viva Films and Star Cinema pa rin, pero siguro after na lang ng The Wedding. Hindi ko pa po alam ang ibang plano sa akin ng Viva for next year, mag-uusap pa kami ng manager ko, si Ms. Veronique del Rosario-Corpus. Hindi kami masyado nakakapag-usap dahil naging busy nga po ako sa Baler at Dyosa."
Ending this interview, nakita naming mahilig pala si Anne na lagyan ng toyo (soy sauce) ang kanin na kinakain niya. Nang pansinin namin iyon sa kanya, sagot niya'y puwede nga raw niyang iulam na sa kanin ang toyo, sabay tawa ng magandang dalaga.