Rosanna Roces insulted by double X-rating of her movie Aurora

"Ang feeling ko kasi, porke Rosanna Roces, bibigyan nila ng X. Para bang ayaw ka nilang tanggapin bilang isang artista. Kahit anong galing ng ipinapakita mo, ang nakikita lang nila yung sexy na ginawa mo. Nakakainsulto!" says Rosanna Roces in reaction to the double X-rating given to her film Aurora.


One of the toughest women in Philippine showbiz is Rosanna Roces. Bawat buka ng bibig niya, sa bawat salita, ang kakabit ay intriga.

Matapos ang halos isang taong pananahimik, muli na namang nagiging aktibo si Osang. Sa katunayan, tatlong pelikula ang kinatatampukan niya.

Sa kanyang live guesting sa The Buzz kahapon, January 18, hindi inurungan ni Osang ang matitinding pagtatanong ng host na si Boy Abunda para sa The Buzz "Tough Ten."

Pinag-promote muna ni Boy si Osang ng kanyang pelikulang Aurora, na nabigyan ng X-rating ng MTRCB; gayundin ang Manila, kung saan kasama ni Osang si Piolo Pascual bilang aktor at producer; at Karera, produced by Jay Manalo.

Tough Ten Question No. 10: Nabigyan ng X-rating ang Aurora, ano ang reaksiyon mo rito?

"Insulto!" madiing sabi ni Osang.

Bakit ka nainsulto?

"Kasi parang ako nainsulto at iniinsulto mo yung mga manonood ko sa pagbibigay n'yo ng X-rating. Kasi ang ina-appeal namin is R-18. Para bigyan mo ito ng X, na hindi mo naman napapanood ang kabuuan ng pelikula ay isang malaking kahangalan. Kung titingnan mo per se yung napakaliit na scene na ‘yon, na kung ikukumpara mo sa mga dati kong ginawa ay napakawalang kuwenta. Kasi may karugtong yun kung bakit ito ang nangyayari, kailangan yung scene na ‘yon.

"Ang inirereklamo nila yung mashing ng breast. E, meron ba namang ni-rape na nagkaroon ng konting tenderness, di ba wala naman? Kaya nga namin tinatakpan ng kamay para ma-cover yung areola, e... I don't know.

"Ang feeling ko kasi, porke Rosanna Roces, bibigyan nila ng X. Para bang ayaw ka nilang tanggapin bilang isang artista. Kahit anong galing ng ipinapakita mo, ang nakikita lang nila yung sexy na ginawa mo. Nakakainsulto!" matinding pahayag ni Osang.

Tough Ten Question No. 9: Noong nabanggit sa iyo ni Grace (anak ni Osang) na she was pregnant for the second time, ano ang iyong naging reaksiyon bilang isang ina?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kahit naman noong una, hindi ako yung nanay na magagalit, magwawala...iisipin kung paano tatanggalin yung bata, hindi! Parating ang reaksiyon ko, magpapalengke ng marami. Gusto ko may piging, dahil ang bata, regalo ng Diyos ‘yan."

Tough Ten Question No. 8: Isang beses dito sa The Buzz, nabanggit mo sa amin na gusto mo sanang makipagbalikan sa dati mong asawa na si Tito Molina. Bakit hindi ito nangyari?

"Hindi, ang pagkakasabi ko noon, kung magso-sorry lang siya sa akin that time, papatawarin ko. Pero kung makikipagbalikan, hindi na. Hinding-hinding-hindi na. Kasi kumpleto na yung buhay ko ngayon, e. At saka siyempre, di ba, marami nang nangyari? Although talagang minahal ko yung tao dahil eleven years, di ba? Pero para balikan pa, hindi na. Imposible na yun."

Tough Ten Question No. 7: This is a question answerable by a yes or no. May bago ka bang boyfriend?

Malakas muna ang tilian ng audience sa studio bago nakasagot si Osang.

"Ano ba ‘to? Pinagpapawisan yung kilikili ko rito!" natatawang sabi ni Osang sabay walang kakurap-kurap na sumagot, "Meron!"

Tough Ten Question No. 6: Kung may isa kang pagkakamali sa buhay mo na ayaw mong maranasan ng iyong mga anak, ano ito?

"Actually, marami... Maiintindihan mo ako, e, kung bakit ganun na lang kung ipaglaban ko yung mga anak ko, di ba? Actually, hindi ko pagkakamali, e. Hindi ko rin ginusto na mapapunta sa lugar na ‘yon. Iyon yung ibinenta ako noong bata pa ako. Na naging ano ko na pag ako nagkaanak, hindi mangyayari ito. Nakita mo kung paano ko sila ipinagtanggol. Hinding-hindi ito mangyayari sa mga anak ko. Iyon yun. At hindi ko inulit sa buhay ko na maglaglag at magpamigay ng bata."

Tough Ten Question No. 5: This is also answerable by a yes or no. Totoo bang mas pabor ka sa boyfriend ni Grace ngayon kesa kay Jolo Revilla?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Wala naman akong pinaboran. Pareho ko silang gusto. Ang mahal ng anak ko, mahal ko din."

Tough Ten Question No. 4: Matapos ang mga kontrobersiyang iyong pinagdaanan with Dra. Vicki Belo at Manay Lolit Solis, handa ka na bang makipag-ayos o hindi pa?

"Actually, naitanong na sa akin ‘yan nang personal. Ang sabi ko, ang inaayos, di ba, kung may nasisira. Sino ba ang sumira, in the first place? Kung sino ang nakasira, sila ang makipag-ayos. Ako, bilang tao, bilang Kristiyano, at bilang hiling na rin ng mga anak ko, naka-ready naman ako to forgive at napatawad ko na rin naman sila. And I hope napatawad na rin nila ako."

Tough Ten Question No. 3: At one point in your life, nalulong ka ba sa sugal?

"A...sugal, hindi. Sugal sa pag-ibig, oo!" sagot ni Osang na ikinahiyaw ng mga tao sa studio.

Tough Ten Question No. 2: Matapang ka, kontrobersiyal, confrontational, outspoken, sinasabi ang nasa loob ng inyong puso. Osang, mata sa mata, saan ka natalo?

"Sa mga anak ko. Kasi kung tutuusin, I can have all the money in the world, na kinikita ko dati. Hindi ko ipagsasapalarang mabuhay na kahit konti na hindi na ganun kakumportable. Pero dahil nasaktan yung anak ko, hindi ko na inintindi yung hindi ko na kikitain ito o hindi ko na kikitain ‘yan. Kailangan itong mga oras na ito, samahan ko na sila. At pagdating sa mga anak ko, walang pera-pera sa akin," pahayag ni Osang na pinalakpakan ng mga tao.

Tough Ten Question No. 1: Sino ang isang taong gusto mong hingan ng tawad at isang taong gusto mong patawarin?

"Ang hirap nun a.... Gusto kong hingan ng tawad...marami. Maraming mga tao ang dapat kong hingan ng tawad. Unang-una, noong host ako, marami akong nasasaktan, di ba? Na hindi mo naman sinasadya dahil bilang alipin ng showbiz ay kailangan nating gawin ito, gawin ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero kung meron talagang importanteng tao na gusto kong hingan ng tawad...siguro yung ex-husband [Tito Molina] ko. At siya na rin yung gusto kong isang taong patawarin. Kasi naghiwalay kami na hindi ako nakahingi ng tawad kung ano man ‘yong nagawa ko. At hindi ko rin siya nagawang patawarin dahil hindi naman siya humingi ng tawad sa akin.

"Pero napakaraming bagay na kailangan talagang... hindi mo puwedeng mai-let go hangga't hindi mo napapatawad, e. At hindi mo rin makakalimutan, unless patawarin mo rin sa puso mo. And hindi ka patatahimikin ng konsiyensiya mo. At ‘yon siguro ang ginawa ko kaya masaya ako ngayon," madamdaming huling pahayag ni Osang.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN