Jean Garcia on Polo Ravales: "Hindi kami nag-uusap at wala na kaming dapat pag-usapan pa!"

"I date with no particular person. I'm single, why not enjoy? Life is short at nagtatrabaho naman ako at wala akong commitment kahit kanino. For now, mas masarap na steady lang ako at magtatrabaho muna ako," says Jean Garcia.


May papalit na sa trono ni Jean Garcia ‘pag ginusto na niyang magretiro sa showbiz, at ito'y walang iba kundi ang anak niyang si Jennica Garcia.

Pinalakpakan ng mga nanood ng confrontation scene ng mag-ina sa taping ng GMA-7 telefantasya na Gagambino kagabi, January 21. Nagpalakpakan sila sa ganda ng eksena at husay ng mag-ina at wala silang keber kung nag-under acting si Jean para lumutang ang husay ni Jennica.

Basa pa ang mga mata ni Jennica nang makausap ng PEP. Sa madalas nilang "open forum" sa bahay ina-acknowledge ng young actress ang kawalan niya ng kaba na makipagsabayan ng acting sa ina. Kapag "open forum," lahat daw ng puwede nilang sabihing mag-ina sa isa't isa ay kanilang nasasabi. Kaya ‘pag may mga ganung eksena ay magaan na raw sa kanya.

Inilagay rin daw niya sa isip niya na siya si Gelay, ang character niya sa Gagambino. Pag umaarte raw sila ng ina, ibang tao sila para mas madaling magawa ang eksena.

"Nakakaloka ang bagets!" bulalas ni Jean.

"I'm very proud of her! Walang ibang gagaling para sa akin kundi anak ko lang. To think na hindi ko siya in-expose sa showbiz. Hindi ko siya dinadala sa set, sa bahay lang siya at nag-aaral. Naikukuwento ko lang siya sa mga kaibigan kong press. Kaya nagulat na lang ako nang sabihing gusto niyang mag-artista. Hindi ako mapapahiya sa anak ko," pagmamalaki ng aktres sa anak.

Noon pa ay naririnig na raw ni Jean sa entertainment press kung gaano kahusay si Jennica. Kahit anong project ang ibigay rito, comedy man o drama, ay lumulutang ang galing. Noon pa rin hinihintay ni Jean na magkaeksena sila at nangyayari ito sa Gagambino. Isa sa highlight ang confrontation scene nila na mapapanood sa week 15 ng telefantasya.

Hindi pa nababasa ni Jean ang mga susunod na script ng Gagambino, pati kung paano magtatapos ang istorya nila ni Jennica.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

POLO RAVALES. Dahil tuhog ang mga eksenang kukunan sa Gagambino, sinunud-sunod na rin ng PEP ang pagtatanong ng controversial issues kay Jean.

Totoo bang nagde-dedmahan sila sa taping ni Polo Ravales? Totoo rin bang pati si Krissa Mae Arrieta, na isa raw sa cause ng breakup nila ni Polo, ay dine-dedma niya? Hindi ba siya gagaya kay Polo na "that girl" ang tawag kay Krissa Mae?

"Hindi kami nag-uusap ni Polo at wala na kaming dapat pag-usapan pa!" diretsong sabi ni Jean. "Binabati ako ni Krissa Mae at binabati ko rin siya. Bakit naman ‘that girl' ang itatawag sa kanya, may name naman siya at rumespeto tayo? Hindi porke't nasaktan ka, hindi ka na rerespeto sa ibang tao."

Inaamin ba niyang nasaktan siya sa nangyari sa kanila ni Polo?

"Kasi, siyempre, may ginawa siyang hindi maganda. Pero huwag na nating pag-usapan yun. Past is past," iwas ni Jean.

Hindi pa ba niya kayang patawarin si Polo?

"Hindi ko alam."

Paano kung may eksena silang magkasama?

"Professional lang kami, walang problema pagdating sa trabaho."

Mahirap bang kalimutan si Polo?

"Hindi, a! Sorry, mahaba ang hair ko!" tawa ni Jean, na ang ibig tukuyin ay marami siyang admirers ngayon.

JOJO MANLONGAT. Isa ba ang businessman na si Jojo Manlongat sa mga nanliligaw sa kanya?

"We're just friends," maikling sagot niya.

Magkakasama sina Jean at Sunshine Dizon sa darating na GMA-7 drama series, All About Eve. Wala bang magiging problema sa kanilang dalawa kahit na ex-boyfriend ni Sunshine si Jojo, na nali-link naman kay Jean ngayon?

"Gaya ng sinabi ko, friends lang kami ni Jojo at wala kaming magiging problema ni Sunshine. Nagkasama na kami ni Sunshine sa La Vendetta at wala kaming naging problema. Magtatrabaho lang kami," pahayag ni Jean.

Ikinuwento ni Jean na hindi lang ang press ang gustong malaman ang tungkol sa kanila ni Jojo. Pati raw si Raymart Santiago na kapareha niya sa Gagambino ay nag-text sa kanya para alamin ang totoo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Wala ba siyang lovelife ngayon?

"I date with no particular person. I'm single, why not enjoy? Life is short at nagtatrabaho naman ako at wala akong commitment kahit kanino. For now, mas masarap na steady lang ako at magtatrabaho muna ako," pagtatapos ni Jean.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN