Paulo Avelino shares lesson he learned after running away from home

"I realized the importance of being with your family. Iba pa rin na kasama mo ang pamilya mo lalo na kung unti-unting natutupad ang mga pangarap mo," shares Paulo Avelino. The Starstruck 4 Avenger ran away from his home in Baguio to pursue his dreams.


Masayang-masaya ang Starstruck 4 Avenger na si Paulo Avelino dahil nagkakasunud-sunod na ang mga projects niya sa GMA-7. Pagkatapos ng Luna Mystika ay isinama siya sa cast ng GMA Sine Novela na Dapat Ka Bang Mahalin? kunsaan bida sina Kris Bernal at Aljur Abrenica.

Matagal din daw hinintay ni Paulo ang mga trabahong ito kaya panay ang pasasalamat niya dahil hindi na siya naghihintay nang matagal at gusto niya talagang mapasama sa anumang drama series.

"Before kasi, Startalk lang talaga ang regular exposure ko. 'Tapos pa-guest-guest ako sa mga shows. Napapasama nga ako sa ilang series pero pasulput-sulpot lang.

"Ngayon magkasunod na ang mga drama series na kasama ako. Nakakatuwa kasi pinagdasal ko talaga ang mga projects na ito na dumating sa tamang panahon," sabi pa ni Paulo sa panayam niya with PEP (Philippine Entertainment Portal).

Sa Dapat Ka Bang Mahalin? ay gaganap siya bilang isa sa manliligaw ni Kris pero mabibigo siya dahil mag-aasawa agad sila ni Aljur. Hindi pa raw alam ni Paulo kung paano pa magde-develop ang kanyang character.

"May sinabi sila sa akin na mag-iiba ang character ko kasi parang mao-obsess ako kay Kris. Sana nga maging gano'n, kasi gusto kong ma-challenge sa mga roles na ginagawa ko. Ipagkatiwala lang nila sa akin and sure ako na magagawa ko naman," paniniyak ni Paulo.

RUNNING AWAY FROM HOME. Kung pagsubok rin lang ang pag-uusapan, marami na ngang napagdaanan na pagsubok si Paulo sa buhay. Sa edad na 17 years old ay nasubukan na ni Paulo na lumayas sa kanilang bahay sa Baguio City para makipagsapalaran sa Maynila. Nangyari nga ito bago pa man siya nag-audition para sa Starstruck 4: The Next Level.

Kuwento ni Paulo, naging rebelde raw siya sa edad na iyon at nais lang niyang makalabas ng Baguio at hanapin ang buhay niya sa Maynila.

"During that time kasi napaka-impulsive ko. Konting bagay lang na gawin kong mali, napapagalitan ako. E, ayaw ko yung napagsasabihan ako o napapagalitan ako. Makulit ako, e. The more na pinagsasabihan mo ako, lalo akong nananadya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yun ang mga rebel days ko. Parang ayaw ko na sa Baguio. Gusto kong umalis at magpakalayo. It came to a point na ayokong makinig na sa mga magulang ko," kuwento ni Paulo.

Nagkaroon ng pagkakataon si Paulo na lisanin ang Baguio kasama ng ilang mga kaibigan na tumulong sa kanyang magkaroon ng trabaho sa Maynila.

"Nasa Baguio pa lang ako noon, may kumukuha na sa akin na gumawa ng commercials. Ang problema lang that time, bata pa ako at hindi ako papayagan na pumunta ng Manila kasi nag-aaral pa ako.

"E, noong nagrebelde na ako, doon ako nakahanap ng chance na pumunta ng Maynila. Kasama ko ang ilang friends ko na kinukuha rin ng agent na iyon for a commercial shoot. Kaya sama-sama kami na nakipagsapalaran sa Manila."

MISSING HIS FAMILY. Sa isang taong paglalayas ni Paulo, naging maayos naman daw ang buhay niya sa Manila. Nagkasunud-sunod ang mga commercials na ginawa niya kaya nagkaroon siya ng stable na income. Pero kahit na natupad niya ang gusto niya sa buhay, laging nasa isip pa rin niya ay ang pamilya niya sa Baguio.

"Noong una kasi masaya kasi kasama mo ang mga friends mo at adventure ang hanap n'yo. Pero after a few months, doon ka na makakaramdam na nami-miss mo na ang pamilya mo.

"I admit na umiyak ako ng ilang beses kasi alam ko na mali ang ginawa ko na lumayas ako. Pero ito ang way for me to follow my dreams. Wala naman sigurong masama kung gusto kong tuparin ang mga pangarap ko.

"At first, it was really hard to live without your family. Kasi nga gigising ka na lang, may nakahanda ng pagkain. Papasok ka na lang sa school, uuwi ka, kakain ka ulit at matutulog. Kumbaga, lahat provided na at wala kang poproblemahin.

"E, noong naging independent ako, lahat pagtatrabahuan mo. Kung wala kang work, wala kang kakainin. So, I learned to take care of myself. Wala ang mommy at daddy mo para alagaan ka.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"In a way, maganda rin ang nangyari sa akin kasi natuto akong mabuhay na wala ang mga parents ko to look after me. Natuto akong dumiskarte sa buhay. It's a good thing na mababait ang mga kaibigan ko. Through thick and thin, magkakasama kami at nagtutulungan.

"It was a good learning experience para sa akin. Pero I am not suggesting sa mga bata na layasan nila ang pamilya nila. Hindi pala maganda iyon. I should know. I realized na may ibang mas magandang paraan to gain independence."

COMING HOME TO HIS FAMILY. Pagkatapos nga ng isang taon ay nag-decide bumalik si Paulo sa Baguio para makasama ulit ang pamilya niya. Wala namang drama na naganap sa kanyang pagbabalik.

"Wala namang mga iyakan o yakapan na nangyari. Hindi naman parang pelikula ang pagbabalik ko sa amin," tawa ni Paulo.

"Alam naman nila na babalik na ako. Throughout naman sa pag-stay ko sa Manila, I was communicating with my parents. Kumbaga, sa telepono pa lang, nasermonan na ako. Pero nandoon naman ang pag-aalala nila sa akin. Nag-sorry naman ako sa ginawa ko sa kanila.

"Kaya pag-uwi ko, parang normal lang. Nakita naman nila ang pagbabago ko after that. Mas na-appreciate ko na ang pagiging magulang nila and I realized the importance of being with your family. Iba pa rin na kasama mo ang pamilya mo lalo na kung unti-unting natutupad ang mga pangarap mo," pagtatapos pa ni Paulo Avelino.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN