Kinumpirma ni Mark Anthony Fernandez sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na sa April 9 na ang kasal ng kanyang ina na si Alma Moreno sa bagong awasa nito—ang mayor ng Marawi City na si Sultan Fahad "Pre" Salic.
Sabi ni Mark, na nakausap ng PEP sa press conference ng All About Eve kagabi, March 3, sa huling pag-uusap nila ng kanyang ina ay masayang-masaya raw ito at walang pagsisisi sa naging desisyon nito.
Para kay Mark, okay lang daw na ang sariling kaligayahan ng kanyang ina ang pagtuunan nito ng pansin ngayon. Ilang taon na rin daw kasing nakikita ni Mark na puro trabaho ang hinaharap ng kanyang ina, kaya tama lang daw na makahanap na ito ng lalakeng mag-aalaga sa kanya.
"Ang happiness naman ni Mama ang importante ngayon," sabi ni Mark. "Sa tagal ng panahon na inalagaan niya kaming mga anak niya at ang ibang tao, it's time that she takes care of her own happiness. Ako naman, basta masaya si Mama, masaya na ako."
Ayon pa kay Mark, matagal na raw niyang nakilala ang bagong stepdad niya. Mabait naman daw ito at wala raw ibang pamilya.
"Binata siya at nakita kong mahal na mahal niya si Mama," ngiti ni Mark. "Kaya it's only proper na si Mama ay magpakasaya na, di ba? Wala naman nang hahadlang sa kanya. Lagi ko naman sinasabi kay Mama na whatever makes her happy ay kaligayahan din naming mga anak niya."
At present ay konsehal ng Parañaque City si Alma, pero may balita na may balak itong tumakbo for a higher position sa 2010. Totoo ba ito?
"May mga nagtatanong na sa akin regarding that. Hindi ko pa kasi nakakausap si Mama tungkol sa plans niya in politics. May narinig ako na she will run daw for mayor or senator. Hindi ko alam, e. It's all up to Mama kung ano ang magiging desisyon niya tungkol diyan.
"But I still have to talk to her tungkol diyan. Gusto ko rin ma-update sa mga nangyayari sa career niya, di ba? Baka maging political adviser pa niya ako in the future!" natatawang sabi ni Mark.
BACK TO SCHOOL. May plano rin daw si Mark na bumalik sa pag-aaral. May mga nakuwento na siya sa amin tungkol dito at sa kurso na kukunin niya. Pero hindi pa naman daw final ang lahat dahil tinitimbang niya ang lahat dahil sunud-sunod din ang trabaho niya sa GMA-7.
Aniya, "Last year ko pa napag-isipan na bumalik sa school para mas madagdagan ang mga kaalaman ko. I've been reading many books lately and I want to nourish my brain with so many things. Gusto ko kasi kapag nagtanong sa akin ang anak ko, may maisasagot ako sa kanya. Gusto ko anything na itanong niya under the sun ay masasagot ko.
"Pero medyo mahirap pang for now kasi kakatapos lang ng Luna Mystika at kakasimula lang ng All About Eve. So, ang work schedule ko ang masasagasan if ever I do start with my plans to go back to school.
"May mga suggestions at advice for me ang ibang taong nakakatrabaho ko regarding sa mga ganyan. I have options naman, e. Siguro sasabihin ko lahat 'yan kapag okey na ang lahat. As of now, naka-hang pa lahat. Ako mismo ang magsasabi kung ano na ang napagdesisyunan ko."
KULANG SA LAMBING. Tungkol naman sa nabanggit niyang marital problems nila ng misis niyang si Melissa Fernandez sa Showbiz Central last Sunday, March 1, sinabi ni Mark na hindi naman daw mabigat na problema 'yon. Ito raw ang usual problema ng mag-asawa, lalo na kung parehong masyadong busy ang mag-asawa sa kani-kanilang trabaho.
"May nagbiro nga na baka kulang lang sa lambing ang samahan namin!" tawa ni Mark. "Siguro nga, kasi inaamin ko naman na since I became so busy with my TV projects, I've devoted lesser time with my family. Inaamin ko 'yan.
"After kasi ng Impostora, sumunod ang Kamandag, then Ako Si Kim Samsoon, then Luna Mystika, at itong All About Eve. So, may mga plano kaming magpamilya na nasasagasaan. E, mahirap mag-compromise kasi trabaho ito. May kontrata ako sa GMA-7 that I have to fulfill. Alam ko naman na naiintindihan 'yan ng misis ko.
"Pero siyempre, may time na parang, 'Puro trabaho na lang ba? Saan na ang quality time with the family?' 'Yan din ang mga naiisip ko. So doon kami nagkakaroon ng hindi pagkakasundo minsan. Tampuhan lang naman talaga. It's not a big thing naman kasi normal na may away sa mag-asawa. Madali naman kaming nagkakaayos ni Melissa."
JOMARI-POPS BREAKUP. Tinanong din ng PEP si Mark tungkol sa balitang hiwalay na ang kaibigan niyang si Jomari Yllana sa girlfriend nitong si Pops Fernandez. Sabi ni Mark, wala raw siyang alam na may gano'ng balita. (Click here to read related story.)
"Wala akong alam, kasi hindi ko masyadong nakakausap si Jomari," sabi niya. "The last time na nagkausap kami ay noong nag-basketball kami. May ilang weeks na rin 'yon. Wala naman siyang naikukuwento sa akin.
"Siguro kapag nagkita kami, baka puwede kong itanong sa kanya. Hindi naman ako tsismoso, pero dahil parang national issue na siya, sige makikiusyoso na rin ako!" natatawang pagtatapos ni Mark.
