Kung noon ay no comment palagi si Robin Padilla tuwing tinatanong tungkol sa kanyang kapatid na si Rustom Padilla, na mas kilala na ngayon as BB Gandanghari, ngayon ay handa nang sagutin ng action superstar ang lahat ng katanungan tungkol sa bagong anyo ng kanyang tinatawag pa rin na "utol."
Sa press conference ng horror film na Sundo under GMA Films na ginanap sa 17th floor ng GMA Network Center, nagpaunlak si Binoe ng interview upang sagutin ang maraming katanungan tungkol kay BB. Nagbigay rin si Binoe ng kanyang sariling kuwento sa pagiging magkapatid nila ni BB.
Ayon sa bida ng Totoy Bato ay malapit silang magkapatid ni Rustom noon. Magkasunod kasi sila sa magkakapatid at halos sabay silang lumaki, bagamat mas matanda si Rustom kay Robin. Natatawang ikinukuwento ni Binoe na tuwing pumapasok daw sila sa school noon ay pareho sila ng hitsura.
"Si Mama [Eva Cariño-Padilla] kasi, kapag bumili 'yan ng damit namin ni Tom [Rustom's nickname] ay pareho parati. Para kaming kambal," ngiti ni Binoe sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
Patuloy niya, "Kung ano rin ang damit at sapatos ko, gano'n din ang kay Tom. Kaya kapag pumapasok kami, pareho kaming ng hitsura. Isa 'yan sa mga hindi ko makakalimutan na pagsasama namin ni Tom noon. Sabay kaming papasok niyan, pero ako, iba ang pakay ko minsan at yun ay ang maglakwatsa! Si Tom, talagang nag-aaral 'yan. Magkaiba man kami ng gusto noon, pero malapit kaming magkapatid noon."
Kuwento rin ni Binoe, ilang beses daw siyang napapaaway sa kung kani-kaninong tao nang dahil kay Rustom.
"Si Tom kasi noon, suplado 'yan, e," sabi niya. "Hindi basta nakikipagkaibigan 'yan. Kaya may mga taong naiinis sa kanya at pinag-iinitan siya. Kapag nalaman ko 'yan, ako ang unang sumusugod sa kanila! Ako ang harapin nila at huwag ang utol ko! E, ako laking kalye ako. Kaya ko silang harapin.
"Noon pa man kasi, usap-usapan na ang tungkol nga sa pagiging iba ni Tom. May gender issue na rin kasi noon. Pero ang sa akin, ipinagtatanggol ko ang kapatid ko. Wala siyang sinasaktan at pinapatay na tao kaya wala silang karapatan na saktan siya. Kahit sino naman sa mga kapatid ko, ipinagtatanggol ko kahit mas malaki pa sila sa akin. Ang sa akin lang, madepensahan ko sila kahit masaktan ako," saad ni Robin.
BAHAY-BAHAYAN. Nabanggit na rin ni Binoe ang gender issue ni Rustom noon. Nasabi ng kapatid nilang babae na si Rema Padilla-Ohno sa isang interview ng PEP na parati raw silang naglalaro ng bahay-bahayan ni Rustom noong mga bata pa sila. Dinadamitan ng pambabae at mine-makeup-an din daw nila si Rustom noon. (Click here to read related story.)
Kasali rin ba si Robin noong naglalaro ng bahay-bahayan sina Rustom at Rema?
"Hindi kasi ako nakakasama sa mga laro nilang 'yon, e," sabi niya. "Ako kasi, umaga pa lang, pagkagising ko pa lang, e, nasa kalye na ako. Ang mga kalaro ko ay yung mga bata sa lansangan. Gabi na ako nakakauwi kaya 'batang squatter' nga ang tawag nila sa akin noon.
"Yung tungkol naman sa mga laro nilang 'yon ng mga kapatid kong babae, siguro wala naman 'yon noon. Mga bata pa sila, e. Wala pang malisya 'yon. Ang mga bata naman, kapag naglaro, naglalaro lang. Kapag umuwi ako noon, hindi ko naman nakikita si Tom na nakadamit-babae o naka-makeup. Siguro tapos na sila kapag nakauwi na ako.
"Kung may kinalaman 'yon sa pagiging BB ni Tom ngayon, 'yon ang hindi ko masasagot. Si BB na lang ang puwedeng makasagot niyan," sabi niya.
FATHER'S TOUGH LOVE. Nabanggit din ni Rema sa PEP na dahil sa paglalaro nila ng gano'n ay madalas na mapagbuhatan ng kamay si Rustom ng kanilang yumaong ama na si Roy Padilla. Kaya nga nagkaroon daw ng matinding sama ng loob si Rustom noon sa kanilang ama.
"Wala akong alam doon, e," sabi ni Robin. "Kapag nag-uusap naman kami ni Tom noon, wala siyang nababanggit sa akin. Baka itinatago lang niya o ayaw lang niyang sabihin sa akin.
"Kami naman ng tatay ko, close naman kami. Pero madalas din niya akong pagalitan kasi nga sa pagiging bulakbol ko. Minsan nga, tinanong ako niyan kung ano raw ang gusto ko, mag-aral o maglakwatsa? Ang sagot ko, 'Maglakwatsa!' Kaya yun ang ibinigay niya sa akin. Sayang naman daw ang ginagastos niyang pera sa akin dahil hindi naman daw ako pumapasok.
"Sa totoo lang, kapag pinapagalitan ako ni Tatay, ginagawa niyang example si Tom noon na masipag at maayos mag-aral. Yun daw ang tularan ko. Pero yung tungkol sa pananakit at sama ng loob ni Tom kay Tatay, hindi ko alam 'yon.
"Kung ano man siguro ang sama ng loob ni Tom sa aming ama, sana ay wala na 'yon. Matagal nang namayapa ang aming ama. At kung may pangyayaring gano'n, siguro 'yon ang paraan ng magulang namin na ipadama na mahal nila kami."
"MAHAL KITA, UTOL." Bagama't hindi pa raw sila nagkikita nang personal ni BB, gustong iparating ni Binoe ang kanyang pasasalamat dito dahil hindi niya nakakalimutan ang pagtatanggol sa kanya nito noong mga panahon na sobrang bad boy ang imahe niya.
"Kung alam lang nila kung anong klaseng kapatid si Rustom noon, maipagmamalaki ninyo siya. Noong mga panahon na involved ako sa mga kung anu-anong mga hindi magaganda, si Tom ang nandiyan para ipagtanggol ako.
"Nakakarating sa akin ang mga ginagawa niya para lang ipagtanggol ako sa media at sa mga reporter noon na pilit akong binabagsak. Hindi ko alam kung nakapag-thank you ako kay Tom noon, kasi nga lulong na lulong ako sa kung anu-ano noon.
"Tapos noong nakalaya ako sa Muntinlupa, si Tom ang unang nagbukas ng kanyang tahanan sa akin at sa pamilya ko. Kaya ang mga anak ko, naging malapit sila kay utol noon kasi sa bahay niya kami tumira noon. Pero noong lumalaki na ang mga bata, bihira na nila makita si Tom noon. Pero sina Queenie at Kylie, nami-miss nila si Tom. E, ngayon at si BB na siya, mas gusto nila itong makilala pa.
"Ang pinakanatutuwa ay itong isang kapatid nila na si Zhen-Zhen. Noong malaman nga ni Zhen-Zhen na model na si Tom, tumawag sa akin at sinabing, 'Can he teach me how to model?' Kasi nga, gustong maging supermodel nitong si Zhen-Zhen at si BB lang daw ang puwedeng magturo sa kanya!" sabay tawa ni Binoe.
Bilang isang kapatid, sinabi ni Binoe na nandiyan parati ang kanyang pagmamahal kay BB kahit hindi pa sila nagkikita ulit. Hindi na raw kailangan pang sabihin ni Binoe nang personal sa kanyang kapatid ang kanyang pagmamahal dahil madadama naman daw 'yon ng magkakadugo. Dito nga medyo nagpakita si Binoe ng kanyang pagiging emosyonal.
"Hindi na kailangan ng anumang mga salita para masabi mo na mahal mo ang isang tao. Bilang magkakapatid, nandiyan ang pakiramdaman ninyo, lalo na kung lumaki kayong magkakasama at nagtutulungan kayo.
"Kaya 'Tol, Tom, Rustom, o si BB ka man, sasabihin ko na rin, mahal kita. Kung saan ang kaligayahan mo, asahan mo na nasa likod mo ang mga taong tunay na nagmamahal sa iyo at kami iyon. Dahil sa ikaw ay isang Padilla, handa ka naming suportahan at ipagtanggol dahil walang makakatumbas sa pagmamahal ng sarili mong pamilya," pahayag ni Robin.
